Ang Dapat Mong Malaman Tungkol sa Epilepsi NAWALAN ng malay ang - TopicsExpress



          

Ang Dapat Mong Malaman Tungkol sa Epilepsi NAWALAN ng malay ang kakilala mo at natumba. Naninigas ang katawan niya at nagsimula siyang mangisay. Kung alam mong mayroon siyang epilepsi, may magagawa ka para sa kaniya habang naghihintay ng tulong. Talakayin natin ang ilang impormasyon tungkol sa sakit na ito na kadalasa’y di-nauunawaan. Ano ang epilepsi? Ang epilepsi ay isang sakit sa utak na nagiging dahilan ng panandaliang mga atake na tinatawag na seizure. Ang isang seizure ay kadalasang tumatagal nang wala pang limang minuto. Ang sitwasyong inilarawan sa pasimula ng artikulong ito ay karaniwan nang tinatawag na grand mal seizure. Ano ang sanhi ng mga seizure? Naniniwala ang mga mananaliksik na nagkakaroon ng mga seizure kapag biglang bumugso ang elektrikal na mga signal sa pagitan ng mga selula ng utak. Hindi pa malinaw kung bakit ito nangyayari. Ano ang dapat kong gawin kapag nakakita ako ng epileptikong inaatake ng grand mal seizure? “Dapat hayaan ng mga nakakakita na matapos ang atake at huwag galawin ang pasyente, basta’t tiyakin nilang nakakahinga siya at hindi nasasaktan,” ang sabi ng The Encyclopedia of the Brain and Brain Disorders. Pero sinasabi ng aklat: “Dapat nang tumawag ng ambulansiya kapag tumagal nang mahigit limang minuto ang seizure, kapag nasundan agad ang seizure, o kapag hindi nagkamalay ang pasyente ilang minuto pagkatapos ng seizure.” Paano ko matutulungan ang pasyente habang siya ay nagsi-seizure? Maglagay ng malambot na bagay sa pagitan ng ulo niya at ng sahig, at ilayo sa ulo niya ang matutulis na bagay. Kapag tumigil na ang pangingisay, itagilid ang pasyente gaya ng ipinakikita sa dayagram. Ano ang dapat kong gawin kapag nagkamalay na ang pasyente? Una, sabihin sa kaniya na huwag siyang mag-alala. Saka siya tulungang bumangon at akayin sa lugar kung saan puwede siyang magpahinga. Karamihan ng pasyente ay nalilito at inaantok pagkatapos mag-seizure; ang iba naman ay mabilis maka-recover at nakapagpapatuloy sa ginagawa nila bago ang atake. Lahat ba ng nagsi-seizure ay nangingisay? Hindi. May ilan na sandaling nawawala sa sarili pero hindi naman natutumba. Ito ang tinatawag na petit mal seizure (o absence seizure), na kadalasan ay sandali lang at walang pangmatagalang epekto. Ang ilang may epilepsi ay dumaranas ng mahahabang petit mal seizure, na tumatagal nang ilang minuto. Sa gayong kaso, baka ang pasyente ay palakad-lakad sa kuwarto, hinihila ang kaniyang damit, o kumikilos nang kakaiba. Pagkatapos ng seizure, parang lutáng ang pakiramdam niya. Ano ang buhay ng may epilepsi? Maraming may epilepsi ang laging nag-aalala kung kailan at kung saan sila susumpungin. Sa takot na mapahiya, baka hindi na sila makihalubilo sa mga tao. Ano ang maitutulong ko sa isang may epilepsi? Himukin siyang sabihin ang kaniyang nararamdaman. Pakinggan siyang mabuti. Itanong kung ano ang gusto niyang gawin mo kapag nagsi-seizure siya. Dahil maraming may epilepsi ang hindi makapagmaneho, baka puwede mo siyang isakay o tulungan sa ibang gawain niya. Puwede bang mabawasan, o mapigilan pa nga, ang mga seizure? Mas malamang na umatake ang seizure dahil sa mga bagay na gaya ng stress at puyat. Kaya naman pinapayuhan ng mga eksperto ang mga epileptiko na magpahinga nang sapat at mag-ehersisyo nang regular para mabawasan ang stress. Sa ilang kaso, ang mga iniresetang gamot, kung iinumin sa tamang paraan, ay epektibo rin para mapigilan ang mga seizure. Dahil sa epilepsi, si Sello, isang kabataang lalaki sa South Africa, ay nahinto sa pag-aaral sa murang edad. Lumaki siyang di-nakapag-aral at walang iniinom na gamot para sa sakit niya. Pero gusto niyang maunawaan ang Bibliya, at tinulungan siya ng mga Saksi ni Jehova. Bukod sa pag-aaral ng Bibliya, tinuruan din nila siyang magbasa. Isang Saksing doktor ang tumulong sa kaniya na makakuha ng gamot at benepisyo mula sa gobyerno. “Talagang maibiging Kristiyano ang mga Saksi ni Jehova,” ang sabi ni Sello, na ngayon ay isa nang Saksi at nasisiyahang magbahagi sa iba ng pangako ng Diyos tungkol sa isang bagong sanlibutan kung saan wala nang sakit.—Apocalipsis 21:3-5. Posisyon Para Maka-recover Pagkatapos ng pangingisay . . . Lumuhod sa tabi ng pasyente at ibaluktot ang braso niya mula sa siko, paturo sa itaas Marahang ilagay ang kabilang kamay ng pasyente sa kaniyang pisngi Gamit ang kabilang kamay mo, iharap sa iyo ang tuhod niya at dahan-dahan siyang itagilid. Pagkatapos, ilagay ang tuhod ng pasyente sa harap ng katawan niya para lumapat ito sa sahig Itingala ang ulo ng pasyente para makahinga siya nang maayos
Posted on: Mon, 05 Aug 2013 01:12:00 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015