BARANGAY PROFILE AND HISTORY Note; In regards to barangay - TopicsExpress



          

BARANGAY PROFILE AND HISTORY Note; In regards to barangay history and its origin, research was done to determine the chronicle and foundation of the area and since there are no records available in offices and in the library of our municipality, researches was made thru questioning our elderly, former officials of the barangay, persons who may know somehow and have knowledge on this matter, files and records of government offices and libraries in Manila, pictures and documents. In summation, we develop a story although some are not accurate and we encourage others to help us by giving additional information or any details for the sake of a defined past. Finally, our profile and history was derived from Barangay Development Plan summarized, revised, elucidated and written in Filipino/Tagalog for an ordinary person to understand. Ang Telbang ay isa sa mga animnaput isang (61) barangay na sinasakupan ng bayan ng Camiling sa lalawigan ng Tarlac. Ang barangay na ito ay isa sa mga maituturing na maliit na political unit ng bayan kung ang pag-uusapan ay ang bilang ng tao at ang lawak ng nasasakupang lupain nito. Ang Telbang ay may limang (5) kilometro ang layo sa kabayanan ng Camiling. Hindi mahirap ang pamamaraan ng transportasyon dito sapagkat ang barangay ay katabi lamang ng Provincial Road na kilala sa pangalang Romulo Highway. Ang barangay ay hindi mahirap hanapin at madali itong mapuntahan dahil gaya nga ng nasabi na, katabi lamang ito ng kalsada. Ang barangay Tuec ay ang katabing baryo ng Telbang sa gawing hilaga. Barangay Malacampa naman ang katabi nito sa gawing timog at silangan. Samantalang ang ilog Camiling naman ang katabi nito sa kanyang kanlurang bahagi. Sa pangkalahatan ang Telbang ay isang rural at agricultural na komunidad sapagkat karamihan sa hanapbuhay ng mga naninirahan dito ay galing at bunga sa kabukiran. Magkagayon pa man, dahil sa ang barangay ay malapit sa ilog Camiling, kilala ito sa mga yamang kalikasan katulad ng buhangin, graba at bato. Nakilala rin ang Telbang na isa sa mga barangay na naglalaan at naglalabas ng prutas na mangga at malunggay. Ang mga bungang mangga ay idinadala sa Lungsod ng Maynila upang duon ay ipagbili. Dalawang uri ang klase ang mangga kung ang pag-uusapan ay pagbebenta. Una ang klase ng mangga na pang-export at ang pangalawa naman ay ang pang-local. Ang mga bungang malunggay naman na kilala dito bilang “Troso” ay iniluluwas sa bayan ng Camiling at kung minsan ay sa bayan ng Sta. Ignacia at lungsod ng Tarlac upang duon ay ipagbili. Ang barangay ay may kabuuang Isang Libo Isang Daan at sampung (1,110) katao. Limangdaan at Tatlumput Lima (535) dito ay mga babae at Limangdaan at Pitumput Lima (575) naman ang mga lalake. Ang iba sa mga ito ay nagtatrabaho sa ibang bansa (OFW). Sa panahon lamang ng kanilang bakasyon o kapaskuhan o di kaya’y bagong taon sila kung makauwi. Ang iba naman ay sa karatig lugar at lingguhan o buwanan kung bumabalik (Locally employed at laborers). May kabuuang Dalawang daan at Apatnapu (240) ang kabahayan dito at Dalawang Daan Walumput Siyam (289) ang bilang ng pamilyang naninirahan dito. Samantala, nasa Apat na raan at Animnaput Isa (461) naman ang bilang ng mga bumoboto sa panahon ng eleksiyon. Ang Telbang ay may sukat na lupaing 1.05 kilometro (ito ay ayon sa WWW.Camiling.Net) kwadrado o 105 hektaryang kalupaan at mayroon itong limang (5) distrito o kapurukan. Kamakailan lamang, nuong Oktubre 01, 2011 ng ang pinagsanib na bagyong QUIEL at HABAGAT ang nagpalubog ng buong barangay. Sa loob ng apat at kalahating walang humpay na pagbuhos ng malakas na ulan, dumating ang napakataas na rumaragasang tubig na sumira sa mga pananim at ari-arian ng mga nakatira dito. At dahil sa biglaang pagdating nito sa oras ng gabi, nagulat ang mga tao at nabigla sa pagdating nito. Pagsasaka’t pagtatanim ng palay ang pangunahing hanapbuhay ng mga tao dito maliban sa produktong mangga at malunggay. Kahit na masasabing malapit ito sa ilog, kakulangan sa tubig ang isang problema ng mga magsasaka para sa kanilang pananim. Bagamat may tubig na pumapasok mula sa mga paligi o kanal na mula sa sitio Kasumaoangan ng barangay Malacampa, kadalasan, hindi ito sapat. Ang iba tuloy ay gumagamit ng makinang patubig para sa kanilang pananim na ang kinakain nito ay petrolyong pabago-bago ang presyo na pabigat sa kanilang pasanin. May mga pagkakataon na ang ilang mga magsasaka matapos ang unang anihan at magpapalit ng tanim na ang alternatibo nila ay mais. Mayroon din naman na nagtatanim ng mga gulay. May lugar dito na kung tawagin ay “Kamanggaan”. Maaaring isipin ng makabasa nito na mga punong mangga ang nakatanim dito. Ngunit sa katotohanan, mga ibat-ibang klaseng gulay ang makikita dito. Tinawag lamang itong “kamanggaan” sapagkat mga tanim na mangga ang makikita dito nuon. Subalit ngayon, wala na ang mga ito. Sa panahon ng Tag-init lalo na pag Mahal na Araw, kilala ang Telbang na puntahan ng mga tao sa karatig barangay at sa ilan na nakakaalam upang makaranas ng lamig sa kanilang pangangatawan. Ang ilog Camiling na katabi ng baryo ay parang tourist spot sapagkat dito sila naliligo kasama ang kanilang pamilya, kaibigan at mga mahal sa buhay. Sa halip na magpunta pa sila sa beach para maligo, mas ginusto na nila dito. Marahil, malapit lamang ito sa kanilang uuwian at higit sa lahat umaagos ang tubig dito. Hindi pa maalat. Dito na rin ginaganap ang picnic ng mga bisita. Tricycle ang pangunahing sasakyang ginagamit ng mga tagarito sa pagdala ng kanilang mga pinamili galing sa kabayanan. Hand Tractor o kuliglig naman ang sasakyang gamit ng mga magbubukid sa pagdala ng kanilang mga produkto papasok at palabas ng barangay. Ang Telbang ay walang samahan ng mga tricycle drivers at operators at wala ring paradahan o terminal ng mga sasakyan. May ilang mga tagarito ang may tricycle na siyang nagsasakay sa mga pasaheros ngunit mini-bus at jeep ang kanilang sinasakyan kung papunta sila sa bayan. Sa kasalukuyan, ang barangay ay may mga sumusunod na empleyado; Isang (1) Barangay Messenger Isang (1) Utility Isang (1) Day Care Worker Isang (1) Electrician Limang (5) Barangay Health Worker Sampung (10) Barangay Tanod at Dalawampung (20) Lupong Tagapamayapa Sa taong ito (2013), ang kabuuang budget ng barangay ay may kabuuang P 1,051,909.00 na galing sa Internal Revenue Allotment ng Pamahalaang Nasyonal. Ang salaping ito ang siyang gagamitin ng Pamahalaang Barangay bilang panggastos sa mga serbisyong ibibigay nito sa kanyang nasasakupan. Walang makapagsabi sa kasalukuyang panahon kung kailan at paano naitatag ang barangay Telbang. Walang maibigay na record ang ating munisipyo tungkol sa bagay na ito. Kaya’t gumawa kami ng hakbang upang malaman lamang ang pinagmulan ng aming barangay. Kami ay nagtanong sa mga matatanda ng barangay, mga dating Opisyal at namumuno, mga dokumento, litrato at mga taong may nalalaman o may kinalaman sa pagkakatatag ng Barangay na ito. Malaki ang aming paniniwala, na may naitatago silang kaalaman kung paano nagsimula ang komunidad na ito. Ang Telbang ay isang lupaing sakop ng barangay Malacampa. Nang maitatag ang Malacampa nuong panahon ng mga Amerikano, naging sitio nito ang Telbang. Sa kasalukuyang panahon, sa lugar na ito nakilala at nanirahan ang mga prominenteng pamilya ng mga Solomon, Gelacio, Quines, Lapitan, Quilala, Pagarigan, Duran, Domingo, Bautista, Remigio, Baltazar at ang mga Licud. Ayon sa isang Mapa ng Kadastro ng Camiling na CD No. 136 na may petsang 22 ng Septiyembre, 1922 na nanggaling sa Land Management Bureau ng DENR sa Plaza Cervantes, Binondo, Manila ay malinaw na makikita dito na ang kasalukuyang Telbang ay sakop ng Malacampa. Sa isang aklat na “Census of the Philippines, 1939” (HA 1821 1999 A30 V.1) na matatagpuan sa General Reference Section ng UP Diliman Main Library, ay nagsagawa ang pamahalaang ng Pilipinas sa ilalim ng pamumuno ng mga Amerikano ng isang Senso ng bilang ng mga tao nuong taong 1939, dalawang taon bago dumating at sakupin ng mga hapones ang ating bansa. Dito ay nakalista ang mga barangay na sakop ng Bayan ng Camiling at isa na rito ang Barangay Telbang na may bilang ng tao na 325 ( ang pangalan ng Barangay ay TELBANG-TUEC na pinaniniwalaang siya ang Barangay Telbang na tinutukoy ngayon). Sa mga sinaunang Senso ng Bilang ng mga Tao na ginawa nuong taong 1903 at 1918, wala pa ang Barangay Telbang (TELBANG-TUEC) sa listahan ng mga Barangay sa Bayan ng Camiling nuon. Mula sa Senso ng Bilang ng mga Tao mula nuong 1948, naging Barangay ng Bayan ng Camiling ang Telbang (TELBANG-TUEC). Sa ginawang Senso ng Bilang ng mga Tao nuong taong 1960 sa panahon ni Pangulong Diosdado Macapagal “Census of the Philippines, 1960” Population and Housing (Tarlac) na makikita sa Government Publication Division ng National Library sa Kalaw, Manila na may 478 na bilang ng mga tao. At sa ginawang Senso ng mga Bilang ng Tao nuong taong 1970 sa panahon ng Pangulong Ferdinand Marcos ay lumitaw ang Barangay TELBANG na barangay ng Bayan ng Camiling (ang Barangay na TELBANG-TUEC) ay nawala na) 1970 Census of Population and Housing, NCSO, Manila, (HA 1821 1970 A5 V. No, 64) na makikita po sa UP Diliman Main Library, at may bilang na tao na 534. Dahil dito ang Barangay Telbang ay pinaniniwalaang naitatag o naitayo sa pagitan ng mga taong 1922 hanggang 1939. Si Ginoong Julian Reyes Licud, na may malawak na lupain ay kinikilala at iginagalang na tao sa barangay nuong mga panahong yaon ang nagpursige at ipinaglaban na ang Telbang ay dapat maihiwalay sa Malacampa at maging ganap na barangay. Naisakatuparan ang pangarap na ito ni Ginoong Licud. Itinalaga siya ng Konseho Munisipal ng Camiling bilang unang Tinyente Del Barrio ng komunidad na ito bagamat hindi malinaw kung gaano siya katagal nanilbihan sa barangay. Ang Batas Blg. 3861 na pinagtibay ng Pamahalaang Amerikano ang siyang umiiral na batas patungkol sa pamamahala ng Gobyernong pambarangay. Ang Tinyente Del Barrio ay may kasamang Bise-Tinyente del Barrio at Tatlong (3) Konsehal na bumubuo ng Konseho Barangay. May isang barangay police nuon hawak ang Tangguyob o sungay ng kalabaw upang tawagin ang mga tao para sa isang pagpupulong. Ayon sa mga matatanda, ang pangalang Telbang ay nagmula mismo sa katabi nitong ilog Camiling. Nanggaling sa salitang “TIBBAG” o “TEBBAG” ng diyalektong ilokano na ang ibig sabihin sa wikang Filipino ay “Tibag” o “Guho”. “Matibtibbag adyay daga iti igid ti karayan” o “Natitibag ang lupa sa tabi ng ilog”. Sa kalaunan ang TEBBAG ay naging Telbang at ito ang naging opisyal na pangalan ng barangay na ito. Halos karamihan sa mga nakatira nuon dito ay nanirahan malapit sa ilog na kilala ngayon bilang ILOG CAMILING. Ngunit sa kalaunan, dahil sa pag-apaw ng ilog dulot ng mga bagyo at pag-ulan na sumisira sa kanilang ari-arian at mga panamin, napilitan ang iba na ilipat ang kanilang mga tahanan sa tabi ng daan na ngayon ay kilala bilang ROMULO HIGHWAY. Ang iba ay naiwang nakatira sa tabi ng ilog ngunit ang ilan ay lumikas at nilisan ang lugar upang iwasan ang naturang kalamidad.
Posted on: Tue, 04 Nov 2014 12:47:06 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015