KAKAMPI MO ANG BATAS.SYNDICATED, FILIPINO. 11 JULY 2013 “RH - TopicsExpress



          

KAKAMPI MO ANG BATAS.SYNDICATED, FILIPINO. 11 JULY 2013 “RH Law, papatay sa Kristiyanismo sa RP” INSPIRASYON SA BUHAY: “…Kaya nilalang ng Diyos ang tao sa Kanyang wangis; nilalang Niya sila bilang lalaki at babae. Pinagpala Niya sila at sinabi, `Humayo kayo at maging mabunga, at magpakarami; punuin ninyo ang mundo at pagharian ito’…” (Genesis 1:27-28, Bibliya). -ooo- “RH LAW, PAPATAY NG KRISTIYANISMO SA RP”: Naririto po ang tanong ng isa nating mambabasa ukol sa Reproductive Health Law na pinagdedebatehan ngayon sa Korte Suprema: nalalaman ba ng mga may-akda at nagsusulong nito na ang pinaka-ultimong bunga ng batas ay ang pagpapaliit ng bilang ng mga Kristiyano, at ang pagpapalago naman ng bilang ng ibang mga grupong pang-relihiyon, lalo na yung pumapayag magkaroon ang kanilang mga kalalakihan ng hanggang apat na asawa? Ayon sa ating mambabasa: sapagkat lilimitahan ng RH Law ang mga magiging anak ng mga kalalakihan at kababaihang Kristiyano gamit ang family planning at mga gamot upang mapigilan ang pagbubuntis at pag-aanak na ipinamimigay ng libre sa ilalim ng batas, paliliitin pa lalo nito ang maliit at patuloy na lumiliit pang bilang ng mga Kristiyano. -ooo- RH LAW, PABOR SA MGA DI-KRISTIYANO? Sa kabilang dako, ayon pa din sa ating mambabasa, ang mga kasapi naman ng ibang mga grupong pang-espirituwal na hindi Kristiyano pero may pribilehiyong magkaroon ng higit sa isang asawa ay magkakaroon pa rin ng mas maraming mga anak, kahit na sumasailalim din sila (kung sasailalim nga) sa family planning o di kaya ay gumagamit (kung gagamit nga) ng mga gamot kontra pagbubuntis sa ilalim ng RH Law. Ang mga di-Kristiyanong ito ay magkakaroon pa rin ng mas maraming mga anak sapagkat mas marami silang mga pamilyang panggagalingan ng mga bata, na siyang dahilan upang magiging mas madami na ang kanilang bilang sa malapit na hinaharap, kaakibat ng kakayahang baguhin na ang relihiyon ng buong Pilipinas at tuluyang masupil ang Kristiyanismo sa bansa, ayon pa sa ating mambabasa. Ano kaya ang masasabi ng mga nagsusulong ng RH Law ukol dito? Sen. Pia Cayetano? -ooo- DI SA PAMAMAGITAN NI PNOY LAMANG: Oo naman, Presidential Spokesman Edwin Lacierda, mas marami na ngayon ang Pilipino na naniniwalang bumaba na ang korapsiyon sa Pilipinas sa ilalim ng Pangulong Aquino, pero hindi naman yung paniniwala lang ng tao sa korapsiyon ang mahalaga kundi yung katotohanang tuloy pa din ang katiwalian sa gobyerno, kahit na halos papaalis na ang Pangulo sa puwesto. Ang tunay na nakakadismaya sa lahat ng ito ay ang katotohanang nasabihan din ang kasalukuyang gobyernong Aquino, sa napakaraming paraan, na sa kabila ng tapat na layunin nitong alisin ang korapsiyon, hindi ito maisasagawa ng Pangulo lamang. Kailangan munang magkaroon ng paunang pagbabago ang burukrasiya at ang sambayanan, na hindi mangyayari dahil lamang sa slogan ng mga lider na nagsasabi ng “daang matuwid”. -ooo- PINAKAMALAKING HAMON SA PANGULO: Sa totoo lang, ang pinakamalaking hamon sa sinumang pangulong magsisilbi sa napakaikling panahon ng anim na taon ay ang pag-alis sa kanyang iniisip na may kakayahan siya, sa kanyang sarili lamang, na kumilos upang isulong ang pagpapala sa buong bansa, kahit na nanggaling pa siya sa mga itinuturing na haligi ng demokrasya o mula sa mga magulang na sinasanto sa buong mundo. Kahit na siya pa ang pangulong may hawak ng lahat ng kapangyarihan ng gobyerno, wala siyang magagawa upang maitatag ang tagumpay at kaginhawaan, gaya ng marahil ay naiintindihan na ng Pangulong Aquino sa ngayon. Tanging ang Diyos lamang ang may magagawa, at ang pinakamagandang maiiwanan ng isang pangulo sa kanyang mga nasasakupan ay ang pagdadala sa kanila sa mas mahusay na relasyon sa Diyos upang sila ay maging matuwid at mapuspos ng kabanalan. -ooo- TULARAN, HALIMBAWA NI SOLOMON: Ang sinumang pangulo ng bansa na nakakaunawang anim na taon lang siyang mamumuno ay dapat magsumikap tularan ang halimbawa ng pinaka-dakilang hari ng tao, si Haring Solomon. Noong tinanong ng Diyos si Solomon kung ano ang kanyang nais matapos siyang maluklok na hari ng Israel bagamat menor de edad pa lamang siya, hindi ito humingi ng yaman at kamatayan ng kanyang mga kaaway, kundi ng karunungan. Ibinigay ito ng Diyos at siya nga ay naging pinaka-dakilang hari. -ooo- REAKSIYON? Tawag o text po sa 0917 984 24 68, 0918 574 0193, 0922 833 43 96. Email: batasmauricio@yahoo, mmauriciojr111@gmail. -30-
Posted on: Thu, 11 Jul 2013 01:00:53 +0000

© 2015