KAKAMPI MO ANG BATAS.SYNDICATED, FILIPINO. 21 NOVEMBER - TopicsExpress



          

KAKAMPI MO ANG BATAS.SYNDICATED, FILIPINO. 21 NOVEMBER 2013 “Mayayaman lang ang nakinabang sa reclamation” INSPIRASYON SA BUHAY: “… Anong buti ba ang idudulot kaninuman kung makamtan man niya ang buong mundo, ngunit mapapariwara naman ang kanyang kaluluwa? Ano ba ang maaaring ipagpalit ng isang tao para sa kanyang kaluluwa?” (si Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas, sa Mateo 16:26, Bibliya). -ooo- TANGING MAYAYAMAN ANG NAKINABANG SA MANILA BAY RECLAMATION: Tanging ang mga mayayamang negosyante na binigyan ng karapatang gamitin ang mga lupang nabawi o na-reclaim mula sa Manila Bay para sa kanilang mga komersiyo ang nabiyayaan ng nasabing reklamasyon, ayon kay Buhay Party List Rep. Lito Atienza noong Huwebes, Nobyembre 21, 2013, sa isang panayam kay Anthony Taberna, ang sikat na host ng “Punto Por Punto” sa “Umagang Kay Ganda” ng ABS CBN Channel 2. Hindi nakinabang ang masa mula sa mga reclamation projects na ito, sabi ni Atienza, bagamat ang permiso mula sa pamahalaan para sa reklamasyon ay nagsasabing kailangang magbigay ng direktang benepisyo ang reclamation projects sa tao. Ipinunto din ni Atienza ang panganib na idudulot ng malakihang pagbaha sa mga na-reclaim na lupa, gaya ng nangyari sa Tacloban City at Fukushima, Japan, pag tumama ang lindol at malakas na bagyo. Ibinunyag din ni Atienza na sa kabila ng mga disbentaha at mga panganib na dulot ng reklamasyon sa Manila, ang dating pamahalaang-lunsod nito (sa ilalim ni Mayor Alfredo Lim) ay lumagda sa isang kontrata na nagbibigay sa mga mayayamang negosyante ng karapatang mag-reclaim ng isang bahagi ng Manila Bay na kasinghaba ng Roxas Blvd., at lahat ng kalapit-lugar nito. -ooo- REKLAMASYON SA MANILA BAY, TINUTULAN: Dinagsa nitong mga nakaraang araw ng pagtutol ang reclamation projects sa Manila Bay, lalo na ng lumitaw na ang reklamasyon sa dagat ay di lamang pala pinayagan ng Manila, kundi pati ng Pasay City. Sa isang kolum natin dito, ganito ang isinulat natin sa mga pagtutol na ito:” Mayroong mga isyung legal na kinakaharap ang kasunduan ng Pasay City at ng SM Land ukol sa reklamasyon ng 300 ektaryang lupa mula sa Manila Bay: maaari bang ipagkaloob ng Pasay City sa SM Land ang kontrata sa reklamasyon ng walang bidding? Maaari bang basta direkta na lamang ibibigay ng Pasay City ang kontrata ng reklamasyon, di lamang sa SM, kundi sa iba pang mga interesadong partido ng walang bidding? Ang isang reclamation project ba ay di na dapat dumaan sa bidding? “Naglabasan kasi ang mga isyung ito kasabay ng mga ulat na ibinigay na ng lunsod, sa pamamagitan ng city council at ni Mayor Antonino Calixto, ang kontrata ng reklamasyon ng 300 ektaryang lupa sa SM Land, mula sa sea wall ng SM Mall of Asia hanggang sa layong halos 1,135 metro sa dagat, at mula sa Sofitel Hotel at Cultural Center of the Philippines, matapos magbigay ang SM Land ng isa lamang sulat o letter of intent para sa nasabing proyekto. -ooo- JOINT VENTURE PROJECT, SA ISANG ARAW LAMANG? “Lumilitaw na ang letter of intent ay isinumite ng SM Land sa Pasay City noong Marso 07, 2013. Sa pamamagitan nito, ipinanukala ang isang joint venture project sa pagitan ng Pasay City at ng SM Land, kung saan kukuha ang SM Land ng 136 hectares mula sa tubig. Ngunit noong Julio 25, 2013, binago ng SM Land ang kanyang letter of intent, at ang hinihingi na nito ay di na lamang 136 ektarya, kundi 300 ektarya na. “Noong Agosto 12, 2013, lumilitaw din na ang mayorya ng konseho ng lunsod (sina Vice Mayor Marlon Pesebre, at Councilors Allan T. Panaligan, Mary Grace Santos, Jennifer A. Roxas, Richard M. Advincula, Alberto C. Alvina, Eduardo I. Advincula, Lexter N. Ibay, Ma. Antonia C. Cuneta, Aileen Padua Lopez, Ian Vendivel, Arnel Regino Arceo, Arvin G. Tolentino, Reynaldo O. Padua at Richard C. Roxas) ay nagbigay-kapangyarihan kay Calixto na gumawa ng dalawang bagay: makipag-negosasyon sa Philippine Reclamation Authority (PRA) upang payagan ito sa reclamation project, at makipag-negosasyon din sa SM Land. “Pero, lumilitaw na noon ding Agosto 12, 2013, batay sa pahintulot ng konseho, nakipagkasundo na si Calixto sa SM Land, at in-award na nito ang proyekto ng reklamasyon sa SM. Tatalakayin pa po natin ang bagay na ito sa susunod, batay sa isyu ng competitive bidding, sa ilalim ng mga probisyon ng Sec. 10, Art. IV ng Republic Act 9184, ang batas na kilala bilang `An Act Providing for the Modernization, Standardization, and Regulation of the Procurement Activities of the Government and for other purposes’ ”. -ooo- REAKSIYON? Tawag po sa 0917 984 24 68, 0918 574 0193, 0922 833 43 96. Email: melaniolazomauriciojr@outlook, mmauriciojr111@gmail, at batasmauricio@yahoo, -30-
Posted on: Thu, 21 Nov 2013 02:08:33 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015