2 patay, 1 landslide, rescue truck natumbahan ng kahoy- Iloilo - TopicsExpress



          

2 patay, 1 landslide, rescue truck natumbahan ng kahoy- Iloilo ILOILO CITY-- Hindi pa man nakalandfall si bagyo Yolanda dito sa Iloilo, dalawa na ang naitalang patay. Kinumpirma sa Bombo Radyo ni Mayor Alex Centena ng Calinog, Iloilo na binawian ng buhay ang mag-amang Sejar sa Brgy. Alibunan, Calinog, Iloilo. Ayon sa alkalde, nakuryente ang anak na si Randy Cejar sa kasagsagan ng malakas na hangin habang tumutulong sa rescue operation at sunod na nakuryente ang ama nito at pareho silang namatay. Sa bayan ng Janiuay, kinumpirma naman ni Mayor Frankie Locsin ang nangyaring landslide kung saan gumuho ang dalawang classroom ng primary school sa Brgy. Aglubong ngunit maswerte namang walang tao sa paaralan at walang may nasugatan. Sa Brgy. Tambalisa, Concepcion, natumbahan ng kahoy ang truck lulan ang mga bata at matanda na nililikas patungo sa Tambalisa Elementary School. Ayon kay Charlie Tambalisa, municipal disaster risk reduction and management officer ng bayan, isang matanda ang nasugatan at isinugod sa Sara District Hospital. Maswerte namang walang nasugatan sa mga bata matapos niyakap na lamang ito ng MDRRMO officer. Sa Brgy. Lantangan, Carles, tinangay ng malakas na hangin ang bubong ng paaralan na nagsisilbing evacuation center para sa mahigit 400 na pamilya. Sa ngayon, ang buong 5th district ng Iloilo sa norther part ng lalawigan ay halos wala nang suplay ng kuryente kasama na ang lalawigan ng Capiz at lungsod ng Roxas. Ilan sa mga bayan na nauna nang nagpatupad na ng evacuation ay ang mga bayan ng Dumangas at Miag-ao na nag forced evacuation na kanina, bayan ng Zarraga, Calinog, San Dionisio, Lemery, Concepcion, Estancia at Carles. Nagbukas na rin ng dalawang gate ang Moroboro Dam sa Dingle, Iloilo para maibsan ang tubig habang unti-unti na ring tumataas ang tubig sa floodway. Sa lungsod ng Iloilo, mahigit sa 500 pamilya na ang inilikas mula sa mga coastal barangays. Tumigil na rin kaninang umaga ang byahe ng mga pampublikong sasakyan kung saan kaninang umaga marami rin ang na-stranded matapos matumba ang malaking puno ng kahoy sa highway mula sa Dao, Capiz patungong Iloilo. Sarado na ang lahat na establisyemento kasama na ang mga nangunguna establisyemento at naglalakihang mall sa lungsod. Ngayong tanghali, inaasahan ang paglandfall ng bagyo Yolanda sa Iloilo at ngayon, unti-unti nang nararamdaman dito sa lungsod ng Iloilo ang hagupit ng bagyo. Unti-unti nang lumalakas ang hangin at lumalakas na rin ang alon sa dagat habang nagbabadya ang pagbuhos ng malakas na ulan. Sa gitna ng nagbabadyang paghagupit ng bagyo sa Iloilo ngayong tanghali, nagkaisa naman ang mga Ilonggo sa pagdasal sa pamamagitan ng oras-oras na panalangin sa Bombo Radyo Iloilo.
Posted on: Fri, 08 Nov 2013 04:24:20 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015