Buhay OFW ( Factory Worker) By Rachel Astrero “Ano ba naman - TopicsExpress



          

Buhay OFW ( Factory Worker) By Rachel Astrero “Ano ba naman yan, kailan ba matatapos ang panggugulo ng pamilya mo sa atin? Galit na tanong ng asawa kong si Ed sa akin “Anong panggugulo, alalahanin mo na pamilya ko sila. Wala ako kung wala sila” angil ko rin sa kaniya “Ah Put…. Kung ganyan ang katwiran mo, maganda ay maghiwalay na tayo! Noon din ay nagtungo ito sa aparador ng mga damit at pabalagbag na nag-empake. Parang nabingi ako sa narinig ko. Hindi ako nakagalaw sa aking kinatatayuan. Matagal ako sa ganoong posisyon, hindi ko malaman kung aamuin siya. Hindi ko alam ang aking gagawin ng mga oras na iyon. Matapos mapuno ng mga damit ang isang hindi kalakihang bag ay lumabas na ito ng aming silid. Nahimasmasan ako, pilit ko siyang hinabol. Subalit talagang buo na ang pasya nito. “Ed maawa ko, sorry, huwag mo naman akong iwanan” pagmamakaawa ko sa kaniya “ Saka na lamang tayo mag-usap kapag hindi na ako masyadong galit ha, bayaan mo akong umalis ngayon” pigil ang galit na sabi nito sa akin. Inihatid ko siya nang tingin papunta sa sakayan ng jeep. Saan kaya siya pupunta? Hindi ko alam. Litong-lito ang isip ko nang bumalik ako sa aming bahay. Gusto kong maglupasay sa kaiiyak. Nang nakapasok ako sa loob ng bahay ay nakita kong nanonood ng TV ang aking pamilya. Ang pamilya ko ang dahilan kaya ako iniwan ni Ed, parati na lamang kasi silang nakasandal sa amin. Pangalawa ako sa pitong magkakapatid, maagang nag-asawa ang aking kuya;kaya ako ang pumasan ng kaniyang responsibilidad sa bahay. Sa awa ng Diyos ay may misyonerong Koreano na tumulong sa akin para makapagtapos ng pag-aaral. Nakatapos ako ng Food Technology at nakapagtrabaho sa isang Korporasyon. Noong panahon na dalaga ako ay talagang lubusan kong inaturga ang aming pamilya. Wala kasing trabaho si Tatay kung hindi magsabong at si Nanay naman ay nangongobra ng Jueteng. Pinag-aral ko din ang aking mga kapatid, subalit tamad ang mga ito. Ang dalawa na akala ko ay matatalino ay shift naman nang shift ng kurso kaya walang natatapos. Hanggang sa tinuruan ko na ng leksyon at pinatigil ko na sa pag-aaral. Naging kaligayahan ko na sa buhay ng pakasalan ako ni Edward, isa siyang Pulis. Ibinukod niya ako ng bahay. Medyo naging payapa ang isip ko sa aming pagsasarili. Subalit maya’t-maya ay narito ang pamilya ko at humihingi ng tulong. Hanggang sa dito na nga silang lahat sa amin tumira. Siepre nga naman, napakahirap ng maraming pinakakain. Hindi naman ganoon kalaki ang bahay namin para dagdagan pa ng anim na katao. Oo dugo ko sila pero may sarili na nga akong buhay. Ngunit hindi nauunawaan iyon ng pamilya ko. Hanggang sa lagi na lamang namin silang pinag-aawayan ni Ed. Nitong huli ay nagpasya na nga itong iwan ako. Parang hindi man lamang inintindi ng aking pamilya ang naging away naming mag-asawa. Patuloy pa rin sila sa gingawa habang ako ay halos mabaliw na sa pag-iisip. Gustong-gusto kong mapag-isa subalit naroon ang mga taong pilit na nagsusumiksik sa akin. Lumipas ang mga araw, hindi ako kinakausap ni Ed kahit sa phone, hanggang sa umabot na ng tatlong buwan na wala kaming komunikasyon. Kahit na pilit ko siyang tinatawagan. Minsan pumunta pa ako sa kanilang opisina, subalit sinabi sa akin ng hepe na may assignment ito sa malayong lalawigan. Hanggang sa naipasya ko ang isang bagay na noon ko pa sana dapat na ginawa. Kinausap ko ang aking mga magulang at mga kapatid, hinimok ko silang bumalik na sa Leyte. May bahay naman kami roon at maliit na lupang taniman, napakalaki rin ng dalampasigan na pangingisdaan. Sinabi kong iwan na nila ako sa Maynila at baka magkabalikan pa kami ni Ed. Hindi ko inasahan ang magiging reaksyon nila. “ Walang hiya kang bata ka, porket nakapag-aral ka gaganyanin mo kami” panduduro sa akin ng aking ina. “Pero Inay matagal ko na po kayong tinutulungan at patuloy na tutulungan, pabayaan n’yo lamang akong makapagsarili” pakiusap ko sa kaniya Pamaya-maya ay naramdaman ko ang isang nakabibinging sampal, galing iyon sa aking ama. Naramdaman ko na lamang na ang sampal ay nasundan pa ng sabunot at iba pang pisikal na pananakit. Ang mga kapatid ko ay nakatingin lamang. Napagod na yata ng pananakit sa akin ang aking mga magulang, kaya tumigil sila. “ Sige magbalot na kayo! Uuwi na tayo sa Leyte, itinakwil na tayo ng Ate ninyong gaga” galit na galit na sigaw ng aking ina Nagsipagbalot ng mga damit ang aking mga kapatid. Umalis sila na ang tanging pamamaalam sa akin ay mga tingin na masasama ng aking mga kapatid at mura galing sa aking mga magulang. Pabalagbag pa nilang binuksan ang pinto. Iniwanan din nilang nakabukas ang gate ng sila ay lumabas. Parang manhid na manhid ang aking katawan. Nakita ko na may mga kalmot pa ako sa aking mga braso at namimingi ang aking dalawang tainga. Pinilit kong tumayo sa aking kinauupuan, pilit kong kinalma ang aking sarili. Isang linggo matapos umalis ang aking pamilya ay pinilit kong makipag-usap kay Ed, subalit hindi niya sinasagot ang aking mga tawag. Pumunta ako sa bahay ng aking byenan para tingnan kung doon siya umuuwi subalit sinalubong ako ng galit ng biyenan kong babae. “Hindi dito umuuwi si Ed, Doon siya umuuwi sa bago naming manugang!” pasigaw ana wika ng aking Byenan Parang sasabog ang ulo ko sa mga bagay na isa-isang nagaganap sa aking buhay. Umuwi ako sa aming bahay at gustong-gusto kong wakasan ang aking buhay. Hindi na ako nakapasok sa trabaho, Hindi na rin ako makakain at makatulog. Ngunit mabait pa rin ang Diyos, dinalaw ako ng aking kaibigan na OFW sa Taiwan; si Dolores. Nabigla siya nang makita ang aking kalagayan. Siya ang tumulong sa akin na muling makabangon. Hanggang sa sinabi niya sa akin na pumunta na lamang din daw ako sa Taiwan. Ganoon nga ang aking ginawa. Nag-apply ako sa kaniyang agency. Makalipas ang halos apat na buwan ay nakalipad ako patungong Taiwan bilang isang Factoiry Worker. Hindi na ako nagpaalam sa kahit na kanino, ang mahalaga sa akin ay makatakas sa mga bagay na nagpapahirap sa akin. Kayganda nga naman ng Taiwan, at least bagong environment ito. Magaganda rin ang mga tanawin at malamig ang klima. Sa Electronics Company ako nagtatrabaho. Madali lang naman ang aking gawain, bagamat talagang busy ako sa maghapon. Maganda iyon para sa akin para naman makalimutan ko ang mga pangyayari sa aking buhay. Nasisiyahan ako sa bago kong mundo. Ang sabi nila mahirap maging OFW, pero para sa kin ay depende iyon sa motibo mo nang pumunta sa ibang bansa. Sa ganang akin kasi, mas nasisiyahan ako dito. Mas magaan ang loob ko at payapa ang aking isip. Kapag day -off ay kasama kong namamasyal si Dolores kasama ang iba pang Pinay na kaibigan namin. Nagkukuhanan kami ng larawan. Nagbabaon kami ng mga pagkaing Pinoy, talagang masaya ako dito. Unti-unti kong pinulot ang nagkapira-piraso kong buhay. Natuto akong mangarap muli. Matagal ko ng hindi ginagamit ang sim card ko, nagpalit kasi ako ng sim card ng pumunta ako sa Taiwan. Subalit dala ko pa rin naman ang dati kong sim card, iyon pa rin kasi ang nagdurugtong sa akin sa aking pamilya. Alam ng aking pamilya at ni Ed ang phone number ko sa sim card na iyon. Nakatuwaan ko na isalpak iyon sa aking phone, hindi pa nagtatagal ang pagkakasalpak niyon ng bigla itong mag-ring. Aba at tinatawagan ako ni Ed. Pigil ang aking kaba, subalit sinagot ko ito “ Hello” “Hello Grace, nasaan ka na? paulit-ulit akong pumupunta sa ating bahay hindi na kita nakikita” naroon ang pag-aalala sa tinig nito “ Malayo na ako Ed, hindi mo na ako makikita” sabi ko rito “ Mag-usap tayo, miss na miss na kita, nasaan ka ba? Pakiusap nito sa kabilang linya Pakipot pa ako, “Diba pulis ka, De hanapin mo kung nasaan ako. “ Nagtanong ako sa pinagtatrabahuhan mo, hindi ka na raw nagre-report, ano na ba ang nangyari sa iyo?Tawag din ako nang tawag subalit un-attended ang cp mo. Kalooban na lamang siguro ng Diyos na nasagot mo ito ngayon. Nag-aalala nitong tanong Parang na–touch naman ako sa pag-aalala niya. Subalit biglang sumirit ang sakit nang maalala ko na may babae siya. “ Huwag mo na akong hanapin pa, tutal may iba ka na” naghihinanankit kong sabi “ Saan mo naman nakuha iyan?” tanong niya sa akin ‘Sabi ng Nanay mo, kaya ka daw hindi sa kanila umuwi dahil may bago na raw silang manugang” sagot ko naman “ Hindi totoo iyon, nagpa-assign ako sa malayong lalawigan para makapag-isip-isip. Hindi ako nambabae” sinserong pahayag nito. Ewan ko ba pero naniwala ako kaagad, Siguro dahil mahal ko naman talaga ang aking asawa. Ninanais ko na maayos namin ang lahat at magsama kaming muli. “Ed nandito ako ngayon sa Taiwan, dalawang taon ang kontrata ko dito. Nakatatatlong buwan pa lamang ako kaya kung makapaghihintay ka, matagal- tagal pa bago ako makauwi. Damang- dama ko ang hirap ng kaniyang loob. Bakit ka kasi umalis? Lalo na hindi mo man lang ipinaalam sa akin. Hindi ba pwedeng umuwi ka na lang” “Hindi naman kita makontak noon, isa pa ay halos mabaliw na ako sa ginawa ng pamilya ko sa akin. Ito na ang pagtakas na nakita ko. Hindi ako pwedeng umuwi, masisira ako” “Sige hihintayin kita, mag-ingat ka parati para sa akin ha, mahal na mahal kita” huling salita ni Ed bago nagtapos ang aming usapan. Naging maayos ang relasyon naming mag-asawa. Sumulat na rin ako sa aking mga magulang para humingi ng tawad. Natuwa ako ng sumagot ang kapatid ko at sinabing sila raw ang dapat humingi ng tawad sa akin. Huwag na raw akong mag-alala at tatayo na raw sila sa kanilang mga paa. Mabilis na lumipas ang dalawang taon. Umuwi ako sa PIlipinas, pabalik sa mapagpalang bisig ng aking asawa. Minsan, ang pagiging OFW ay para sundin ang pangangailangan na makatakas sa isang mapait na karanasan, gaya na lamang ng nangyari sa akin. Nakatulong sa akin ng malaki ang aking paglayo, iyon din ang dahilan kaya nagkasundo kami ng aking asawa at ng aking pamilya. Natakot kasi sila na baka hindi na ako muli pang bumalik. Ang pagiging OFW ko ay isang bahagi ng aking buhay na hindi ko malilimutan. Ang pagiging factory worker ay nagdulot sa akin ng kasiyahan at kapayapaan sa panahon na kailangan ko iyon. Sa lahat po ng Factory Workers lalo na po kayo, diyan sa Taiwan, Mabuhay po kayo!
Posted on: Tue, 25 Jun 2013 16:22:45 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015