MAHAL KONG MAKASALANAN Page 138-50 By Gilda Olvidado HUMIRIT pa - TopicsExpress



          

MAHAL KONG MAKASALANAN Page 138-50 By Gilda Olvidado HUMIRIT pa ang babaing news anchor si Isabel Adjani tungkol sa issue ng bank run sa GOM Savings Bank. Para namang sinadyang sabay pa itong napanood ni Glenna na nasa bahay at ng mag-amang Anton at Jerome na nasa mansiyon. Sa national television ay nasaksihan at narinig si Isabel Adjani sa kanyang komentaryo. “Bakit nga ba hindi magkaka-bank run e nabulgar na sa depositors ang gross negligence ng GOM Savings Bank? It was all over the newspapers. It is a mortal sin as far as banking is concerned. Walang puwang sa mundo ng pagbabangko ang malaking pagkakamali laluna sa cash deposits!” Nais batuhin ni Anton Fuego ang telebisyon; galit na galit ang chairman and CEO ng GOM Savings Bank. “Bakit tayo lang ang dinikdik ng ulul na news anchor na ‘yan, ha, Jerome? Bakit hindi binabanggit si Glenna Alonzo? Nabayaran ba siya ng kampo ng girlfriend mo, ha, son?” “Respetableng media practitioner si Isabel Adjani, Papa. Hindi siya AC or Attack and Collect. Hindi rin siya DC or Defend and Collect.” Pero namumula na rin sa galit si Jerome. SI GLENNA ay luhaan, minumura si Isabel Adjani. “Gaga, tanga, mabulunan ka sana para tigok ka na! Kulang sa depth ang analysis mo! Napakababaw. Nag-rely ka lang sa report ng diyaryo! “Dapat ay ako ang mas idiniin mo sa halip ang bangko lang! Kung naging honest ako at isinoli agad ang pera nang matahimik, wala sanang nabulgar! Hindi sana nasira ang reputasyon ng bangko nina Jerome! Gaga ka at tanga, Isabel Adjani!” mahabang sabi ni Glenna. Kasunod ay humagulhol ang dalagang taga-Bambang. “Paano na tayo, Jerome? Ganitong nasira ko kayo nang hindi sinasadya? Our planned marriage is doomed.” Nag-iisa sa bahay si Glenna nang mga sandaling ito. Wala siyang mahingahan ng problema. Hindi pa pala tapos ang komentaryo ni Isabel Adjani sa telebisyon. “Pero if I may say so, mga kapamilya at kapuso, kung meron mang dapat ding ipako sa krus sa pangyayaring ito iyon ay walang iba kundi ang babaing hindi naging honest, ang babaing nag-imbot sa sampung milyong pisong computer error walang iba kundi si Glenna Alonzo ng Bambang! Nakakahiya sa lahing Pilipina ang dalagang ito. May her tribe decrease!” Click. Pinatay ni Glenna ang power ng TV set. Ibinato niya ang remote control sa dingding. Kraa-aak. At lalo siyang humagulhol, habag na habag sa sarili; dama niyang wala siyang kakampi sa mundo sa mga sandaling ito. Kriingg…druuungg. Nag-ringtone ang kanyang cellphone. Nabasa niya ang caller, alam na nagmamahal pa rin ito. “Amparing, hello? Oo… kailangan kita, friend. Dalian mo. Muling napaiyak si Glenna. “Hu-hu-huuu.” PERO bago pa nakarating kay Glenna ang kaibigang si Amparing, nag-ring ang cellphone ng dalagang taga-Bambang. Nanlaki ang mata ni Glenna. Kahapon pa niya hinihintay ang tawag man lang ng lalaking pinakamamahal. “Jerome, thank God you called.” “Galit na galit si Papa sa pagkakadiyaryo ng tungkol sa computer error. Sinabayan pa ng nakaiiritang komentaryo ni Isabel Adjani. Gusto niyang batuhin sa inis ang TV set. Pero pinapayapa ko siya, Glenna. I told him everything will come to pass; babalik sa tama ang lahat…But he won’t listen.” “Dapat lang namang mag-react siya nang galit, Jerome. After all, your bank was not built in a day. Ako ang mamatay-matay na sa hiya…” “Pupuntahan agad kita as soon as possible, Glenn. Hindi ko pa lang maiwan si Papa. Tumataas ang BP niya, e. Pero under medication na.” “Natitiyak kong ang turing niya sa akin ay…malas. Na ako ay born loser. Tama lang naman, e.” Napapaluha lalo si Glenna. “Glenn, ano ba? Huwag kang malupit sa sarili mo. Dedma lang dapat. At kung sakaling may mag-i-interview sa iyo, siguro’y huwag na lang…let the issue die down.” Napabuntunghininga ang dalaga. “Pero, Jerome…mas okay nga kung mai-interview ako. Dahil maitutuwid ko ang mga maling balita. Maipagtatanggol ko ang inyong bangko.” “No, no, Glenna. Lalo lamang lalaki ang isuue; lalong mapo-focus sa bangko namin ang puna at pintas at disgusto ng mga kliyente. Huhulaan ko nang mangongonti ang aming depositors.” “Hindi ako sanay na tumatahimik, madaldal ako talaga, Jerome…Gusto kong dakdakan ang mga naninira sa atin. Gusto ko rin silang pagmumurahin at pagsasampalin!” Napaigtad sa kabilang dulo ng linya si Jerome. Hindi pa rin siya nasasanay sa katarayan ng mapapangasawa. “Glenn, please…let’s be civilized at all times.” Naalala na naman ni Glenna ang agwat nila ng mayamang binata. Si Jerome ay nasa daigdig ng mga edukadong tao na sabihin pa ay ‘civilized’ kumpara sa kapwa niya mahihirap na karaniwang ‘magagaspang’ ang ugali. “Ugaling unggoy ba ako?” “Glenna, I love you…hindi ka ugaling unggoy. I’ll be seeing you soon. Pinapayapa ko nga lang ang papa ko.” “Matutuloy ba ang ating kasal? Pakakasal ka sa isang makasalanan?” “Yes, yes, yes, Glenna! Walang makahahadlang sa ating kasal!” May hahadlang pala. Nasa labas na ng pinto, lumikha ng bahagyang ingay ang mga paa. Kriik. “Amparing…ikaw na ba iyan?” Hindi ang kaibigan. Dalawang lalaking nakamaskara ng mukha ni Mickey Mouse, may baril. Dinukot agad si Glenna. “HELLO, Glenna? Ano’ng nangyayari diyan? Sino’ng dumating?” tarantang tanong ni Jerome sa telepono, ramdam na may masamang nagaganap. Duda niya’y nabigla ng kung sino si Glenna. Pero nakasampung hello na yata siya ay wala na talagang sumagot. Dinig niya ang commotion, ang ingay ng tila lagabugan. Blug-dug. Krass. Iskreek. Blag. “Glenna? Hello? Ano’ng nangyayari diyan?” SI GLENNA ay nabusalan na ng bibig, napiringan na rin sa mata. Halos kaladkad siya ng dalawang lalaking nakamaskara ng Mickey Mouse, patungo sa naghihintay na van. Walang dudang siya ay nais dukutin ng mga ito kahit araw na araw. Bakit naman kasi nagkataon pang walang mga kapitbahay na nakapansin sa nagaganap. Naisakay sa van si Glenna. Saglit pa’y mabilis nang palayo ang sasakyang tangay na siya. BRUUUUMMM Kinontak agad ni Jerome saa cellphone ang dalaga. Pero sabi ng server ‘the number you dial is either unattended or cannot be reached at the moment. Try your call later… ’ Namutla na sa labis na kaba ang binatang mayaman. Hula niya’y may nangyaring masama sa nobya. “GLENNATOT? Yuhuuu! Narito na ang iyong shoulder to cry on! Hello!” panay ang tawag ni Amparing. Minarapat nang pumasok sa bahay ng kaibigan. “Nasa banyo ka ba, friend?” Natural na walang sumasagot. Pero kung matinik si Amparing, mapapansin niyang gulo ang mga bagay-bagay sa munting salas. At ang telepono ay nakabitin, naka-hang literally. “Aba…?” Nakita ni Amparing ang gulong mga gamit pati ang nakabitin-umuugoy na telepono. “G-Glenna…?” HUMAHAGULHOL si Amparing at taranta ang mga kapatid ni Glenna nang dumating si Jerome sa bahay ng nobyang taga-Bambang. “Si Glenna, may nakakitang mga bata…dinukot daw, Jerome,” luhaang sabi ni Ate Mila. “Hindi ko na inabot ang kaibigan ko. Masamang-masama ang loob niya sa mga pangyayari, alam ko…” sabi ni Amparing, wala namang partikular na kausap. Nagtagis ang mga ngipin ng binatang mayaman. Dalawa agad ang naisip na posibleng dumukot kay Glenna. “Kundi si Raizo ay tiyak na si Naty,” napopoot na sabi ni Jerome, thinking aloud. “I could kill them!” “Pamilyar kami kay Atorni Raizo, Jerome. Pero sino naman si Naty? Bakit siya suspect?” naguguluhang tanong ni Kuya Noel. Halos bulong ang sagot ni Jerome, tikom ang mga kamao. “Siya ang babaing labis ang selos kay Glenna…”. SI GLENNA ay sakay ng van pero walang ideya kung nasaan nang lugar. Nakapiring ang kanyang mga mata at may busal ang bibig. Nakatali ang kanyang mga kamay. Bale ba ay nakapambahay lang siya ng bestida, hindi nagsuot ng bra dahil naiinitan. Kung gayo’y showtime na ba siya sa masasamang loob na dumukot sa kanya? Nakikitaan na siya? Nakasuot pa rin ng maskarang Mickey Mouse ang dalawang dumukot kay Glenna habang tuloy sa pagtakbo ang sasakyan. At hindi rin sila nag-uusap. Professional ang dalawang ito. Ayaw man lang magbigay ng hint sa kanilang biktima kung ano ang boses nila. Pero salbahe sila, laluna sa magandang babae. “Uummppp! Ammmppp!” impit na tili-sigaw ni Glenna. Kasi’y hinipuan siya ng boobs at hita ng bantay na lalake. Nanipa siya pero hindi tumama. Mali, hindi siya dapat nanipa habang nakaupo sa lapag ng van. Lalo tuloy nakita ang kanyang kaseksihan. Hindi na naman inulit ng bastos na lalake ang panghihipo. Pero ang mga mata nito ay nakatutok sa kaseksihan ni Glenna; namemorize na yata ang ‘upper and lower assets ’ ng dalagang bihag, Si Glenna ay pinairal ang presence of mind. Tinatantiya niya nang lihim ang haba ng kanilang paglalakbay. Malayung-malayo na sila sa Bambang, hula niya. Nais magpanic ni Glenna. Sa labas ba ng Metro Manila ang kanilang pupuntahan? Narinig niya ang busina ng mga sasakyan. Pati na ang ingay ng mga tao sa paligid. Napansin siya ng katabing bantay. Bago pa nakapalag si Glenna ay tinakpan na rin nito ang kanyang mga tainga. Tinalian ng bandana mula sa ibabaw ng ulo patuloy sa baba. Kung pagmamasdan tuloy si Glenna, siya ay mukhng magandang bangkay na ayaw magpalibing at panay ang piglas. Sipa rin nang sipa na gustung-gusto naman ng bantay dahil nasisilipan ang bihag. Hanggang sa napagod na sa pagsipa at pagpiglas si Glenna. Umiiyak na mura na lang nang mura sa sarili, sa isip lamang. “Mga impakto kayo, mga duwag! Kababae kong tao ay takot na takot kayo! Kapag nakawala ako, pagpapapatayin ko kayo! Puputulan ko kayo, mga duwakang!” Makaraan pa ang sa tantiya ni Glenna ay isang oras, pumasok sa kung anong bakuran sa kung saan ang van. Sa tagal ng tuluy-tuloy namang biyahe, hula ni Glenna ay nasa labas na sila ng Metro Manila. Baka nasa Cavite na o kaya ay sa Bulacan. Mali. Si Glenna ay nilito lamang ng mastermind. Ang safe house na pinagdalhan sa dalaga ay isang bloke lang ang layo sa Bambang. MAGING ang ama ni Jerome, si Anton Fuego, ay nakahiging sa balita. “Ano’ng narinig kong kinidnap si Glenna?” “Oho, Papa…sorry na nagkakakabit-kabit ang mga problema. Ganitong si Glenna ay nawawala, tiyak na lalong mauugnay sa balita ang inyong bangko…” “Ating bangko, Jerome. Tama ka, hindi pa nga tayo nakakagawa ng damage control tungkol sa computer error, heto, sinabayan pa ng pagdukot kay Glenna.” Napapailing si Anton. “Mabuti na lang at matatag ang ating pananalapi sa GOM Savings. Kung nagkataon at hindi, tiyak na magsasara tayo nang wala sa panahon.” “Kailangan ko ang address ni Attorney Raizo, Papa.” “Siya ang prime suspect mo, iho?” “Sila ho ni…Naty…” “Ang babaing bulgar na kapit-tuko sa iyo before you got engaged with the girl from Bambang…” sabi ni Anton, hindi naman mabakas sa tinig ang disgusto sa babaing taga-Bambang, na kailan lang ay ihinayag pa niya sa publiko ang nalalapit na kasal kay Jerome. Posible ring itinatago na lang nito ang inis at suklam kay Glenna, kung meron man. “Oho, si Naty nga iyon.” “Devastated ka ba sa nangyari sa kanya?” “K-kay Naty, Papa?” “Kay Glenna, son. Nakidnap ang babaing pakakasalan mo.” “Kaya nga personal ko siyang hahanapin at ililigtas sa dalawang taong sinabi ko.” “Bakit ikaw? Superhero ka ba? Hindi tinatablan ng bala? Iparte mo sa pulisya.” Halatang inis ang chairman/CEO ng GOM Savings Bank. “Sa totoo lang, ayokong mawalan ng anak dahil lang sa wala sa lugar na pagpapakabayani.” Nais umulos ni Jerome ng matinding salita sa ama. Pero nagtimpi ang binata, alam na pareho lang silang talo ng ama kapag siya ay sasagot pa. Heto nga’t kalalabas lang ng ama sa ospital, ayaw niyang ma-agitate pang lalo. NAKUHA ni Jerome ang latest address ni Attorney Raizo, agad itong pinuntahan dala ang kotse. Sa pagitan ng abugado at ni Naty, mas malakas ang kutob ni Jerome na ang una, si Attorney Raizo, ang higit na dapat na usigin. Pero hindi siya pinapasok sa bakuran ng abugado. Tinaliman pa nga siya ng tingin ng mga security guard. Naalala niya ang sabi ng ama siya ba ay superhero na hindi tinatablan ng bala? “Hindi ka pulis na may search warrant para makapasok dito, bosing! Huwag mong ipagmalaking ikaw e abugado rin! Basta bawal ka rito!” pasupladong sabi ng sekyu, hawak ang baril. ABUGADO ka ‘ka mo, bosing, pero hindi mo alam ang batas?. Hindi ka basta puwedeng pumasok sa isang bahay kapag walang permiso ng may-ari. Bawal ka kay Attorney Raizo!” dagdag pa ng chief security guard, hawak ang baril na mahaba, inis na sa kakulitan ni Jerome. “Naka-specify sa listahan namin na isa ka sa mga taong hindi kailanman papapasukin kung wala siyang approval,” dagdag ng pangalawang sekyu, handa rin ang baril na kalawangin na. “Pati kayo’y kakasuhan ko ng obstruction of justice kapag napatunayan kong dito itinatago ang girlfriend ko!” balik ni Jerome, nagbabanta. “Malilintikan kayo ng amo ninyo!” “Kinidnap ang girlfriend mo at si Atorni ang suspect mo? Aba’y ikaw ang lagot, bosing! Bukod sa walang nakatagong kidnap victim dito, sinisira mo pa ang reputasyon ni Atorni! Libel and character assasination ‘yan!” salag ng chief security, siguro’y nakakuha ng pre-law kaya may alam sa batas kahit paano. Namula sa galit at pagkapahiya si Jerome., alam na may punto ang kausap na sekyu. Naunawaan ng bagong abugado na tabingi nga ang kanyang approach. BROOOMM. Gigil niyang pinatakbo palayo doon ang kanyang kotse, nagpupuyos pa rin sa galit. At labis nang nag-aalala sa kalagayan ni Glenna. “Where are you? Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag ni-rape ka nila, Glenn!” SI GLENNA ay nasa basement ng ewan kung saang bahay. Walang kaalam-alam ang dalaga na siya ay hindi sa malayo dinala ng mga kumidnap; na siya ay ilang bloke lang ang layo sa bahay niya sa Bambang... Magaling ang mastermind. Sino nga ba ang maghihinala na ang biktima ay nasa tabi-tabi lang pala? Ang unang paghahanapan ng mga awtoridad, siyempre, ay ang mga kalapit-probinsya. Kung wala rin lang mentalidad ng isang Sherlock Holmes ang mga awtoridad, hindi mag-iisip ang mga ito na maghanap sa malapit sa pinagkidnapan. Kulong na kulong ang basement, naka-electric fan lang si Glenna. Nakatali pa rin ang mga kamay niya, libre ang mga paa. Nababantayan siya ng isang lalaking nakamaskara pa rin ng Mickey Mouse. Ayaw nang isipa ni Glenna ang mga paa, alam nang siya ay nasisilipan tuwing igagalaw ang mga paa. Kumbakit kasi siya ay nakapambahay na bestida nang makidnap; wala pang bra sa spaghetti-strap dress na malalim ang uka sa neckline, masisilip pati mga ‘yaman’ niya. “Magkakuliti ka sana! Alam kong namboboso ka! Manyakis!” sigaw ni Glenna sa bantay. “Ipakita mo ang mukha mo, huwag kang duwag!” Nanatiling cool lang ang bantay, pero nag-dirty finger sign pa kay Glenna. Lalong nagalit ang huli. ANG BALITA tungkol sa pagkidnap kay Glenna ay nakarating na sa mga diyaryo, radyo at telebisyon. “Mga kapuso at kapamilya at kabayan nakidnap po si Glenna Alonzo, ang dalagang taga-Bambang na nagkaroon ng sampung milyong piso dahil sa computer error ng bangko! Hindi po honest ang babaing ito dahil bukod sa itinago ang pera at ayaw isoli sa bangko, ginasta pa, mga kapamilya, kapuso at kabayan…” walang hingahang pagbabalita ni Pyke Gutierrez sa Balitang Telebisyon. “Pero ang matindi po, si Glenna Alonzo ay nagustuhan pa ng anak mismo ng bangko si Jerome Fuego. Katunayan ay ihinayag na kamakailan ni Anton Fuego, CEO at chairman ng bangko, sa publiko ang nalalapit na kasal ni Glenna sa anak nito. Mantakin n’yo ‘yan, mga kabayan, kapuso at kapamilya! Naging mapag-imbot na, inibig pa ng mismong anak ng pinagnakawan ng sampung milyon!” KLIK. Gigil na pinatay ni Ate Lulu ang television set. Galit na galit siya kay Pyke Gutierrez. “Hindi na lang kasi basta magbasa ng balita, sinasabayan pa ng maling komentaryo!” Walang imik ang iba pang kapatid at kaanak ni Glenna. Nagpupulong ang mga ito, wala pang maisip na paraan para iligtas si Glenna. “Bakit wala man lang ransom note? Buong akala kasi ng mga kumidnap, si Glenna ay hawak pa ang sampung milyon. Hindi naman kasi ipinamalita ni Glenna na naisoli na niya sa GOM Savings ang napakalaki pang halagang hindi pa nagagalaw!” pahayag ni Kuya Ernesto. “Wala naman kasing press release man lang mula sa kampo nina Jerome, na si Glenna ay hindi na dapat ikondena dahil isinoli na ang higit sa siyam na milyong piso…” napapailing na sabi naman ni Kuya Noel. Ganito rin mismo ang sentimyento ng iba pang kapatid at kaanak. Nasira raw agad ang reputasyon ni Glenna nang walang kalaban-laban. “Huwag reputasyon ang unahin natin, mga kapatid,” sabi ni Kuya Manuel. “Sa mga sandaling ito, hindi natin alam kung si Glenna ay na-rape o napatay na ng mga kidnapper!” “Naku, huwag naman, Kuya Manuel! Buhay pa si Glenna at hindi siya pare-rape nang buhay!” tarantang sabi ni Ate Lulu. Nasa tabi sila ng telepono, naghihintay sa pagkontak ng mga nangidnap kay Glenna. Pangatlong araw na mulang dukutin ang dalaga. “Gumagawa naman ng paraan si Jerome na maresolba ang pangyayari. Dapat siguro ay sabayan natin ng dasal,” mungkahi ng palasimbang si Ate Mila. “Huwag nating kalimutang humingi ng awa sa Diyos para sa kaligtasan ni Glenna.” ‘DARATING na ang mastermind.’ Ito mismo ang nakasulat sa notebook na ipinabasa kay Glenna ng bantay. Uminit ang dugo ni Glenna, nais niyang patayin ang mastermind sinuman ito! “HAHARAPIN ko ang mastermind! Hindi ako takot sa kanya!” sigaw ni Glenna matapos malamang padating na ang utak ng pagdukot sa kanya. Tango at palakpak ang tugon ng bantay, nakamaskara pa ring Mickey Mouse, pati boses ay ayaw gamitin takot na makilala ng bihag. “Huhulaan ko kung sino! Kung hindi si Raizo, tiyak na si Naty!” sigaw na naman ni Glenna, sa galit ay naibuka ang mga hita. Lalong nangigil, naunawaang nabosohan na naman siya ng bantay. “Manyakis! Mabulag ka na sana!” KAUGNAYAN na ni Jerome ang mga awtoridad. Tahimik nang sinusuyod ang posibleng pinagdalhan kay Glenna. Pero walang makuhang search warrant ang mga naghahanap. Hanggang surveillance lang ang kayang gawin. Ang dalawang suispects sina Attorney Raizo at Naty ay parehong hindi matagpuan. Aywan kung sadyang umiiwas sa batas. Nasa Hong Kong daw si Naty. Si Raizo ay out-of-town, ayaw sabihin ng mga kasambahay ang kinaroroonan. Napapabuntunghininga si Jerome. Abugado siya ay wala siyang magawa? Hindi man lang makumbisni ang kinauukulan na matibay ang kanyang hinala sa dalawang suspects? Ngayon naunawaan ng binata na hindi sapat na siya ay Top Ten sa bar exams; kulang na kulang pala ang kakayahan niya pagdating na sa actual practice of his profession. Samantala’y full-blast na ang damage control ni Anton Fuego sa lahat ng sangay ng media. Ipinaalala sa mga tao na safe and sound pa rin ang mga depositor ng GOM Savings Bank. Pero ang lihim na galit kay Glenna ay ayaw na yatang maalis sa puso ng ama ni Jerome. Wala na halos simpatiya si Anton Fuego sa mamanugangin, kahit pa nga nasa balita ang pagkakakidnap dito. BLAG. Pumasok na sa basement ang mastermind matapos ibalibag pasara ang pinto. Mangha si Glenna sa anyo nito. Imposibleng makilala niya agad. “Nakaroba nang maluwang, hindi ko malaman kung babae o lalake. At nanggaya sa mga tauhan naka-rubber mask naman ng mukha ni President Obama!” mahabang sabi ni Glenna sa isip, sa sarili lamang. Tama ang hula niya, ayaw din nitong magsalita. Nakatitig lang. “Bakit ka pa ba nagtatago ng identity? Magpakatapang ka nga! Babae ka ba o lalake? Baka bading?” taray ni Glenna. Pak.Pak. Mag-asawang sampal ang natanggap ni Glenna sa mastermind. Naalog yata pati ang utak ng dalaga. Pero hindi na matitinag ang galit ni Glenna. “Hindi kita mapapatawad sa ginawa mong ito, sino ka man! You are dead meat! Dead meat!” Napikon ang mastermind, nag-alis na ng maskara. Nalantad ang katauhan nito na nagpayanig kay Glenna. MANGHA talaga si Glenna nang makita ang katauhan ng taong nagpakidnap sa kanya. Kilalang-kilala niya ito pero hindi sa personal. “Brother Armand Biloria, Chair ng Let’s Go To Heaven Movement?” “Ako nga, Glenna Alonzo. Ang tatlong milyong miyembro ng aking spiritual flock sa LGTHM, ay labis na nabulabog ng iyong kasaysayan. Sinira mo ang aking ipini-preach sa kanila na ang mga makasalanan ay nakakarma at pinarurusahan ng Diyos dito pa lamang sa Lupa, the so-called temporal punishment…” Yanig sa pakikinig sa sikat na preacher si Glenna. “Ano ang nangyari sa iyo, Glenna Alonzo? Matapos gumawa ng kasalanan ang mag-imbot sa sampung milyong pisong pagkakamali ng bangko ikaw ay bigla pang minahal ng guwapong anak ng may-ari ng bangko, pakakasalan pa! “Mali ang kasaysayan mo at hindi dapat makalito at makaimpluwensiya sa iba pang mga gaya mo na mahina sa tukso! Bakit ‘ka mo? Sige, itanong mo kung bakit, Glenna Alonzo!” “B-Bakit po, Bro. Armand?” mapagkumbabang tanong ni Glenna. Napakalaki ng respeto niya sa pinuno ng Let’s Go To Heaven Movement. “Dahil magkakalakas-loob na ang mga gaya mo na gumawa ng kasalanan dahil puwede pa pala silang gantimpalaan ng magandang buhay at estado sa halip parusahan ng langit dito pa lamang sa Lupa!” Naumid ang dila ni Glenna, tama na mali ang sinasabi ng sikat na evangelist and preacher man. Hindi ba nito alam na siya ay tinalampak na sa mga diyaryo, radyo pati sa telebisyon bilang babaing dishonest at hindi dapat pamarisan? Hindi ba alam ng kagalang-galang na evangelist na ang pagkatao niya ay sirang-sira na sa mata ng publiko? Na pati kanyang kasal kay Jerome ay nasa balag na ng alanganin? At ang reputasyon ng kanyang buong angkan, alam ba ni Bro. Armand na isinusumpa na rin ng mga taong nagpapahalaga sa katapatan? Nais niyang sisihin ang pamunuan ng GOM Savings Bank for not setting the record straight na ang higit siyam na milyong pisong bahagi ng pinag-imbutan niya ay kanya nang naisoli. Bakit walang nakaalam sa media na siya ay nakunsensiya kaya ibinalik na ang pera? “Tinimbang ko ang iyong kasalanan sa damage na idudulot sa madla at napatunayang kulang…” “Tinimbang ako ngunit kulang…?” Hindi maunawaan ni Glenna. Tumango ang preacher. “Oo, kulang pa ang iyong buhay bilang pambayad…sa pinsalang idudulot mo sa sangkatauhan. Dadami lalo ang gagawa ng kasalanan, na aasam pang gagantimpalaan sa halip na parusahan…Kaya naman ako ay nagpasya na. “Ikaw, Glenna Alonzo…must die.” May malamig na kilabot na nadama si Glenna. SINENTENSIYAHAN na pala siya ng preacher-evangelist, naunawaan ni Glenna. Siya daw dahil sa nagawang kasalanan, ay dapat mamatay. Glenna Alonzo must die! “May dalawang araw ka para dumanas muna ng dusa. Iyon ang iyong magiging temporal punishment. Sa finale ay tatapusin ko ang iyong buhay sa pamamagitan ng lethal injection.” Nayanig pati kaluluwa ni Glenna. Bilang na pala ang oras niya sa mundo. At mamamatay siyang unti-unti, gaya ng mga kriminal sa death row. At posibleng walang makakaalam na siya ay patay na; she will simply be considered a missing person. “Magsisi ka na ng kasalanan, Glenna Alonzo. It’s good for the spirit.” “Paano po ang iyong kaluluwa, Brother Armand?” may hinanakit na tanong ni Glenna. “Magko-commit kayo ng mortal sin. Thou shalt not kill.” Nagkibit-balikat ang preacher man. “Iba ang kategorya ko sa pamantayan ng Langit, hija. Evangelist ako, remember? Anyway, papatayin naman kita sa ngalan ng pananampalataya; Pinapatay talaga ang makasalanang gaya mo.” “Naglingkod po ako sa charity. Ginasta ko ang perang galing sa computer error sa pagtulong sa mga walang-wala,” sabi ni Glenna. Parang walang narinig ang founder ng Let’s Go To Heaven Movement. “Guard, pakainin ng lugaw na walang timpla. Isang basong tubig lang sa maghapon. Kung magko-comfort room ay panatiliing nakatali ang mga kamay. Mananagot ka, guard, kapag nakatakas ‘yan.” “Isinoli ko sa bangko ang mahigit siyam na milyong piso, Brother!” sigaw na ni Glenna. Nabingi ba ang preacher o nagbibingi-bingihan? “Huwag mong sisilipan at momolestiyahin ang bihag, guard.” Tumango ang bantay; tapos na ito sa paninilip kay Glenna; namemorize na nga ang lahat ng maselang bahagi ng dalaga. At di ba ang guard ding ito ang nanghipo sa boobs ng bihag? “Bakit hindi ninyo ako maunawaan, Brother?” “May dalawang araw ka para magtika, Glenna Alonzo. Save your soul,” pangwakas ng preacher man bago tuluyang nilisan na ang basement. SI JEROME ay clueless pa rin sa kinaroroonan ni Glenna; walang kaalam-alam ang binata na malapit lang sa Bambang ang bahay na pinagkukulungan sa nobya. “Wala tayong balita sa nearby provinces, Mr. Fuego. Baka nailabas na ng bansa ang biktima, gamit ang back door ng Pilipinas?” mahinahong sabi ng imbestigador. “Gayunma’y naikalat na sa lahat ng sangay ang litrato ng babaing nawawala.” Napailing si Jerome, hindi nakuntento sa sagot ng government agent. “Mabubulok ang girlfriend ko kapag ganito kabagal ang takbo ng pangyayari. There must be a better way, officer.” “MALINIS po ang dalawang suspects, Mr. Fuego. Si Atorni Raizo at si Naty ay parehong dinampot for questioning pero pinawalan din for lack of evidence. Wala silang alam sa nangyari kay Glenna Alonzo,” lahad kay Jerome ng desk officer sa police station. Hindi pa rin makapaniwala ang binata. “Pero silang dalawa ang may mabigat na motibo, officer.” “With all due respect, sir, kayo po naman ay abugado. You know na kapag po walang witnesses or direct evidence against the suspect, hindi po puwedeng i-detain.” “Kung gayo’y sino ang kumidnap sa kanya?” “Your guess is as good as mine, Mr. Fuego.” Sa tindi ng inis, nasuntok ni Jerome ang kalapit na mesa ng imbestigador sa presinto. PUG “Aaahh!” sigaw ng binata, bumalatay ang sakit sa mukha, nasaktan ang kamao. Nais na yatang murahin ni Jerome ang matigas na mesa. “Sir, narra po itong table…tiyak na mamamaga ‘yang kamay ninyo. Lagyan n’yo agad ng yelo.” Gigil na umalis na sa police station ang binata, hindi maipinta ang mukha, sapo ang napakasakit na kamao. Back to square one na naman siya; hindi alam kung saan hahanapin si Glenna. Dama niya ang helplessness sa mga sandaling ito. GAYA rin ng mga kapatid, kapamilya at kapuso ni Glenna. Alalang-alala na sila sa dalaga. Ligtas pa ba ito? Buhay pa? Hangos na dumating si Amparing, may dalang papel. “Drowing ito ng isa sa mga batang nakakita sa van! Meron daw ganitong nakasulat at logo sa hulihan, maliit lang.” Binasa at tiningnan ng mga nakikisimpatiya kay Glenna. “Donated to LGTHM by good samaritans.” “LGTHM? Let’s Go To Heaven Movement!” “Ipaalam agad natin kina Jerome!” sabi ni Amparing. SI GLENNA nang mga sandaling ito ay nakatulog na sa pagkakagapos. Iginupo siya ng puyat at pagod, uhaw at gutom. Ang bantay ay nakatulog na rin sa tagal ng duty. Pero ito ay nasa portable bed, may sariling electric fan. Maalwan kahit paano. Makatulog-magising si Glenna. Alam niyang palapit nang palapit ang oras ng kamatayan. Pero siya ay tanggap na ang kapalaran. Magdusa siya sa kasalanang nagawa. Ito na ang kanyang karma. “And I am at peace with my God. Tatanggapin ng Panginoon ang aking kaluluwa.” Hindi na pala sila magkikita ni Jerome, naunawaan ng dalaga. Napaluha siya. NAKARATING kay Jerome ang drowing ng bata. Sinuri ng binata at ng mga imbestigador ang posibleng lead sa kaso.... BLAG. Tinadyakan ng raiding team ng pulisya ang pinto ng basement. Mala-kidlat sa bilis ang pag-atake nila sa bahay mismo ni Brother Armand ng LGTHM o Let’s Go To Heaven Movement. “Pulis! Itaas ang kamay!” Hindi nakahuma ang bantay pati na ang iba pang tauhan ng sikat na preacher-evangelist. Si Jerome na kasama ng raiding team ay kinalagan agad ng gapos si Glenna. Nagyakap ang dalawang nagmamahalan, napakahigpit. “Akala ko’y hindi na tayo magkikita, Jerome.” Pinahid ng binatang mayaman ang luha sa pisngi ng dalagang mahirap. “Everything is fine now, Glenn. Oh God I love you, babe.” Naglapat ang kanilang mga labi. Buong init at pananabik. Biglang kumawala sa husband-to-be si Glenna. “Sandali lang po, officer! Gusto kong makita ang pagmumukha ng bastos na lalaking ‘yan! Binosohan niya ako habang ako’y bihag!” Hinablot ni Glenna ang maskarang Mickey Mouse ng bantay. Nasilayan niya ang tunay na pagkatao nito. “Ikaw?” Akalain ba niyang ang dating sikat na TV talk-show host ang bantay? Naging follower-security officer pala ito ni Brother Armand. Sinabunutan at pinagsusuntok ito ni Glenna sa sikmura. “Napakabastos mooo! Manyakiiisss!” Si Jerome ay hindi rin napigil ang galit. Malakas na bigwas sa panga ng lalake ang pinakawalan. Pug. “Aaah!” sigaw ni Jerome, muling nasaktan ang kamao. Matigas pala ang panga ng lalake. SI BROTHER Armand ay nahuli agad at nakasuhan base sa positive identification mismo ni Glenna; ang bantay at iba pang nahuli sa operasyon ay kinasuhan din agad. Humarap sa media si Glenna. Nakapaglahad ng panig niya ang dalagang taga-Bambang. “Nagawa ko pong mag-imbot sa sampung milyong piso dahil nais kong tulungan ang mahihirap!” deklara ni Glenna. Minsan pang naging malaking balita ang pangyayari. Pero alam na rin ng publiko na si Glenna ay dakilang makasalanan. DISHONEST LADY RESCUED; DALAGA SA COMPUTER ERROR LIGTAS NA; LADY IN BANK SCAM IS A ROBIN HOOD; MAPAGKAWANGGAWA SA MAHIHIRAP SI ‘GLENNATOT’. Sina Attorney Raizo at Naty ay parehong nagngingitngit sa pagkakaligtas at lalong pagsikat ni Glenna; pero hanggang ngitngit lamang sila, walang magawa. Hindi malaman ni Anton Fuego kung paano muling haharap sa mamanugangin; nawala na ang galit nito kay Glenna.. PAGKAGALING sa biglaang media conference ni Glenna, ang dalagang taga-Bambang ay dinala agad ni Jerome sa isang pribadong silid, sakay ng kanyang kotse. Hindi pa rin makapaniwala si Glenna na kapiling na ang lalaking pinakamamahal; ang batambatang abugado na takdang mapangasawa sa susunod na buwan. “I don’t believe this…dinala mo nga ba ako dito sa…motel, ha, Jerome Fuego?” Tumango ang binata habang hinuhubaran na ang babaing pakakasalan. Bumulong. “Mahirap nang magkaroon pa ng hadlang, Glenn…kaya ngayon pa lang ay mag-a-advance deposit ako…” Napangiti ang dalaga, pinamulahan ng mukha. “Napakapilyo mo.” Hubad na rin ng lahat-lahat si Jerome, muling bumulong sa nobya. “Kapag may advance deposit, dapat ay kasunod na ang interest…” Naglapat ang kanilang mga labi. Nag-ugnay na rin ang mga katawan; pinag-isa sa malapad na kama. “Pero, Jerome…hindi pa tayo kasal. Kasalanan ito…” Wala namang lakas ang pagtutol ng dalaga. Tinatanggap ang maluwalhating ulos ng kasuyo, nagbibigay na nang buong puso. “Mauunawaan ng Diyos ang mga sandaling ito, Glenn. Dakilang pag-ibig ang dahilan…” Tumahimik na lamang si Glenna, ganap nang nagpaubaya. ‘Nag-deposit’ at ‘nag-withdraw’ si Jerome nang maraming beses sa pagkakataong iyon. Naging maunawaing ‘kahera’ si Glenna. INIUWI ni Jerome si Glenna sa Bambang; ipinagbunyi ng mga kapuso at kapamilya at kabayan ang matulunging dalaga. Kasunod ay iniuwi rin ni Jerome si Glenna sa malaking mansiyon ng mga Fuego. Naghihintay nang sumalubong si Anton sa mamanugangin. Wala na ang galit at pagkasuklam ni Anton sa babaing muntik nang magpatumba sa GOM Savings Bank. “Bukas na bukas din, Glenna, ilalahad namin sa publiko ang pagsosoli mo ng higit sa siyam na milyong piso bago ka pa man nakidnap. Ako mismo ang magpapatutoo na ikaw ay may ginintuang puso sa mahihirap at nangangailangan. Na ikaw ang nagmulat sa aming mga mata para gawing charitable din ang GOM Savings…” deklara ni Anton Fuego. “Ako naman, Glenn, ipagtatapat ko sa publiko na ikaw ay minahal ko na nang husto noon pa mang una kitang makita sa Bambang…” “At tuloy na tuloy ang inyong kasal ni Jerome, hija. Ako ang gagasta sa inyong honeymoon sa Barbados Island.” Magalang na tumanggi si Glenna. “Sa Tagaytay po ang gusto namin ni Jerome para tipid. Ang iba pa ninyong nais gastahin ay ibibigay po namin sa mahihirap…” Napapailing-nangingiting pumayag si Anton Fuego.......WAKAS
Posted on: Thu, 10 Oct 2013 14:01:29 +0000

Trending Topics



/div>

Recently Viewed Topics




© 2015