A Great Story for loving Fathers Huwebes ng hapon noon, galing - TopicsExpress



          

A Great Story for loving Fathers Huwebes ng hapon noon, galing ako sa isang birthday party. Pagkatapos tumungga ng dalawang bote ng beer ay nagpaalam na ako. Mukha kasing uulan. Ayokong maabutan ng ulan sa daan. Ngunit talagang minamalas ako. Tumirik ang kotse ko sa daan. No choice kundi ang bumaba para ayusin ang makina. Sobrang kamalasan talaga dahil naiwan ko ang gamit ko, tapos nag-umpisa na ring pumatak ang ulan. Kung bakit kasi hindi agad isinoli ng kumpare ko ang mga gamit ko sa pag-aayos ng kotse. May natanaw akong isang bahay at nagbakasakali akong tumawag. Lumabas ang isang matandang lalaki na siguro ay nasa 70 years old na. “Magandang hapon po ‘tay, nasiraan po kasi ako eh, di ko po nadala ang gamit ko. Baka po may lyabe o pliers kayo dyan?” Ngumiti sya sa akin, pumasok sa loob at maya-maya ay bumalik bitbit ang isang bag dalawang payong. Iniabot sakin ang isa at sumama pa sa akin papuntang kotse. Mukhang tinamaan nga ako ng malaking malas dahil nalaman kong malaki ang diperensya. Niyaya ako ng matanda na magkape muna sa kanila, at dahil medyo malamig at basa na rin ako ng ulan kung kaya’t sumama ako. Pagpasok namin ng bahay ay nakita ko na hindi maayos ‘yon. Sabi niya, pasensya na daw ako dahil nag-iisa s’ya. Roman daw ang pangalan n’ya at dati siyang jeepney driver. Umupo ako sa salang maalikabok. Pumunta sa kusina ang matanda para magtimpla ng kape. Ayoko na sana dahil iika-ika na s’ya at hindi na masyadong makalakad, ngunit mapilit si Mang Roman. Nakita ko sa dingding ang mga naka-kuwadrong larawan. Siguro’y family picture nila yun. Sa ibaba ay picture ng lalaking nakatoga. Katabi nito ang isang kuwadro ng babaeng nakatoga din. Siguro’y mga anak n’ya, ang nasabi ko sa aking sarili. Malinis ang mga kuwadro. Halatang kapupunas pa lang at parang ayaw maalikabukan man lang. Tama ako. Sabi ni Mang Roman, anak nga daw n’ya ‘yun. Inilapag n’ya ang kape. Medyo hindi malinis ang mug, ngunit nakakahiya naman kung tatanggihan ko. Isa pa, nilalamig na rin ako at malakas ang ulan. Gusto ko ring mainitan ang aking sikmura. “Kung gusto mo anak … ano nga ba uli pangalan mo?” Tanong nya sa akin. “Jun po.” Sagot ko naman. “Kung gusto mo Jun eh, sa’yo na lang ‘yang mga gamit ko, wala na rin namang gagamit n’yan ditto. gamit ko dati ‘yan noong driver pa ako ng dyip, pero mahina na ako ngayon Jun, di ko na kayang magdrive pang muli,” sabi niya na nakangiti, ngunit banaag ang lungkot sa kanyang makulubot nang mukha. “Naku ‘wag na po. Meron po ako, nasa hiraman nga lang kaya di ko nadala. Asan po pala ang mga anak n’yo?” usisa ko kay Mang Roman. “Si Danny, Engineer ko ‘yan.” May pagmamalaking itinuro ang litrato sa dingding. “Nasa Saudi na ngayon. ‘Yan namang babae sa litrato, si Jovie ‘yan. Nakapag-asawa ng taga-Davao at doon na nanirahan. ‘Yun namang asawa ko, limang taon na akong iniwan. Nag-iisa na lang ako ditto Jun. Kahit mahirap kinakaya ko. Itong bahay na ito kasi ang kaisa-isang ala-ala ko ng aking pamilya. Dito ko binuhay ang asawa ko at ang dalawa kong anak. Pinagbili ko na rin ‘yung jeep ko. Okay na naman, napatapos ko na ang dalawa kong anak at may maganda na silang mga trabaho. May sarili na rin silang pamilya at bahay. Maayos na ang buhay nila.” Pagpapatuloy ni Mang Roman sa mahina at garalgal nang boses. “Hindi po ba sila dumadalaw dito, I mean, sino pong tumitingin sa inyo ditto? Mahirap po ang mag-isa lalo na at may edad na kayo?” ang concern na tanong ko. “Isang taon na siguro na walang dumadalaw sa akin dito. Minsan tumatawag naman sila sa telepono, kaya kahit di ko masyadong ginagamit ‘yang telepono eh, ayaw ko ipaputol ang linya, araw-araw akong naghihintay ng tawag nila. ‘Yung kahit boses lang nila masaya na ako, basta maramdaman ko lang na na-aalala nila ako. Mababait naman ang mga anak ko, buwan-buwan may natatangap akong pera na pinadadala nila sa bangko, pero di ko naman ginagalaw. Pag namatay ako, kasama ‘yun sa ipamamana ko sa mga apo ko. ‘Yung kapitbahay dyan sa kabila, tuwing umaga binibisita nila ako at dinadalhan ng pagkain. Nagbibigay na lang ako sa kanila ng konting pera pamalengke.” Tuloy-tuloy na kuwento ni Mang Roman. “Hindi po ba kayo nahihirapan?” patuloy na usisa ko. “Mahirap Jun, lalo na kapag nakararamdam ako ng pananakit ng katawan. Pero ito siguro ang buhay ko. Kapag may nasakit sa akin, ini-isip ko na lang na bunga ito ng walang tigil kong pagtratrabaho noon upang mapatapos ko ang mga anak ko, tapos mawawala na ang sakit,” nangiti si Mang Roman sa sinabi n’yang ‘yun. “Yung ala-ala ng masayang buhay namin noon ang gumagamot sa akin. Sana nga lang, minsan maalala naman nila akong dalawin dito. Gustong-gusto ko na rin silang makita, lalo na ang mga apo ko,” nakita ko naman ang lungkot sa mukha ni Mang Roman nang mabanggit ang kanyang mga apo. Masarap siguro ‘yung mga araw na kasama ko sila dito. Alam mo ba si Pareng Kanor dyan sa kabila? Hindi n’ya napag-aral ang mga anak n’ya kaya hanggang ngayon sa kanya pa rin nakatira. Mahirap ang buhay nila. Minsan walang trabaho ang mga anak n’ya. ‘Yun ang ayaw kong mangyari sa mga anak ko. Gusto kong maayos ang buhay nila. Pero alam mo, masaya si Pareng Kanor. Lagi ko s’yang naririnig na tumatawa kalaro ang mga apo n’ya. Minsan naiingit ako, pero iniisip ko na lang na mas masaya ang mga apo ko sa buhay nila ngayon kaysa sa mga apo ni Pareng Kanor dahil maalwan may mga trabaho ang kanilang mga magulang,” pagdi-depensa ni Mang Roman. “Paano po kapag may sakit kayo? Sino po ang tumitingin sa inyo?” ang tuloy-tuloy kong tanong. “Kapitbahay Jun. Sa kanila na rin ako nagpapabili ng gamot. Sa panahon na may sakit ako, doon ako nakaka-isip ng matinding depresyon at pangungulila. Sa totoo lang, nagtatampo ako sa mga anak ko, pagkatapos ko silang mahalin at bigyan ng magandang buhay ay hindi na nila ako naalala na dalawin dito.” Medyo nangilid na ang luha sa mga mata ni Mang Roman. “Kahit dalaw lang o tawag sa telepono, ‘yung marinig ko lang na, Tay, buhay ka pa ba? Masaya na ako nun.” At nagtuloy-tuloy na ang pagtulo ng luha sa mga mata ni Mang Roman. “Pasensya ka na Jun, pero iniisip ko rin na responsibilidad ko na bigyan sila ng magandang buhay at papagtapusin ng pag-aaral. Responsibilidad ko rin na maging mabuting ama sa kanila. Alam ko hindi na magtatagal at magkakasama na rin kami ng asawa ko. Hiling ko lang na sana bago mangyari ‘yun ay makasama ko ang mga anak at apo ko.” Pinapahid na ni Mang Roman ang kanyang luha ng kanyang kamay na may kulubot na. “Ayaw n’yo po bang tumira sa kanila?” “Magiging pabigat lang ako sa kanila. Ayaw kong bigyan ng isipin ang mga anak ko. Dito na lang ako sa lumang bahay namin, bibilangin ang mga patak ng ulan. Siguro pagkatapos ng isang libong tag-ulan maaalala na rin nila akong dalawin dito. Alam mo bang birthday ko ngayon Jun? Kaya matiyaga akong naghihintay ng tawag nila.” Muli ay nangilid ang luha sa mga mata ni Mang Roman. “Kung hindi naman sila makatawag iisipin ko na lang na siguro ay busy sila sa kanilang buhay. Mahirap kumita ngayon at kailangan nilang magtrabaho ng hindi naaabala.” Pagdi-depensa ni Mang Roman sa kanyang mga anak. Napalunok ako sa aking mga narinig. Awa ang naramdaman ko kay Mang Roman. “Ikaw Jun, may mga magulang ka pa ba?” Balik tanong sa akin ni Mang Roman. “Nanay ko na lang po. Nasa Bukidnon kasama ng isa n’yang kapatid.” Nauutal na sagot ko. Sa gilid ng aking isip ay naramdaman ko ang bigla kong pangungulila sa aking ina. “Kailan mo s’ya huling dinalaw?” Tanong ulet n’ya. Hindi ako nakapagsalita. Para akong natuka ng ahas sa tanong n’yang ‘yun. Huli akong pumunta ng Bukidnon noong Pasko pa. Malapit na naman ang Pasko, pero hindi pa ulet ako nakakapunta ng Bukidnon. “Sana madalaw mo uli ang iyong magulang Jun.” Sabi ni Mang Roman nang makita n’yang hindi ako sumasagot. “Sigurado ako, gustong-gusto ka na n’yang makita katulad ng kagustuhan kong makita ang mga anak at apo ko. Alam ko magiging maligaya s’ya kapag nakita ka n’ya.” Ang pagpapatuloy n’ya. Nang tumila ang ulan ay nagpasalamat at nagpaalam na ako. Nagpasalamat din s’ya sa akin. Nakita ko sa mga mata n’ya na talagang sabik s’ya sa kausap. Nakiusap pa siya na magkwentuhan pa kami habang hinihintay ang tawag ng mga anak n’ya, ngunit dumating na ang hihila sa kotse ko papunta sa talyer. Nangako na lang ako na dadalawin ko s’ya kapag may libreng oras ako. Dalawang lingo ang dumaan at naisipan ko uling dalawin si Mang Roman. Nadatnan kong sarado na ang bahay nito. Nagtanong ako sa kapitbahay nila at nalaman ko na namatay na si Mang Roman, tatlong araw pagkatapos ng aming pagkikita. Dinala rin ng kanyang mga anak sa Davao ang bangkay ni Mang Roman at pina-cremate. Aalis na sana ako ngunit pinigilan ako ni Mang Kanor. Ini-abot n’ya sa akin ang isang bag. ‘Yun ang bag na pinahiram sa akin ni Mang Roman. “Bilin ni Roman ay ibigay ko raw sayo kung sakaling bumalik ka. Kakailanganin mo daw ito sa pagbalik mo sa Bukidnon. Baka daw kasi masiraan ka sa daan.” Ang sabi ni Mang Kanor. Hindi ko napigilan ang pagpatak ng luha ko. Ramdam na ramdam ko ang pangungulila ni Mang Roman sa kanyang mga anak at apo. Agad akong nagdesisyon na mag-file ng leave. Uuwi ako ng Bukidnon para dalawin ang nanay ko. Tama si Mang Roman, tiyak matutuwa ang nanay ko kapag nakita n’ya ako. Higit sa anupaman, alam kong hindi materyal na bagay o pera ang gusto ng aking ina na Makita kundi ako mismo. Anak … kung nasaan ka man sana maalala mo ako. Sana dalawin mo ako kahit minsan lang. Sabik na akong makasama at makausap kang muli. Kung may pagkukulang man ako, patawad anak. Gusto kong malaman mong, MAHAL kita higit sa pagkaka-alam mo … Nagmamahal … Tatay...
Posted on: Wed, 19 Jun 2013 04:23:56 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015