ANG TALATINIGANG TAGALOG NG BAYAN NG SARIAYA, QUEZON Ang - TopicsExpress



          

ANG TALATINIGANG TAGALOG NG BAYAN NG SARIAYA, QUEZON Ang talatinigang ito ay binubuo ng mga salitang Tagalog na likas sa mga Sariayahin at mga taga karatig bayan sa lalawigan ng Quezon. Ang kanilang kahulugan sa Inang wikang Tagalog o “Standard Tagalog” kung tawagin sa wikang Ingles na itinuturo sa mga paaralan, ay karaniwang ginagamit sa Bulacan at kalakhang Maynila at maging ng lahat ng marunong magsalita ng Tagalog sa buong Pilipinas. May mga salitang Sariayahin na walang eksaktong isang salitang kahulugan sa karaniwang Tagalog kung kaya’t pangkat o grupo ng mga salita o parirala ang nakalagay na paliwanag para maintindihan ang ibig sabihin. Sa mga salitang naririto, mapapansin na ang ilan ay hindi na karaniwang ginagamit sa pang araw-araw na pakikipagtalastasan o komunikasyon at marahil ay masasabing pinaglumaan na ng panahon. Nilayon ng may akda na ibilang pa rin ang mga salitang ito hindi lamang upang lubos na maunawaan ng mga hindi nakakaalam, bagkus ay upang magkaroon ng tulay o kuneksiyon ang pangkasalukuyan sa nakalipas. Yaman din lamang na nagdiriwang tayo ngayon ng ika-apat na raang taon ng pagkakatatag ng Sariaya bilang isang Kristiyanong pamayanan, nararapat lamang na muli nating balikan ang ating makulay na nakaraan. Upang maging maayos at lubos na kawili-wili sa mga mambabasa, ito ay isinaayos ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga titik sa alpabetong Tagalog gaya ng isang tunay na talatinigan o “dictionary”. Ang ikalawang bahagi naman ng talatinigang ito ay patungkol sa mga salitain o patalinghagang kasabihan ng mga Sariayahin na bahagi pa rin ng pang araw-araw na talastasan o pag – uusap ang karamihan. Ang mga ito ay may katapat na kahulugan o paliwanag para sa mambabasa. Alam na natin sa puntong ito na ang mga salitang bumubuo sa talatinigang nabanggit ay likas na bukang-bibig ng iba’t-ibang magkakaratig-bayan dito sa gitnang Quezon. Sapagka’t ang bawa’t lugar ay may kanya-kanyang katangiang mapapagkilanlan sa bawa’t aspeto ng pagsasalita ng wikang Tagalog, alin kaya ang masasabing taal na Sariayahin, at ano ang maaaring paliwanag sa pagkakabuo ng mga katangiang ito? Kung titingnan sa mapa ng lalawigan ng Quezon, ang Sariaya ang pinakasilangang bayan na may hangganan sa lalawigan ng Batangas ( ang iba pa ay ang mga bayan ng Tiaong, San Antonio at Candelaria ). Kagaya ng dapat asahan, dito tinatagpo ng malamyos na puntong gitnang Quezon (maaaring impluwensiya ng lalawigan ng Laguna na mapapakinggang lumalakas sa papuntang Tayabas at Lukban ) ang matapang o paangil na puntong Batangas. Ang impluwensiya ng “pagtatagisan “ ng mga puntong nabanggit ang siyang humubog sa anyo at tono ng pananagalog dito sa Sariaya. Sa mga kanluraning barangay o baryo papunta sa Candelaria at San Juan, Batangas ay mapapansin ang pagtapang ng tono ng boses at maririnig ang mga patanong na “ Ano ga? ” at “ Bakin ga? “, pati na rin ang mga salitang “garni” at “garto” (salitang “ ganito “ sa regular na Tagalog). Habang pumapasilangan naman mula sa Sariaya patungong Tayabas at Lucena ( bilang kabisera ng Quezon, maraming mga punto ang mapapakinggan doon ), mauulinigan naman ang malalamyos na tono ng pananagalog, pati na ang ilang mga salitang kagaya ng “ iya at mandin “, kasama ang “ ganari “, porma o bersiyon ng salitang “ ganito “ dito sa Quezon. Masasabing ang pagtatagalog dito sa Sariaya ay parang “ mestizo “ sa tono at pagbigkas, mas matapang sa pandinig ng mga pasilangang bayan, nguni’t mas malamyos naman sa tainga ng mga kanluraning bayan na impluwensiyado ng Batangas. Ang masasabing simbulo ng pagsasanib ng dalawang katangiang ito dito sa Timog Katagalugan ay lubos na makikita sa salitang “ baga “ na maaaring nagmula sa salitang “ ba “ ng regular na Tagalog ( marahil ay nakarating sa Quezon mula sa Bulacan patawid pababa ng Rizal at Laguna ) na sumanib sa “ ga “ ng Batangas. Magkabuhol – buhol man ang pagkakatulad ng mga katagang ginagamit sa mga magkakalapit na bayan sa gitnang Quezon, kapansin-pansin pa rin ang salitang “ bang-aw “ sa ating mga Sariayahin. Bagama’t ito ay kalimitang tumutukoy sa isang asong nauulol, ginagamit din ito sa tao, lalo na kung ito ay dala ng galit o init ng ulo….. “ Ito’y bang-aw! “ o di kaya’y “ Ah, bang-aw ka! “ Kapag sinabing “ Huwag mo akong babang-awin! “, ang kahulugan sa mga Sariayahin ay “ Huwag mo akong lolokohin, o bobolahin, o aasarin! “ Ilan pa sa mga salitang ito na nagbibigay ng pagtukoy sa pagkakakilanlang Sariayahin ay ang “ Pinag-ong, Bunete (Buniti), Apas, Broas (Buruhas), at Mazapan “, mga kilala at dinarayong masasarap na tinapay at matam-is ng Sariaya. Maipapalagay na naging malaki ang epekto ng apat na beses na paglilipat – lipat ng pamayanang Sariayahin pasimula sa baybaying – dagat ng Castanyas noong taong 1599, hanggang sa kasalukuyang kinatatayuan nito, sa mga katangiang tinataglay ng sinasalitang Tagalog natin. Ito ay nabuo sa isang mahabang proseso ng pagtatagpo ng iba’t-ibang landas ng ating mga ninuno at mga dayuhan noon, na pinili na ring matawag na Sariayahin pasimula noong 1743. Ang lahat ng ito ay batay sa masusing pananaliksik at obserbasyon ng may akda na ang layunin ay maipakita ang angking katangiang tinataglay nitong ating talatinigan na tunay na may pagkakaiba sa pambansang wikang Tagalog. Marahil ay masasalamin din dito ang ating kultura at mga tradisyon, uri ng pamumuhay at kaisipang matatagpuan mula pa noong una hanggang sa ngayon. Maaaring marami pa ring kakulangan o may mga kamalian na dapat maituwid sa talatinigang ito, kung kaya’t kailangan ang isang bukas, maunawain, at mapagmalasakit na kaisipan lalo na mismo sa mga Sariayahing makakabasa nito. Tunay na magiging kanais-nais kung may mga bagong panukala at kaalaman na sa palagay natin ay lalo pang magpapaganda at magpapawasto sa ating talatinigan. Mangyaring ipaabot sa may akda sa pamamagitan ng e mail address na sariayahingmasaliksik@gmail ang mga mungkahi upang ito ay higit nating mailagay sa ayos. Eriberto Ricardo J. Dedace Hunyo 1999 Revised: Hunyo 11, 2008
Posted on: Thu, 04 Jul 2013 07:31:44 +0000

Trending Topics



px;">
Ok everyone. A very cool opportunity just sprung up on me so Im
Exchange Rate for 20 July, 2014 Exchange Rates Fixed by Nepal

Recently Viewed Topics




© 2015