Matatag na Itaguyod ang Makadiyos na Turo “Magtiwala ka kay - TopicsExpress



          

Matatag na Itaguyod ang Makadiyos na Turo “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”—KAWIKAAN 3:5, 6. SA KASALUKUYAN, mga 9,000 pang-araw-araw na pahayagan ang nasa sirkulasyon sa buong daigdig. Taun-taon ay mga 200,000 bagong aklat ang inilalathala sa Estados Unidos lamang. Ayon sa isang pagtantiya, nang sumapit ang Marso ng 1998, mayroon nang mga 275 milyong Web page sa Internet. Ang bilang na ito ay sinasabing dumarami pa sa bilis na 20 milyong page bawat buwan. Higit kailanman, ang mga tao ay nakakakuha na ngayon ng mga impormasyon tungkol sa anumang paksa. Bagaman ang kalagayang ito ay may positibong mga aspekto, ang ganitong pagkarami-raming impormasyon ay nagdulot ng mga suliranin. 2 Ang ilang indibiduwal ay naging sugapa na sa pagkuha ng mga impormasyon, anupat palaging pinalulugdan ang walang-kasiyahang pagnanasa na makialinsabay sa panahon habang kinaliligtaan naman ang mas mahahalagang bagay. Ang iba naman ay nakakakuha ng bahagyang impormasyon hinggil sa masasalimuot na larangan ng kaalaman at pagkatapos ay itinuturing na ang kanilang sarili bilang mga eksperto. Batay sa limitadong pagkaunawa, baka gumawa sila ng mabibigat na pasiya na maaaring makapinsala sa kanilang sarili at sa iba. At palaging naririyan ang panganib na malantad sa bulaan o maling impormasyon. Karaniwan nang walang mapananaligang paraan upang matiyak na ang pagkarami-raming impormasyon ay tumpak at timbang. 3 Noon pa ma’y ugali na ng tao ang pagkamausisa. Ang mga panganib ng pag-aaksaya ng napakalaking panahon sa paghahangad sa walang-katuturan o nakapipinsala pa ngang mga impormasyon ay kinilala noong mga kaarawan ni Haring Solomon. Sabi niya: “Bigyang-pansin mo ang babala: Ang paggawa ng maraming aklat ay walang wakas, at ang labis na debosyon sa mga iyon ay nakapanghihimagod sa laman.” (Eclesiastes 12:12) Makalipas ang ilang siglo, sumulat si apostol Pablo kay Timoteo: “Bantayan mo ang ipinagkatiwala sa iyo, na tinatalikdan ang walang-laman na mga usapan na lumalapastangan sa kung ano ang banal at ang mga pagsasalungatan ng may-kabulaanang tinatawag na ‘kaalaman.’ Sapagkat sa pagpaparangalan ng gayong kaalaman ang ilan ay lumihis mula sa pananampalataya.” (1 Timoteo 6:20, 21) Oo, ang mga Kristiyano sa ngayon ay kailangang umiwas sa di-kinakailangang pagkalantad sa mga nakapipinsalang ideya. 4 Makabubuti rin para sa bayan ni Jehova na makinig sa mga salita sa Kawikaan 3:5, 6: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” Kalakip sa pagtitiwala kay Jehova ang pagtatakwil sa anumang ideya na salungat sa Salita ng Diyos, ito man ay mula sa ating sariling pangangatuwiran o mula sa ating kapuwa. Upang maingatan ang ating espirituwalidad, mahalagang sanayin natin ang ating kakayahan sa pang-unawa upang makilala natin ang nakapipinsalang impormasyon at maiwasan ito. (Hebreo 5:14) Pag-usapan natin ang ilang pinagmumulan ng gayong mga impormasyon. Isang Sanlibutang Kontrolado ni Satanas 5 Ang sekular na sanlibutan ay isang saganang pinagmumulan ng mga nakapipinsalang ideya. (1 Corinto 3:19) Nanalangin si Jesu-Kristo sa Diyos hinggil sa kaniyang mga alagad: “Humihiling ako sa iyo, hindi upang alisin sila mula sa sanlibutan, kundi upang bantayan sila dahil sa isa na balakyot.” (Juan 17:15) Ang paghiling ni Jesus na ingatan ang kaniyang mga alagad mula sa “isa na balakyot” ay pagkilala sa impluwensiya ni Satanas sa sanlibutan. Ang ating pagiging Kristiyano ay hindi awtomatikong nagsasanggalang sa atin mula sa masasamang impluwensiya ng sanlibutang ito. Sumulat si Juan: “Alam natin na tayo ay nagmumula sa Diyos, ngunit ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Lalo na sa pangwakas na bahagi ng mga huling araw na ito, maaasahan na ang sanlibutan ay pupunuin ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo ng mga nakapipinsalang impormasyon. 6 Maaasahan din na ang ilan sa mga nakapipinsalang impormasyong ito ay maaaring magtinging di-nakapipinsala. (2 Corinto 11:14) Halimbawa, tingnan ang daigdig ng paglilibang, ang mga palabas nito sa TV, pelikula, musika, at mga lathalain. Marami ang sumasang-ayon na sa parami nang paraming kaso, may ilang anyo ng paglilibang na nagtataguyod ng nakasisirang-puring mga gawain, gaya ng imoralidad, karahasan, at pag-abuso sa droga. Sa unang pagkalantad sa isang anyo ng paglilibang na nagtatampok ng mas mababang moralidad, posibleng magulat sa pasimula ang mga tagapanood. Subalit ang paulit-ulit na pagkalantad ay maaaring magpamanhid sa isa. Ang mga paglilibang na nagtataguyod ng mga nakapipinsalang ideya ay hindi natin dapat ituring kailanman na katanggap-tanggap o di-nakapipinsala.—Awit 119:37. 7 Tingnan ang isa pang pinagmumulan ng mga impormasyon na posibleng makapinsala—ang pagkarami-raming ideya na inilathala ng ilang siyentipiko at mga iskolar na humahamon sa pagiging totoo ng Bibliya. (Ihambing ang Santiago 3:15.) Ang gayong mga materyal ay madalas na mababasa sa mga pangunahing magasin at popular na mga aklat, at ito’y maaaring sumira ng pagtitiwala sa Bibliya. Ipinagmamapuri ng ilang indibiduwal ang pagpapahina sa awtoridad ng Salita ng Diyos sa pamamagitan ng walang-katapusang mga espekulasyon. Ang katulad na panganib ay umiral noong panahon ng mga apostol, na naging maliwanag sa mga salita ni apostol Pablo: “Mag-ingat: baka may sinumang tumangay sa inyo bilang kaniyang nasila sa pamamagitan ng pilosopiya at hungkag na panlilinlang ayon sa tradisyon ng mga tao, ayon sa panimulang mga bagay ng sanlibutan at hindi ayon kay Kristo.”—Colosas 2:8. Mga Kaaway ng Katotohanan 8 Ang mga apostata ay naghaharap ng isa pang panganib sa ating espirituwalidad. Inihula ni apostol Pablo na babangon ang apostasya sa gitna ng mga nag-aangking Kristiyano. (Gawa 20:29, 30; 2 Tesalonica 2:3) Bilang katuparan ng kaniyang mga salita, pagkamatay ng mga apostol, ang isang malaking apostasya ay umakay sa paglitaw ng Sangkakristiyanuhan. Sa ngayon, walang nagaganap na malaking apostasya sa bayan ng Diyos. Gayunman, may ilang indibiduwal na humiwalay sa ating grupo, at ang ilan sa kanila ay determinado na siraang-puri ang mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng pagkakalat ng mga kasinungalingan at maling impormasyon. Ang ilan naman ay sumama sa ibang mga pangkat upang sama-samang labanan ang dalisay na pagsamba. Sa paggawa nito, sila’y pumanig sa pinakapasimunong apostata, si Satanas. 9 Ang ilang apostata ay higit na gumagamit ng iba’t ibang anyo ng malawakang komunikasyon, lakip na ang Internet, upang magkalat ng mga maling impormasyon tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Bunga nito, kapag nagsasaliksik ang taimtim na mga indibiduwal hinggil sa ating mga paniniwala, maaaring mabasa nila ang apostatang propaganda. Maging ang ilang Saksi ay walang-kamalay-malay na naglalantad ng kanilang sarili sa mga nakapipinsalang materyal na ito. Karagdagan pa, paminsan-minsan ay nakikibahagi ang mga apostata sa telebisyon o mga programa sa radyo. Anong matalinong landasin ang dapat sundin hinggil dito? 10 Inutusan ni apostol Juan ang mga Kristiyano na huwag tanggapin sa kanilang mga tahanan ang mga apostata. Sumulat siya: “Kung may sinumang dumating sa inyo at hindi dala ang turong ito, huwag ninyong tanggapin siya sa inyong mga tahanan o magsabi ng isang pagbati sa kaniya. Sapagkat siya na nagsasabi ng isang pagbati sa kaniya ay kabahagi sa kaniyang balakyot na mga gawa.” (2 Juan 10, 11) Ang pag-iwas sa lahat ng pakikipag-ugnayan sa mga kaaway na ito ay magsasanggalang sa atin mula sa kanilang masamang pag-iisip. Ang paglalantad ng ating mga sarili sa apostatang mga turo sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan ng modernong komunikasyon ay nakapipinsala na gaya ng pagtanggap ng apostata mismo sa ating mga tahanan. Hindi natin dapat hayaan kailanman na hikayatin tayo ng pagkamausisa tungo sa gayong kapaha-pahamak na landasin!—Kawikaan 22:3. Sa Loob ng Kongregasyon 11 Tingnan ang isa pang posibleng pinagmumulan ng mga nakapipinsalang ideya. Bagaman walang intensiyong magturo ng kabulaanan, baka nagiging ugali na ng isang nakaalay na Kristiyano na magsalita nang hindi muna nag-iisip. (Kawikaan 12:18) Dahil sa ating likas na di-kasakdalan, tayong lahat ay magkakasala paminsan-minsan sa paggamit ng ating dila. (Kawikaan 10:19; Santiago 3:8) Maliwanag, noong panahon ni apostol Pablo, may ilan sa kongregasyon na hindi nakontrol ang kanilang dila at nasangkot tuloy sa maiinit na debate tungkol sa mga salita. (1 Timoteo 2:8) Ang iba naman ay paniwalang-paniwala sa kanilang sariling mga opinyon at lumabis pa nga hanggang sa punto na kanilang hinamon pati ang awtoridad ni Pablo. (2 Corinto 10:10-12) Ang ganitong espiritu ay nagbubunga ng di-kinakailangang alitan. 12 Kung minsan ang mga di-pagkakasundong ito ay humahantong sa “mararahas na pagtatalo tungkol sa maliliit na bagay,” anupat sumisira sa kapayapaan ng kongregasyon. (1 Timoteo 6:5; Galacia 5:15) Sa mga nagiging dahilan ng mga pagtatalong ito, sumulat si Pablo: “Kung ang sinumang tao ay nagtuturo ng ibang doktrina at hindi sumasang-ayon sa mga salitang nakapagpapalusog, yaong sa ating Panginoong Jesu-Kristo, ni sa turo na alinsunod sa maka-Diyos na debosyon, siya ay nagmamalaki sa pagmamapuri, na hindi nauunawaan ang anuman, kundi may-sakit sa isip may kinalaman sa mga pagtatanong at mga debate tungkol sa mga salita. Mula sa mga bagay na ito ay lumilitaw ang inggit, alitan, mga mapang-abusong pananalita, mga balakyot na paghihinala.”—1 Timoteo 6:3, 4. 13 Nakatutuwa naman, noong panahon ng mga apostol, ang karamihan sa mga Kristiyano ay tapat at nanatiling nakatuon ang pansin sa gawaing paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Sila’y abala sa pag-aalaga sa “mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian” at iningatan nila ang kanilang sarili na “walang batik mula sa sanlibutan,” na hindi nag-aaksaya ng kanilang panahon sa walang-kabuluhang pagdedebate tungkol sa mga salita. (Santiago 1:27) Umiwas sila sa “masasamang kasama” maging sa loob ng Kristiyanong kongregasyon upang maingatan ang kanilang espirituwalidad.—1 Corinto 15:33; 2 Timoteo 2:20, 21. 14 Gayundin naman, ang mga kalagayang inilarawan sa parapo 11 ay hindi karaniwan sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon. Gayunman, makabubuting kilalanin natin na maaaring mangyari ang gayong walang-kabuluhang mga debate. Mangyari pa, normal lamang na pag-usapan ang mga salaysay sa Bibliya o pag-isipan ang tungkol sa mga aspekto ng ipinangakong bagong sanlibutan na hindi pa isinisiwalat sa ngayon. At wala namang masama sa pagpapalitan ng mga kuru-kuro hinggil sa personal na mga bagay, gaya ng pananamit at pag-aayos o nagugustuhang libangan. Gayunman, kung tayo’y nagiging dogmatiko tungkol sa ating mga ideya at nagdaramdam kapag hindi tayo inayunan ng iba, ang kongregasyon ay maaaring magkabaha-bahagi dahil sa maliliit na isyu. Ang isang bagay na nagsisimula sa di-nakapipinsala at di-gaanong mahalagang usapan ay maaaring mauwi sa pagiging nakapipinsala. Pagbabantay sa Ipinagkatiwala sa Atin 15 Nagbabala si apostol Pablo: “Ang kinasihang kapahayagan ay nagsasabi nang tiyakan na sa huling mga yugto ng panahon ang ilan ay hihiwalay mula sa pananampalataya, na nagbibigay-pansin sa nagliligaw na kinasihang mga kapahayagan at mga turo ng mga demonyo.” (1 Timoteo 4:1) Oo, ang mga nakapipinsalang ideya ay naghaharap ng tunay na panganib. Kaya naman mauunawaan kung bakit nakiusap si Pablo sa kaniyang mahal na kaibigang si Timoteo: “O Timoteo, bantayan mo ang ipinagkatiwala sa iyo, na tinatalikdan ang walang-laman na mga usapan na lumalapastangan sa kung ano ang banal at ang mga pagsasalungatan ng may-kabulaanang tinatawag na ‘kaalaman.’ Sapagkat sa pagpaparangalan ng gayong kaalaman ang ilan ay lumihis mula sa pananampalataya.”—1 Timoteo 6:20, 21. 16 Paano tayo makikinabang sa ngayon sa maibiging babalang ito? May ipinagkatiwala kay Timoteo—isang mahalagang bagay na dapat alagaan at ingatan. Ano iyon? Nagpaliwanag si Pablo: “Patuloy kang manghawakan sa parisan ng nakapagpapalusog na mga salita na narinig mo mula sa akin kasama ng pananampalataya at pag-ibig na may kaugnayan kay Kristo Jesus. Ang mainam na pagkakatiwalang ito ay bantayan mo sa pamamagitan ng banal na espiritu na nananahan sa atin.” (2 Timoteo 1:13, 14) Oo, lakip sa ipinagkatiwala kay Timoteo ang “nakapagpapalusog na mga salita,” ang “turo na alinsunod sa maka-Diyos na debosyon.” (1 Timoteo 6:3) Kasuwato ng mga salitang ito, ang mga Kristiyano sa ngayon ay determinado na ipagsanggalang ang kanilang pananampalataya at ang kalipunan ng katotohanan na ipinagkatiwala sa kanila. 17 Lakip sa pagbabantay sa ipinagkatiwalang iyan ang paglilinang ng mga bagay na gaya ng mabuting kaugalian sa pag-aaral ng Bibliya at pagmamatiyaga sa pananalangin, habang gumagawa ng “mabuti sa lahat, subalit lalo na doon sa mga kaugnay sa atin sa pananampalataya.” (Galacia 6:10; Roma 12:11-17) Nagpayo pa si Pablo: “Itaguyod mo ang katuwiran, maka-Diyos na debosyon, pananampalataya, pag-ibig, pagbabata, kahinahunan ng kalooban. Ipakipaglaban mo ang mainam na pakikipaglaban ng pananampalataya, manghawakan ka nang mahigpit sa buhay na walang-hanggan na ukol dito ay tinawag ka at inihandog mo ang mainam na pangmadlang pagpapahayag sa harap ng maraming saksi.” (1 Timoteo 6:11, 12) Ang paggamit ni Pablo ng ganitong mga parirala na gaya ng “ipakipaglaban mo ang mainam na pakikipaglaban” at “manghawakan ka nang mahigpit” ay nagbibigay-liwanag na dapat tayong maging aktibo at determinado sa pakikipaglaban sa espirituwal na mga impluwensiyang nakapipinsala. Pangangailangan sa Kaunawaan 18 Mangyari pa, sa pakikilaban sa mainam na pakikipaglaban ng pananampalataya, kailangan ang kaunawaan. (Kawikaan 2:11; Filipos 1:9) Halimbawa, hindi naman makatuwiran na hindi na pagtiwalaan ang lahat ng sekular na mga impormasyon. (Filipos 4:5; Santiago 3:17) Hindi lahat ng ideya ng tao ay salungat sa Salita ng Diyos. Binanggit ni Jesus na kailangang kumonsulta ang mga maysakit sa isang kuwalipikadong manggagamot—isang sekular na propesyon. (Lucas 5:31) Sa kabila ng medyo sinaunang paraan ng panggagamot noong panahon ni Jesus, kinilala niya na may pakinabang din naman na makukuha mula sa tulong ng isang manggagamot. Ang mga Kristiyano sa ngayon ay nagpapamalas ng pagiging timbang may kinalaman sa sekular na mga impormasyon, subalit nilalabanan nila ang pagkalantad sa anumang bagay na makapipinsala sa kanila sa espirituwal. 19 Ang kaunawaan ay mahalaga rin sa bahagi ng matatanda kapag kinailangan nilang tulungan ang mga nagsasalita nang walang katalinuhan. (2 Timoteo 2:7) Kung minsan, ang mga miyembro ng kongregasyon ay maaaring masangkot sa mga awayan tungkol sa maliliit na bagay at mga pagtatalo hinggil sa mga haka-haka. Upang maingatan ang pagkakaisa ng kongregasyon, dapat na maging mabilis ang matatanda sa paglutas sa gayong mga problema. Kasabay nito, iniiwasan naman nilang magparatang ng maling motibo sa kanilang mga kapatid at hindi nila karaka-rakang itinuturing ang mga ito bilang mga apostata. 20 Inilarawan ni Pablo ang espiritu na kailangan kapag tumutulong. Sabi niya: “Mga kapatid, bagaman ang isang tao ay gumawa ng anumang maling hakbang bago niya mabatid ito, kayo na may mga espirituwal na kuwalipikasyon ay magsikap na ibalik sa ayos ang gayong tao sa espiritu ng kahinahunan.” (Galacia 6:1) Bilang espesipikong pagtukoy sa mga Kristiyanong nakikipagpunyagi sa pag-aalinlangan, sumulat si Judas: “Patuloy na magpakita ng awa sa ilan na may mga pag-aalinlangan; iligtas ninyo sila sa pamamagitan ng pag-agaw sa kanila mula sa apoy.” (Judas 22, 23) Mangyari pa, kung pagkatapos ng paulit-ulit na payo ay ipinipilit pa rin ng isa ang pagtataguyod ng mga maling turo, kailangan nang gumawa ang matatanda ng tiyak na pasiya upang maingatan ang kongregasyon.—1 Timoteo 1:20; Tito 3:10, 11. Pinupuno ang Ating Isip ng Kapuri-puring mga Bagay 21 Iniiwasan ng Kristiyanong kongregasyon ang nakapipinsalang pananalita na ‘kumakalat tulad ng ganggrena.’ (2 Timoteo 2:16, 17; Tito 3:9) Ito’y totoo kahit pa ang mga salitang iyon ay nagpapaaninag ng nakapanlíligáw na sekular na “karunungan,” ng propaganda ng mga apostata, o ng di-pinag-isipang pagsasalita sa loob ng kongregasyon. Bagaman ang mabuting hangarin na matuto ng mga bagong bagay ay maaaring kapaki-pakinabang, ang walang-ingat na pagkamausisa ay posibleng maglantad sa atin sa mga nakapipinsalang ideya. Hindi tayo ignorante sa mga pakana ni Satanas. (2 Corinto 2:11) Alam nating nagsisikap siya nang husto upang libangin tayo nang sa gayon ay mapabagal niya tayo sa ating paglilingkod sa Diyos. 22 Bilang mabubuting ministro, matatag nating itaguyod ang makadiyos na turo. (1 Timoteo 4:6) Sana’y gamitin natin nang may katalinuhan ang ating panahon sa pamamagitan ng pagiging pihikan sa mga impormasyong nais nating malaman. Sa gayon ay hindi tayo madaling matitinag ng mga propagandang kinasihan ni Satanas. Oo, patuloy nating isaalang-alang ang “anumang mga bagay na totoo, anumang mga bagay na seryosong pag-isipan, anumang mga bagay na matuwid, anumang mga bagay na malinis, anumang mga bagay na kaibig-ibig, anumang mga bagay na may mabuting ulat, anumang kagalingan ang mayroon at anumang kapuri-puring bagay ang mayroon.” Kung pupunuin natin ang ating isip at puso ng ganitong mga bagay, ang Diyos ng kapayapaan ay sasaatin.—Filipos 4:8, 9. Ano ang Natutuhan Natin? • Paano maaaring isapanganib ng sekular na karunungan ang ating espirituwalidad? • Ano ang maaari nating gawin upang maipagsanggalang ang ating sarili mula sa apostatang impormasyon na nakapipinsala? • Anong uri ng usapan ang dapat iwasan sa loob ng kongregasyon? • Paano naipamamalas ang Kristiyanong pagkatimbang sa pagharap sa pagkarami-raming impormasyon sa ngayon?
Posted on: Fri, 28 Jun 2013 07:16:08 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015