50% ANG CUT NG SENATORS; CASH ANG BIGAYAN Hanggang sa 50% o - TopicsExpress



          

50% ANG CUT NG SENATORS; CASH ANG BIGAYAN Hanggang sa 50% o kalahati ng kabuuang halaga ng pork barrel fund na inilaan sa mga proyektong ibinigay sa pekeng non-government organizations (NGOs) ni Janet Lim-Napoles ang hinihingi ng mga mambabatas, partikular ng mga senador, na nagpa-operate ng kanilang Priority Development Assistance Fund (PDAF). Ito ang itinuturing na isa sa pinakamabigat na detalye sa pork barrel scandal na nasiwalat sa ikatlo sa serye ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon committee na pinamumunuan ni Sen. Teofisto ‘TG’ Guingona III na kinasasangkutan ng ilang senador at kongresista at mga tauhan ng mga ito. Kagaya ng nakagawian sa mga una at pangalawang imbestigasyon ay si Guingona ang unang nagtanong sa whistleblower na si Benhur Luy na kasamang dumalo ni Department of Justice (DOJ) Sec. Leila de Lima, abogado nitong si Atty. Levito Baligod at iba pang matataas na opis­yal ng kagawaran. Narito ang bahagi ng tanungan at sagutan nina Guingona at Luy: Sen. Guingona: Paano ang hatian sa legislators? Benhur Luy: Fifty percent po. Sen. Guingona: Kung P20 milyon, eh ‘di P10 milyon. Benhur Luy: Opo. STEP-BY-STEP Una, binanggit ni Luy na magkakaroon umano ng “verbal agrreement” sa pagitan ni Napoles at mga mambabatas. Dito magkakasundo ang dalawang panig kung saang implementing agency ilalaan ang PDAF ng mga mambabatas. “‘Pag napagkasunduan na nila kung saan ilalagak ‘yung pondo, itong lawma­ker na ito susulat sa DBM,” pahayag ni Luy sa komite. “Naka-attach na po du’n ‘yung kanilang identified implementing agency, identified project description, amount kung ano ‘yung napag-usapan nila,” dagdag pa nito. Kapag nalista na o natanggap ng Department of Budget and Management (DBM) ang proposed pro­ject, ire-release na ni Napoles ang inisyal na 40% ng naturang mambabatas. Pero dahil hindi nailalabas ang Special Allotment Release Order (SARO) ng DBM, magpapaluwal muna si Napoles ng kanyang sariling pera na kanyang ibibigay sa mambabatas. Kapag nag-release na ang DBM ng SARO sa mambabatas, ibibigay ang kopya nito sa JLN Corporation na pag-aari ni Napoles. Subalit bago ibigay ang balanse sa mambabatas, magsusumite umano sila ng endorsement letter sa implementing agency na siyang pipili ng NGOs na paglalaanan ng nasabing project proposal. Umamin pa si Luy na siya mismo ay gumagawa ng “draft” para sa project proposal ng mga mambabatas. Kapag nailabas na ang notice of cash allocation (NCA), ang implementing agency ang magbibigay ng pondo sa NGO na siya namang magre-remit ng pera kay Napoles. Pagkatapos noon, babayaran na ni Napoles ang opisyal ng implementing agency ng 10% ng nasabing pondo. “SOP (standard opera­ting procedure) po ‘yun,” sabi pa ni Luy. Dahil 50% ang napupunta sa lawmakers, 10% sa implementing agency, ang natitirang 40% ng pondo ay mapupunta sa bulsa ni Napoles. “‘Yung 40% sa kanya [Napoles] na napupunta lahat,” sambit pa ni Luy. CASH KADALASAN ANG BIGAYAN Tatlong sistema ang ginagamit ng grupo ni Napoles sa pag-abot ng parte sa mga mambabatas ng mga kinita ng mga ito sa paglalaan ng bahagi ng pondo na inilaan sa mga NGOs ng tinaguriang pork barrel scam mastermind. “Mayroon pong cash, mayroon ding manager’s check na nakapangalan sa mga mambabatas, sa House ay transfer lang po sa account nila (solon) o sa mga chief of staff,” ang tugon ni Luy kay Guin­gona nang tanungin ng senador ang testigo kung paano tinatanggap ng mga mambabatas ang mga pe­rang galing kay Napoles. “Nakakita ka na ba ng pagbigay sa isang senador?” pang-uusisa ni Guingona. “Hindi po, sa senador po kasi ay pumupunta sa opisina ang chief of staff,” sagot ni Luy. “Ah sinusundo ang pera,” komento naman ni Guingona. “O kasama na po namin sila (chief of staff) sa pag-withdraw pa lang ng pera sa bangko,” pahabol na sagot ni Luy. TAWARAN, TAX AT KOMISYON NG STAFF Pero ipinaliwanag din ng nabanggit na whistleblower na bago magsarado ng hatian ay nakikipagtawaran na muna si Napoles sa mga kausap nito. “Sa una po ay sasabihin ni Ms. Napoles na 40 porsiyento lamang pero sasabihin ng kanyang kausap na 50 porsiyento at makikipagtawaran po uli siya ng hanggang 45 porsiyento. Kapag hindi po pumayag ang kanyang kausap ay papayag na rin sa 50 porsiyento si Ms. Napoles pero sasabihin naman niya na ikakaltas niya sa napagkasunduang halaga ang tax,” medyo natatawa pang pagsisiwalat ni Luy. “Ah nagbabayad pa pala siya ng buwis ha?” naguguluhan namang dugtong ni Guingona. Maging ang mga chief of staff o mga kinatawan ng mga mambabatas na nakikipagtransaksyon sa grupo ni Napoles ay nabibiyayaan din umano nito buhat sa mga kontratang nakukuha nila mula sa mga pork barrel. “May parte po ang mga chief of staff pero nasa discretion na po ni Madam ‘yan, minsan 1 percent, iba-iba po depende, kasi sila po ang mga kausap namin sa mga tanggapan ng mga mambabatas,” dagdag pa ni Luy. HINDI NA KASYA SA VAULT ANG PERA Bahagi na umano ng kanilang regular na transaksyon ang mag-withdraw sa bangko at dadalhin ito sa kanilang opisina. “Umaabot ng P75 million ang pera sa opisina minsan, galing sa iba’t ibang bangko. ‘Pag may natira sa disbursements, inuuwi niya sa bahay,” ani Luy. May mga pagkakataon din umanong kahit hindi pa sila naiisyuhan ng tseke ng mga implementing agencies na pinagdaanan ng mga pork barrel ng mga senador ay nagpapaluwal na si Napoles at binabayaran na ang mga kausap nito. “Nagpapaluwal siya kasi may mapagkukunan siya ng pera, pero sigu­rista si Madam, hindi siya magpapaluwal hanggang hindi siguradong ayos na ang mga dokumento para matiyak na makakakolekta siya,” ang banggit pa nito. “‘Pag nasa foundation na ang tseke, ipapasok na ito sa bangko, Metrobank, Landbank. Karamihan ng account namin ay Metrobank, ‘pag nag-good iwi-withdraw na, minsan no cash out kasi same bank. ‘Pag sa Landbank iwi-withdraw, dadalhin sa opisina, iuuwi na sa bahay. Andu’n ang nanay ko na Tita ni Madam (Napoles), sila ang nagre-receive ng pera, mula elevator hanggang master’s bedroom sila magdadala, dahil ‘di kasya sa vault, ipapatong bag na may pera sa bedroom o sa bathtub at doon na rin kukunin ang mga ibabayad niya sa mga kausap niya, doon din kukunin ang ipambibili ng mga properties,” tuluy-tuloy na pahayag ni Luy. MULA 2004 HANGGANG 2010, NADOKUMENTUHAN Isiniwalat pa nito na alam niya ang mga transaksyon ni Napoles mula 2004 hanggang 2010 at nakopya umano niya ang mga laman ng kanilang mga lumang computers na siya rin ang nag-encode bilang pinagkakatiwalaang staff ni Napoles tungkol sa pera. Sa kanyang pagsasalita ay halatang nais na ni Luy na magbanggit ng mga pangalan ng mga pulitiko at mga tauhan nito na kanilang nakatransaksyon pero hindi ito nangyari dahil na rin sa pakiusap ni De Lima na kung maaari ay huwag na muna silang magbanggit ng pangalan. NO NAMES PLEASE! -- DE LIMA “Kung puwede lang po, wala muna tayong mga papangalanan, baka naman po hindi pa na kailangan para matugunan ang mga pangangailangan ng im­bestigasyon. In aid of legis­lation po lamang sana,” ang pakiusap ni De Lima sa mga senador bilang bahagi ng opening statement nito. Pero sinagot naman ito ni Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano na pangalanan na lamang ang mga mambabatas at iba pang sangkot dahil nabanggit na rin umano ang mga ito sa mga naunang report na isinumite ng Commission on Audit (COA) at mga newspaper reports. Naantala din ang pagsasalita ni Luy ng halos 15 minuto dahil kinailangan pang ayusin ang lugar na dadaanan nito patungo sa session hall ng Senado bilang bahagi ng seguridad. Sa panig ng iba pang imbitado, hindi na bumalik at patay na rin umano ang telepono ng dating presidente ng National Agribusiness Corporation (NABCOR) na si Alan Javellana na sa huling pagdinig ay halos magkautal-utal sa naging transaksyon ng kanyang tanggapan sa mga NGOs ni Napoles. Tumakas na rin umano patungo sa ibang bansa ang isa pang imbitado na si Antonio Ortiz, presidente ng Tecnhological Resource Center (TRC), base na rin sa pagsisiwalat ni Guingona. (Nina Marlo Dalisay at Dindo Matining) more news...
Posted on: Thu, 12 Sep 2013 21:56:22 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015