INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO ‘SONNY’ COLOMA, - TopicsExpress



          

INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO ‘SONNY’ COLOMA, DZRH-ARANGKADA BALITA, BY NEIL OCAMPO November 21, 2013 Q: Mr. Secretary magandang umaga po, si Neil Ocampo. SEC. COLOMA: Magandang umaga sayo Neil at sa lahat ng ating mga taga-subaybay. Q: Opo, eh kayo na agad ang sumagot dito sa lead ng storya. Eh yung AFP humihingi ng pondo sa Malacanang sa gasolina para sa kanilang C130 plane sa paghahatid ng ating kababayang biktima ng kalamidad, Tacloban to Manila and Manila to Cebu and Cebu to Manila. Ano po ang sagot dun ng Malacanang? SEC. COLOMA: Noon pa pong naganap ang super typhoon’Yolanda’ ay ako mismo po ang nag-anunsyo na inaprubahan na po ng tanggapan ng Pangulo sa pamamagitan ni Executive Secretary Ochoa, yung ah, pag-release po ng pondo through DBM ng kung di po ako nagkakamali humigit kumulang P360,000,000.00 na gagastusin po para sa fuel, oil and lubricant ng Philippine Air Force dahil batid naman po natin sunod-sunod ang maigting na pag-gamit ng mga air assets ng Air Force nung naganap yung Zamboanga crisis at yun pong lindol sa Bohol at Cebu kaya yan po sa aking pagkaalam ay naaksyunan na. Susuriin po natin kung meron pang mga pangangailangan na hindi pa napupunuan. Q: At yang initial na approval na yan ng Malacanang, kung kukulangin man yan, kung kakailanganin pa, may pondo pa rin dyan? SEC. COLOMA: Syempre po at napakataas ng prayoridad sa pagsuporta sa air operations ng Philippine Air Force at yan po ang frontline natin dun sa paghahatid ng relief goods at mga tauhan na kinakailangang lumahok sa relief operations. Q: Secretary Coloma, merong sumulpot na intriga at kanina ay amin ngang pinagtapat at nagpaliwananagan ng husto ang panig ng Philippine Air Force at ng organizer ho ng ‘Oplan-Hatid’ sa pamamagitan ni Mr. Jonet Ocampo, na ang grupo ni Mr. Jonet ay tigil muna sila, stop na sila sa paghahatid ng mga pasahero, nanggagaling na mga kababayan natin mga evacuees from Tacloban to Manila dahil lang daw po sa di pagkakaunawaan. Mukhang di maayos ang coordination at hindi alam kung sino talaga ang overall na magko-command. Nagkakaroon tuloy ng intrigahan. Ah so, ano po ngayon ang gagawin ng Malacanang para maresolba ho ang intrigahang ito at yang DSWD naapektuhan din nito at lalong higit ang ating mga kababayan. SEC. COLOMA: Kung ano man po ang pagkakakiba ng opinyon o pananaw, dapat po siguro ay agarang itong upuan, pag-usapan, bigyan ng liwanag at hanapan ng ‘win-win’ solution. Dahil ang pinakamahalaga po yung pagpapatuloy at pagpapabilis sa ating pagsisikap na makatulong. Kaya kami na po, ang nananawagan at hihimok po sa lahat ng sangkot dito na upuan na lang po, baka naman po sa mahusay na pagtatalakayan ay ma-resolba na ang kanilang pagkakaiba. Q: Ayan. Yan ang ipinayo ko rin ho kanina. Dapat lang. Sapagkat ang nakasalalay dito ay yung agarang pagtulong natin sa ating mga kababayan na nasalanta ng kalamidad sa Kabisayaan. Ok. Secretary Sonny Coloma, dito naman po sa naging deklarasyon ng Supreme Court na unconstitutional po ang PDAF, ano po ang naging reaksyon ng Malacanang, ng Pangulo at ano ngayon ang plano ng gobyerno? SEC. COLOMA: Ah wala pa pong reaksyon ang ating Pangulo, dahil tuwing sumasapit po ang ganitong pagkakataon at nasaksihan ko po ito simula pa noong ako ay volunteer sa kanyang kampanya noong 2010, kapag meron pong pagpapasya ang Kataas-taasang Hukuman, ang nais po ng Pangulo ay makuha ang opisyal na desisyon, mabasa po ito mula sa simula hanggang sa pagtatapos para maging ganap po ang pag-unawa kung ano ang nilalaman ng desisyon at kung ano ang implikasyon nito. Pansinin po natin na ang Pangulo ay ‘Chief Executive’. Kaya po tinaguriang Chief Executive, siya ang punong tagapag-paganap o mag-e-execute ng mga batas na yun pong nagkaroon na ng pag-papasya ang Supreme Court. Sila po ay naglatag o naghayag ng interpretasyon ng batas na kinakailangan pong lubos na maunawaan ng ating Ehekutibo, ng punong-tagapagpaganap. Kaya po tungkulin po natin ngayon, ng ating taga-usig pang-lahat, yung Solicitor General na pag-aralan din po ito dahil siya ang manananggol ng pamahalaan, para magkaroon din po ng malinaw na pag-unawa at maging maayos ang pag-talima sa desisyon ng Korte Suprema. Q: Ok. Ah, Secretary Coloma, kinokonsider ba ng Malacanang na humirit or mag-file ng motion for reconsideration dito sa naging desisyon ng Korte Suprema? SEC. COLOMA: Wala po akong nababatid sa aspetong yan kasi nga po ang unang gagawin po ay basahin muna yung kumpletong desisyon at unawain po ito ng ganap. Q: Sa paged-desisyon po dito, kung ano man ang gagawing ligal na aksyon ng Malacanang, pag-sagot dyan, ang Solicitor General po ba ang tanging may responsibilidad na gampanan ang kanyang tungkulin bilang abogado ng ating pamahalaan o meron pang mga legal advisers ang Pangulo? Sino-sino po ba yung mga iba pang legal advisers niya? SEC. COLOMA: Bukod po sa Solicitor General, meron pong Chief Presidential Legal Counsel, ito po ay si Secretary Benjamin Caguiao at si Secretary…, Executive Secretary Ochoa ay meron din po ng legal team dahil siya rin po ang kaagapay ng Pangulo sa pag-papatupad ng mga batas kaya meron naman pong panel of lawyers din sa Malacanang, tumutulong sa pag-lilinaw ng mga issue hinggil dito. Q: Opo at dahil din sa naging desisyong ito ng Korte Suprema, ang naging pahayag naman ng ilang political analysts at ng iba pang mga sector, eh nagsasabi na dahil daw po dito eh posibleng lumuwag ang kontrol ng Pangulo sa kanyang mga kaalyado sa Kamara, dahil na nga sa kawalan ng pork-barrel na ito ay posibleng may mga kongresista na mag-dalawang isip at hindi na ganap na magtiwala sa Pangulo sapagkat wala silang magiging pakinabang kung kanilang pork-barrel naman ay mawawala ng tuluyan. SEC. COLOMA: Ang liderato po ng Pangulo ay batay sa prinsipyo. Ito rin po ay batay sa mandato ng taongbayan. Lahat naman po ng mga halal na opisyal ay mayroong sinumpaang tungkulin na maglingkod sa pinakamainam na paraan. Dahil po dito, hindi po dapat na pulitika o yung personal na pagsasama ang maging pangunahing konsiderasyon. Nananalig po kami na sa determinasyon po ng ating Pangulo na isulong yung pamamalakad sa matuwid na daan eh kasama po niya ang karamihan o ang malaking mayorya ng ating mga kongresista at mga senador at sama-sama po nilang haharapin ang mga hamon sa kabila ng iba pang implikasyon ng naturang pagpapasya ng Supreme Court. Ang commitment po ng Pangulo, bilang isang halal na opisyal ay para paglingkuran po ang bayan. At yun pong personal o political considerations ay mababa po yun sa hanay ng mga dapat pagtuunan ng pansin. Q: Opo. Ito po bang paghaharap ng supplemental budget na pinag-uusapan na ng Kamara eh meron na po ba ditong approval ng Malacanang? May reaksyon na? SEC. COLOMA: Madali naman pong maunawaan kung bakit po magiging kapaki-pakinabang ang panukalang yan. Unang-una po, hayag na po sa atin ang lawak at lalim ng pinsala na dulot ng kalamidad at pang-unang pagtaya pa lamang, nauunawaan na natin na malaking pondo po ang kailangan at kung meron pong magagamit pang pondo mula sa 2013 budget na maaari pong makuha sa pamamagitan ng pagpapasa ng supplemental budget katulad ng nauna ng ipinanukala ng mga lider ng kongreso na sina, Speaker Belmonte at Senate President Drilon na wala naman po sigurong balakid para magtulong-tulong na dahil napakalaki ng dapat gawin para sa ating mga kababayan. Q: Opo. Secretary Coloma, mga ilan pa ring mga huling katanungan. May plano nga po ba ang pamahalaan na muling umutang po sa World Bank? SEC. COLOMA: Ah yun naman pong pag-utang ay regular na sangkap ng ating over-all economic management. Kasi po sa daloy ng kasaysayan, wala pa naman pong panahon na mas marami yung rentas internas natin no, yung ating pong nakalap ng ating pondo kaysa dun sa kabuuan ng National Budget. Ewan ko pong kung mayroong bansa sa buong mundo, kabilang na yung mga pinakamayaman na hindi po humihiram o hindi po nangungutang. Para din po sa negosyo yan, di po ba? Bagamat namumuhunan ang mga may-ari eh meron naman pong mga pasilidad ng pag-papautang na sa kabuuan eh mas mababa po ang cost of borrowing kaysa yung tinatawag na cost of equity, na kung ikaw mismo ang magluluwal ng iyong sariling pondo. Kaya gaganapin po ito pero tandaan po natin na ngayon ay nasa napakalakas na posisyon ang ating bansa dahil po tayo ay kinikilala na ‘investment grade country’. Ibig-sabihin kung tayo po ay manghihiram ng pondo, pwede pong mahaba ang duration ng paghiram natin at bababa po ang interest cost. Kaya sa kabuuan, magiging kapaki-pakinabang rin po ito para sa ating bansa. Q: Alright. Secretary Sonny Coloma, maraming salamat po at magandang umaga. SEC. COLOMA: Maraming salamat at magandang umaga rin sayo Neil.
Posted on: Thu, 21 Nov 2013 11:20:39 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015