Likas na mga Kapahamakan—Kagagawan ba ng Diyos? “DIYOS ko, - TopicsExpress



          

Likas na mga Kapahamakan—Kagagawan ba ng Diyos? “DIYOS ko, ano itong ginawa mo sa amin?” Ganiyan ang iniulat na tugon ng isang nakaligtas na malapitang nagmasid sa pagkasalantang dulot ng pagputok ng may taluktok na balot-ng-niyebeng Nevado del Ruiz sa Colombia noong Nobyembre 13, 1985. Natabunan ng ibinugang dumadausdos na putik ang buong siyudad ng Armero at mahigit na 20,000 katao ang nasawi sa isang gabi. Mauunawaan naman ang ganiyang epekto sa mga nakaligtas. Palibhasa’y walang magawa sa harap ng nakasisindak na mga puwersa ng kalikasan, ang ganiyang mga kapahamakan mula pa nang sinaunang panahon ay isinisi ng mga tao sa Diyos. Ang mga tao noong unang panahon ay naghain pa nga ng mga tao upang payapain ang kani-kanilang mga diyos ng karagatan, kalangitan, kalupaan, kabundukan, bulkan, at iba pang pinagmumulan ng panganib. Kahit ngayon, tinatanggap ng ilan ang resulta ng kapaha-pahamak na mga pangyayari sa kalikasan bilang tadhana o kagagawan ng Diyos. Talaga bang kagagawan ng Diyos ang mga kapahamakan na nagdudulot ng napakalaking pagdurusa sa tao at pagkasalanta sa buong daigdig? Siya ba ang dapat sisihin? Upang makita ang mga sagot, kailangang malapitang malasin natin kung ano ang kasangkot sa gayong mga kapahamakan. Sa katunayan, kailangang muling suriin natin ang ilang kilalang ebidensiya. Ano ba ang Isang “Likas na Kapahamakan”? Nang isang lindol ang sumalanta sa Tangshan, Tsina, at 242,000 katao ang nasawi ayon sa opisyal na ulat ng mga Intsik, at nang ang Hurricane Andrew ay tumama sa South Florida at sa Louisiana sa Estados Unidos at naging sanhi ng pinsalang umaabot sa bilyun-bilyong dolyar, ang gayong likas na mga kapahamakan ay naging paulong-balita sa daigdig. Gayunman, ano kung ang lindol na iyon ay tumama sa walang katau-taong Gobi Desert, 1,100 kilometro sa hilagang-kanluran ng Tangshan, o ano kung umiba ng direksiyon ang Hurricane Andrew at naubos ang lakas nito samantalang nasa dagat, na nilampasang lubusan ang lupain? Bihira nang maaalaala pa ang mga ito ngayon. Maliwanag, kung gayon, na pagka ang pinag-uusapan natin ay likas na mga kapahamakan, ang ating tinutukoy ay hindi lamang ang madulang mga pagtatanghal ng mga puwersa ng kalikasan. Taun-taon ay may libu-libong lindol, malalakas at mahihina, at maraming bagyo, ipuipo, pagputok ng mga bulkan, at iba pang mararahas na pangyayari na nagiging lumipas na mga pag-uulat na lamang. Subalit, pagka ang gayong mga pangyayari ay sanhi ng maraming napahamak na buhay at mga ari-arian at nasira ang karaniwang takbo ng buhay, ang mga ito ay nagiging mga kapahamakan. Dapat pansinin na ang kapinsalaan at ang mga nawala bunga niyaon ay hindi laging katumbas ng likas na mga puwersang kasangkot. Ang pinakagrabeng kapahamakan ay hindi laging likha ng pinakamalakas na pagtatanghal ng mga puwersa ng kalikasan. Halimbawa, noong 1971 isang lindol na may lakas na 6.6 sa Richter scale ang tumama sa San Fernando, California, Estados Unidos, at 65 katao ang nasawi. Makalipas ang isang taon isang 6.2 lindol sa Managua, Nicaragua, ang pumatay ng 5,000 katao! Sa gayon, kung tungkol sa tumitinding kalupitang mamuksa ng mga puwersa ng kalikasan, ang dapat nating itanong ay, Ang mga puwersa ba ng kalikasan ay naging lalong matitindi? O mayroon bang bahagi ang mga tao sa suliranin? Sino ang May Kagagawan? Sa Bibliya ay ipinakikilala ang Diyos na Jehova bilang ang Dakilang Maylikha ng lahat ng bagay, kasali na ang mga puwersa ng kalikasan ng lupang ito. (Genesis 1:1; Nehemias 9:6; Hebreo 3:4; Apocalipsis 4:11) Hindi ibig sabihin na kaniyang pinapangyayari ang bawat galaw ng hangin o bawat pag-ulan. Bagkus, siya’y naglagay ng mga batas na umuugit sa lupa at sa palibot nito. Halimbawa, sa Eclesiastes 1:5-7, mababasa natin ang tungkol sa tatlong pangunahing mga batas na kumikilos upang maging posible ang buhay sa lupa—ang araw-araw na pagsikat at paglubog ng araw, ang di-nagbabagong paggalaw ng hangin, at ang siklo ng tubig. Sa namamalayan man o hindi ng sangkatauhan ang mga ito, sa libu-libong taon ang likas na mga sistemang ito, at ang iba pang katulad ng mga ito, na may kinalaman sa klima, heolohiya, at ekolohiya ng lupa ay umiiral na. Sa katunayan, ang sumulat ng Eclesiastes ay tumatawag ng pansin sa malaking pagkakaiba sa pagitan ng di-nagbabago at walang-katapusang mga paraan ng paglalang at ang panandalian at pansamantalang kalikasan ng buhay ng tao. Si Jehova ay hindi lamang siyang Maylikha ng mga puwersa ng kalikasan kundi siya rin ay may kapangyarihang supilin ang mga ito. Sa buong Bibliya ay makakakita tayo ng mga paglalahad tungkol sa pagsupil o paggamit ni Jehova sa gayong mga puwersa upang tuparin ang kaniyang layunin. Kasali na rito ang paghati sa Mapulang Dagat noong kaarawan ni Moises at ang pagpapahinto sa araw at buwan sa kanilang mga landas na tumatawid sa kalangitan noong panahon ni Josue. (Exodo 14:21-28; Josue 10:12, 13) Si Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos at ang ipinangakong Mesiyas, ay nagtanghal din ng kaniyang kapangyarihan sa mga puwersa ng kalikasan, halimbawa, nang kaniyang patahimikin ang isang bagyo sa Dagat ng Galilea. (Marcos 4:37-39) Ang mga pag-uulat na katulad ng mga ito ay nagbibigay-katiyakan na ang Diyos na Jehova at ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay lubusang may kapangyarihan sa lahat ng bagay na may epekto sa buhay dito sa lupa.—2 Cronica 20:6; Jeremias 32:17; Mateo 19:26. Yamang iyan ay totoo, mapananagot ba natin ang Diyos para sa ibayong pinsala at pagkawasak na resulta ng likas na mga kapahamakan kamakailan? Upang masagot ang tanong na ito, una’y kailangan munang isaalang-alang natin kung may ebidensiya na ang mga puwersa ng kalikasan ay naging labis na mas matitindi kamakailan, marahil hindi na masupil. Sa bagay na ito, pansinin ang sinasabi ng aklat na Natural Disasters—Acts of God or Acts of Man?: “Walang ebidensiya na ang mga mekanismo sa klima na may kaugnayan sa mga tagtuyot, baha at mga ipuipo ay nagbabago. At walang heyologo na nagsasabing ang mga paggalaw ng lupa may kaugnayan sa mga lindol, bulkan at tsunami (mga alon ng lindol) ay nagiging lalong matitindi.” Gayundin, ganito ang puna ng aklat na Earthshock: “Ang mga batuhán sa bawat kontinente ay may taglay na rekord ng di-mabilang na malalaki at maliliit na heyolohikong mga pangyayari, bawat isa sa mga ito ay magiging isang kapaha-pahamak na sakuna sa sangkatauhan kung sakaling nangyari ngayon—at tinitiyak ng siyensiya na ang gayong mga pangyayari ay magaganap nang paulit-ulit sa hinaharap.” Sa ibang pananalita, ang lupa at ang dinamikong mga puwersa nito ay humigit-kumulang nanatiling walang pagbabago sa buong panahong nakalipas. Sa gayon, magpahiwatig man o hindi ang ilang estadistika ng pagdami ng ilang anyo ng heyolohiko o iba pang aktibidad, ang lupa ay kontrolado pa rin at hindi naging mapusok sa pamiminsala noong nakalipas na mga panahon. Kung gayon, ano ang dahilan ng napakalimit at pinsalang nagagawa ng likas na mga kapahamakan na nababasa natin? Kung ang mga puwersa ng kalikasan ay hindi siyang masisisi, baka ang masisisi ay ang mga tao na rin. Oo, at kinikilala ng mga awtoridad na dahilan sa kagagawan ng tao, ang ating kapaligiran ay kapuwa madaling maapektuhan ng likas na mga kapahamakan at lalong madaling mapinsala. Sa mga bansang nagpapaunlad, dahilan sa kakapusan sa pagkain ay napipilitan ang mga magsasaka na abusuhin ang lupang kanilang sinasaka o hawanin ang kagubatan upang mapagsakahan pagkatapos. Ang resulta nito ay ang malubhang pagkaagnas ng lupa. Ang lumalaking populasyon ay sanhi rin ng mabilis na pagdami ng mga barung-barong at mga bayan-bayanan ng mga barung-barong na walang pakundangang itinayo sa mga lugar na hindi ligtas tirahan. Maging sa lalong maunlad na mga bansa, ang mga tao, tulad ng angaw-angaw na naninirahan sa kahabaan ng San Andreas Fault sa California, ay kusang naghantad ng kanilang sarili sa panganib sa kabila ng malinaw na mga babala. Sa gayong mga kalagayan, pagka isang pambihirang pangyayari—isang bagyo, baha, o lindol—ay naganap, ang kapahamakan ba na bunga nito ay talagang matatawag na “likas”? Isang karaniwang halimbawa ang tagtuyot sa African Sahel. Ang karaniwang pagkakilala natin sa tagtuyot ay ang kakulangan ng pag-ulan o ng tubig, na humahantong sa taggutom, gutom, at kamatayan. Subalit ang malawak na taggutom at gutom na umiiral sa lugar na iyon ay dahilan lamang ba sa kakulangan ng tubig? Ganito ang sinasabi ng aklat na Nature on the Rampage: “Ang ebidensiyang natipon ng mga ahensiya sa siyensiya at kawanggawa ay nagpapakita na ang kasalukuyang kakapusan sa pagkain ay nagpapatuloy hindi gaanong dahilan sa mahabang tagtuyot kundi lalung-lalo na sa matagal nang pag-aabuso sa lupa at sa pinagmumulan ng tubig. . . . Ang patuloy na paglawak ng disyerto sa Sahel ay sa kalakhang bahagi kagagawan na ng tao.” Isang pahayagan sa Timog Aprika, ang The Natal Witness, ay may ganitong puna: “Ang taggutom ay hindi tungkol sa kawalan ng pagkain; ito ay tungkol sa kawalan ng gamit upang makakuha ng pagkain. Sa ibang pananalita, iyon ay tungkol sa karalitaan.” Ganiyan din naman ang masasabi kung tungkol sa kalakhang bahagi ng pagkawasak na bunga ng ibang mga kapahamakan. Ipinakita ng mga pag-aaral na ang mga bansang maralita ay dumaranas ng di-katugmang nakatataas na dami ng nangamatay buhat sa likas na mga kapahamakan kaysa mas mayayamang bansa ng daigdig. Halimbawa, mula noong 1960 hanggang 1981, sang-ayon sa isang pag-aaral, ang Hapón ay nagkaroon ng 43 lindol at iba pang mga kapahamakan at 2,700 ang nangasawi, anupat nagkaroon ng sa katamtaman ay 63 nasawi sa bawat kapahamakan. Sa yugto ring iyan ng panahon, ang Peru ay nagkaroon ng 31 kapahamakan na may 91,000 nasawi, o 2,900 sa bawat kapahamakan. Bakit may pagkakaiba? Ang likas na mga puwersa ay maaaring naging sanhi, subalit ang gawa ng tao—panlipunan, pang-ekonomiya, pampulitika—ang may pananagutan sa malaking agwat sa pagkawala ng buhay at pagkawasak ng mga ari-arian. Ano ang mga Solusyon? Ang mga siyentipiko at mga eksperto ay maraming taon nang nagsumikap upang humanap ng mga paraan para mapagtagumpayan ang likas na mga kapahamakan. Kanilang sinusuri ang kailaliman ng lupa upang maunawaan kung bakit nagkakaroon ng mga lindol at pagsabog ng mga bulkan. Sa tulong ng mga space satellite kanilang inoobserbahan ang mga lagay ng panahon upang masubaybayan ang mga landas na dinaraanan ng mga ipuipo at ng mga bagyo o mahulaan ang pagdating ng mga baha at tagtuyot. Lahat ng pananaliksik na ito ay nagbigay sa kanila ng impormasyon na inaasahan nilang tutulong upang mabawasan ang epekto ng mga puwersang ito ng kalikasan. Nagbunga ba ng mabuti ang ganitong mga pagsisikap? Tungkol sa ganitong uri ng magastos, modernong mga paraan ng teknolohiya, isang organisasyon na tagapagmasid sa likas na kapaligiran ay may ganitong puna: “Ang mga ito ay mayroong kanilang dako. Subalit kung ang mga ito ay gumugugol ng napakalaking halaga at pagod—kung ang mga ito’y nagsisilbing isang pagdadahilan upang ipagwalang-bahala ang mga panganib na ginawang bahagi ng mga lipunan ng mga biktima na nagpapalubha pa sa mga kapahamakan—kung magkagayo’y gumagawa ang mga ito ng mas malaking pinsala kaysa kabutihan.” Halimbawa, samantalang kapaki-pakinabang na malaman na ang baybaying-dagat ng Bangladesh ay laging pinagbabantaan ng mga baha at mga daluyong sa dagat, ang kaalamang ito ay hindi nakapigil upang ang angaw-angaw na mga taga-Bangladesh ay pilit na patirahin doon. Ang resulta ay paulit-ulit na kapahamakan na ang bilang ng nasasawi ay umaabot sa daan-daang libo. Maliwanag, ang impormasyong dulot ng teknolohiya ay makatutulong lamang sa limitadong paraan. Ang isa pang bagay na kailangan ay ang kakayahan na alisin ang mga kagipitan na siyang dahilan kung bakit ang mga tao ay walang ibang mapagpilian kundi ang manirahan sa mga lugar na lalo nang nakalantad sa mga panganib o mamuhay sa mga paraan na sumisira sa kapaligiran. Sa ibang pananalita, upang mabawasan ang pinsalang likha ng kalikasan, kakailanganin ang lubusang pagbabago ng panlipunan, pang-ekonomiya, at pulitikal na pamamalakad na pinamumuhayan natin. Sino ang makagagawa niyan? Tanging ang Isa na nakasusupil kahit na sa mga puwersa na pinagmumulan ng likas na mga kapahamakan. Napipintong mga Gawa ng Diyos Ang Diyos na Jehova ay hindi lamang makikitungo sa mga sintoma kundi bubunutin niya ang ugat na pinagmumulan ng paghihirap ng tao. Kaniyang wawakasan ang sakim at mapang-aping mga sistemang pulitikal, komersiyal, at relihiyoso na ‘dominado ang tao sa kaniyang ikapipinsala.’ (Eclesiastes 8:9) Sinumang may malaking kaalaman sa Bibliya ay makapapansin na sa mga pahina nito ay may maraming hula na tumutukoy sa panahon na kikilos ang Diyos upang alisin sa lupa ang kabalakyutan at pagdurusa at upang ibalik ang isang makalupang paraiso ng kapayapaan at katuwiran.—Awit 37:9-11, 29; Isaias 13:9; 65:17, 20-25; Jeremias 25:31-33; 2 Pedro 3:7; Apocalipsis 11:18. Iyan, sa katunayan, ang itinuro ni Jesu-Kristo sa lahat ng kaniyang mga tagasunod na ipanalangin, samakatuwid nga, “Dumating nawa ang kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Aalisin at papalitan ng Mesiyanikong Kaharian ang lahat ng di-sakdal na pamamahala ng tao, gaya ng inihula ni propeta Daniel: “Sa mga kaarawan ng mga haring yaon ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kahariang iyon ay hindi ibibigay sa ibang bayan. Dudurugin at wawasakin niyaon ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.”—Daniel 2:44. Ano ba ang gagawin ng Kaharian ng Diyos na hindi magawa ng mga bansa ngayon? Ang Bibliya ay nagbibigay ng isang kabigha-bighaning patiunang silahis ng mga bagay na darating. Imbes na mga kalagayan na inilarawan sa mga pahinang ito, gaya ng gutom at karalitaan, “magkakaroon ng saganang trigo sa lupa; aapaw sa taluktok ng mga bundok,” at “ang punungkahoy sa parang ay magbubunga, at ang lupain mismo ay magbibigay ng kaniyang ani, at sila’y tatahan sa kanilang lupain nang may katiwasayan.” (Awit 72:16; Ezekiel 34:27) Tungkol sa likas na kapaligiran, ang Bibliya ay nagsasabi sa atin: “Ang ilang at ang tuyong lupa ay sasaya, at ang ilang ay magagalak at mamumulaklak na gaya ng rosa. . . . Sapagkat sa ilang ay bubukal ang tubig, at magkakailog sa malawak na disyerto. At ang buhanginang kumikislap ay magiging lawa, at ang uhaw na lupa ay mga bukal ng tubig.” (Isaias 35:1, 6, 7) At mawawala na ang mga digmaan.—Awit 46:9. Kung papaano gagampanan lahat iyan ng Diyos na Jehova, at kung papaano niya gagamitin ang lahat ng puwersa ng kalikasan upang ang mga ito ay hindi na pagmulan ng anumang kapinsalaan, hindi sinasabi ng Bibliya. Gayunman, ang tiyak ay na lahat ng namumuhay sa ilalim ng matuwid na pamahalaang iyon ay “hindi gagawa ng walang kabuluhan, o manganganak man para sa kasakunaan; sapagkat sila ang lahi ng mga pinagpala ni Jehova, at ang kanilang mga anak na kasama nila.”—Isaias 65:23. Sa mga pahina ng magasing ito, gayundin sa ibang publikasyon ng Samahang Watch Tower, paulit-ulit na binabanggit ng mga Saksi ni Jehova na ang Kaharian ng Diyos ay itinatag sa langit noong taóng 1914. Sa ilalim ng patnubay ng Kahariang iyan, isang pangglobong patotoo ang naibigay na sa loob ng halos 80 taon, at sa ngayon tayo ay papasók na sa ipinangakong “mga bagong langit at isang bagong lupa.” Palalayain ang sangkatauhan hindi lamang buhat sa mga pananalanta ng likas na mga kapahamakan kundi pati na rin sa lahat ng sakit at pagdurusa na sumasalot sa sangkatauhan sa nakalipas na anim na libong taon. Tungkol sa panahong iyon ay tunay na masasabi, “ang mga dating bagay ay naparam na.”—2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:4. Subalit, kumusta naman ngayon? Kumikilos ba ang Diyos alang-alang sa mga nasa kagipitan dahil sa likas na mga pangyayari o sa ibang paraan? Tiyak na gayon nga subalit hindi laging sa paraan na inaasahan ng karamihan ng tao.
Posted on: Wed, 13 Nov 2013 16:25:04 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015