Kung dalawang linggo lang ang panahon ng kasaysayan ng Pilipinas, - TopicsExpress



          

Kung dalawang linggo lang ang panahon ng kasaysayan ng Pilipinas, baka maituring na bayani sina Ito Rapadas, ang orihinal na nagpaskil ng imbitasyon ng 1 Million March, Agosto 26, at Peachy Rallonza Bretaña, ang sumunod na nagpaskil. Mapapansin ang political maturity ng pananaw nila sa mga panayam sa kanila ng midya. Ang disisyon nilang ipaskil ang imbitasyon, dahil sa galit sa may kagagawang magkakasabwat sa PDAF Scam, ay isang disisyon at kilos politikal mismo. Ang pagpapatampok sa kanila ng ilang journalist bilang neutral sa political spectrum ng bansa ay isang anti-public intellectual na gawain ng midya. Malinaw ang kiling agad nina Rapadas at Bretaña, at iyon ay para sa mga api, gaya ng mga informal settler, middle class taxpayers. Hindi nyutral ang paninindigan nila. Maging sila Napoles at mga kasabwat na pinanggalingan ng PDAF, na dinambong para sa sarili nilang bulsa, ay ginamit ang mga api, ang mga magsasaka, para sa mga proyektong guniguni lang nila ang nakakaalam. Mayayaman silang nagkunwari na makamagsasaka, nagkunwari na makamasa para makapandambong sa kabang yaman ng bayan. Pero hindi sila kinunsinti ng guniguni, naibulgar ang pagkukunwari nila. Ang kasaysayan ng lipunang Pilipino ay hinubog ng mga ninuno nating katutubo, Islam, monarkiya ng Spain, mga prayle, mga magsasaka, mga ilustradong propagandista at Katipunero, monopolyo kapitalistang Amerikano, mga gremio at union de obrero, mga manunulat gaya ni Aurelio Tolentino at Faustino S. Aguilar, mga Thomasite, mga pensionado, mga komunistang HUKBALAHAP, mga papet na presidente ng bansa, Kabataang Makabayan, Communist Party of the Philippines, mga oposisyonista noong panahon ng diktadura ni Marcos, mga tradisyonal na politiko, mga progresibong gaya nina Sen. Tañada at Diokno, mga dilawan, Reform the Armed Forces of the Philippines Movement, mga balimbing... At dahil siglo-siglo ang panahon ng kasaysayan ng Pilipinas, madaling maging ignoramus. Pero parepareho nating mahal ang Pilipinas, ignoramus at maláy man. Kaya sa ayaw at sa gusto ng mga puwersang politikal, kailangan nilang mag-usap at i-agenda ang kapayapaan. Subalit ang kapayapaan ay mayroon ding politika. Walang politikang nyutral. Ang kasalukuyang politika sa Pilipinas ay interaksyon ng mga api at mang-aapi. Panahon nang mag-evolve at pausarin na maging mapagpalaya ang syensya ng politika dahil mahal natin ang Pilipinas. Teka, baka Filipinas ang mahal ng midya?
Posted on: Sun, 25 Aug 2013 07:40:15 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015