Buhay OFW ( Baby Sitter) By Rachel Astrero Sampung taon na rin - TopicsExpress



          

Buhay OFW ( Baby Sitter) By Rachel Astrero Sampung taon na rin ako ngayon sa lupain ni Uncle Sam partikular dito sa New York. Lupain na maaring gustong-gustong puntahan ng ating mga kababayan. Paano nga ba ako nakapunta dito? Medyo mahabang kwento. Dati akong Domestic Helper sa Hong Kong, Diplomat ang amo kong lalaki. Ang amo kong babae ay negosyante naman, isa lamang ang kanilang anak na 10 taong gulang pa lamang noon. Mabait sila sa akin, wala akong problema sa kanila. Anim na raang dolyar ang aking sweldo kada buwan. Kulang na kulang iyon dahil limang kapatid ang pinag-aaral ko sa Pilipinas. May diabetes pa si Tatay, habang si Nanay ay nasa kulungan dahil nakasuhan nang estapa. Sobra ano? Ganyan kalaki ang problemang pasan ko noon, ako ba naman kasi ang panganay. Dalawampu’t isang taong gulang lamang ako nang makarating sa Hongkong. Dahil sa pagiging Diplomat ng Amo ko ay nakapupunta sila sa iba’t -ibang bansa, gaya ng Burma, Middle East, Malaysia, Cambodia at marami pang iba. Dahil sa ako ay katulong nila kaya ako ay kanilang isinasama sa kanilang mga lakad. Noong nagpunta sila sa Amerika para sa isang buwang bakasyon ay tumakas ako. Oo, hatulan n’yo na ako pero iyon na lamang ang tanging pagkakataon ko para lumaki ang aking sweldo. May Auntie kasi ako sa Ohio, sa kaniya ako pumunta. Ang sabi kasi sa akin ng aking tiya, ang Baby sitter daw sa Amerika ay kumikita ng halos 7 daang dolyar sa isang Linggo. Hindi ba’t mas malaki ang kataasan noon sa kinikita ko sa Hongkong. Nag-iwan na lamang ako ng sulat sa aking amo. Liham na paghingi ng awa at unawa. Nakalagay na rin ang pagmamakaawa na huwag akong i-report. Hindi naman nga siguro nag-report ang amo ko. Kaya ako nga ay nakapamalagi dito sa Amerika, Kabilang ako sa mga “walang papel” o illegal. Kasi ay 1 month lang ang nakasaad sa Visa ko, pero nilabag ko na nga iyon. Alam ko na masama ang aking ginawa, inabuso ko ang kabaitan ng mga amo ko. Hindi ko alam kung magiging mabuti pa rin sila sa mga susunod nilang katulong. Pero nilabanan ko ang aking konsensiya, gusto ko kasing makalaya sa bilangguan si Nanay,mapag-aral ang mga kapatid ko at makapag-pagamot si Tatay. Marami muna akong inaplayang trabaho, lahat ng iyon ay” under the table” ang usapan at pasweldo. Ganoon kasi ang nangyayari sa mga illegal. Mga dalawang taon din siguro akong palipat-lipat ng trabaho hanggang sa nakakuha nga ako ng Amo dito sa New York. Mga Jewish ang mga Amo ko, dalawang bata ang kanilang anak na parehong lalaki. Ang kagandahan dito sa Amerika, maganda ang kanilang batas para sa mga blue collared people. Walong oras lamang ang aking trabaho sa loob ng isang araw. Stay-in ako, subalit may sarili akong kwarto. Kapag nag-alas kwatro na ay papasok na ako sa silid ko at hindi na ako pwede pang istorbohin. Binigyan din nila ako ng minimum na sahod, 400 dollars weekly. Dapat mga 700-800 dollars iyon, pero under the table din kasi, kaya mas mababa. Pero ok lang iyon, libre naman ako sa lahat eh. Sa trabaho, tanging pag-aalaga lamang ng bata ang sakop ko. Hindi kasama sa trabaho ko ang pagluluto at iba pang gawain sa bahay. Gayunpaman, ako kasi iyong tao na “willing to do the extra mile, “kahit hindi ko trabaho gaya ng paglilinis ay ginagawa ko na rin. Iyon siguro ang dahilan kaya na “good” ako sa mga Amo ko. Biruin n’yo na mag-pipitong taon na ako sa kanila. Maganda ang relasyon nila sa akin, ang totoo, first name basis lamang ang tawag namin sa isa’t-isa. Parang walang pagkakaiba, para bang kasama lang talaga nila ako sa bahay. May day-off din akong dalawang araw.Pagdating sa mga bata ay talagang napakababait nila. Kahit minsan ay hindi nila ako binastos. Laging may “please,” “thank you” at “excuse me” ang kanilang pakikipag-usap sa akin. Dahil sa mga naipadala ko sa pamilya ko kaya nakalaya si Nanay.Pinabuksan naming muli ang kaso at nagbayad kami ng magaling na abugado. Nakapag-aral din ang mga kapatid ko, dalawa ay guro ngayon. Ang isa ay graduate ng mass com at nagtatrabaho ngayon sa isang estasyon ng radio. Ang dalawa ko pang nahuling kapatid na parehong lalaki ay mga tapos ng Engeneering. Dahil iyan sa tulong ng Dios at sa pagbe-babysitter ko. Maganda rin ang naging resulta ng pag-aalaga ko sa mga anak ng Amo ko. Nalaman nila ang tungkol sa Pilipinas at ang kabutihan ng isang Pinay na gaya ko. Ngayon ay kinakain sa kanilang hapag ang ilang putaheng pinoy na naipakilala ko sa kanila. Malapit din sila sa akin at nagsabi sila sa akin na ako ay hinding-hindi nila malilimutan. Ang sarap sa pakiramdam kapag ganoon ang sinasabi sa iyo ng mga alaga mo. Matatalino sila at alam kong malayo ang mararating nila sa buhay. Hindi ko malilimutan ang sinabi ng nakatatanda sa kanilang dalawa. Kapag nagkaroon daw siya ng sariling negosyo ay puro Pinoy daw ang pipiliin niyang empleyado. Nakita ko na kahit ako ay babaysitter lamang nila, naroon at napakalakas ng aking impluwensiya. Sa mga Babysitters, Keep up the good works. Anumang hirap ang nararanasan ninyo ngayon, tandaan ninyo na always rewarding ang mga iyan. Hindi lang sa sarili nating pamilya kundi gayundin sa ating mga alaga.
Posted on: Sat, 22 Jun 2013 00:45:59 +0000

Recently Viewed Topics




© 2015