Opinion Lumuha ang sambayanang Filipino Tatlumpu’t anim na - TopicsExpress



          

Opinion Lumuha ang sambayanang Filipino Tatlumpu’t anim na probinsya sa siyam na rehiyon ng Pilipinas ang lumasap ng bagsik ni super typhoon ‘Yolanda’. Sa ngayon ay nakasentro ang atensyon ng marami sa Leyte, partikular sa Tacloban City, dahil ayon sa mga ulat ay ito ang pinakagrabeng sinalanta. Ito ay ayon sa nakakarating na mga ulat. Ang problema, marami sa mga apektadong lugar ang nawalan ng komunikasyon. Hindi sila makontak kaya ni walang ideya ang lahat kung ano ang nangyari sa kanila. Hangga’t hindi dumarating ang kinakaila­ngang impormasyon mula sa kasuluk-sulukang bahagi ng Pilipinas na hinambalos ng super bagyo, hindi kumpleto ang pag-assess sa kabuuang pinsala. Narito ang lalo pang nakakatakot na rea­lidad, sa pagbuhos ng mga impormasyon at dokumentasyon (gaya ng mga litrato at testimonya ng mga nakaligtas), tiyak na mas lalaki ang bilang ng mga casualties at ang halaga at lawak ng pinsala. Tama rin naman na unang apurahing maibalik ay communication system (para sa mas madaling koordinasyon at mas mabilis na pagtugon sa ‘pinaka-nangangailangan’), pangalawa ay ang elektrisidad at water system. Importanteng-importante ring makarating agad sa mga biktima ay inuming tubig, pagkain, gamot at damit. Nakakalungkot na kaliwa’t kanan na ang nangyayaring nakawan kung saan umabot pa sa puntong hinaharang at inaatake ng mga tao ang trak ng relief goods. Nangyayari ito hindi lang dahil gutom na sila kundi dahil ‘in the dark’ sila. Walang telepono, walang radyo, walang social media o anumang anyo ng komunikasyon na magsasabing, “Parating na ang tulong sa inyo!” Napakahalaga nga pala talaga ng komunikasyon. Ang pagkakaroon ng boses na maiparating sa mga kinauukulan ang kanilang kalagayan, iyan ang pinutol ni ‘Yolanda’ na hindi nagawa ng iba pang kalamidad na dumating sa bansa sa napakalawak na bahagi ng bansa. Ang matinding takot sa naranasang bangis ni ‘Yolanda’ ay dinoble ng pangambang matatagalan bago dumating ang sasaklolo sa kanila. Kailangan nilang mag-survive kaya pinapasok na nila ang mga groserya at tindahan…kaya hinaharang na nila ang mga relief goods. Hindi nila alam kung kelan sila ulit mararating ng tulong kaya’t nasa ‘survival mode’ ang lahat. Ni wala nga silang panahong magluksa at maglibing ng mga nasawing kaanak. Kinailangan nilang i-postpone ang pagtangis para sa mga nasawi dahil ni hindi nga nila alam kung hanggang kailan naman sila tatagal sa gitna ng nararamdamang kawalan. Nawala ang lahat para sa mga nakaligtas sa bagyo. Napakahirap para sa kanila ngayon kung saan sisimulan ang pagbangon. At hindi ito limitado sa mismong mga lugar na binagyo dahil ang bawat lalaki at babae sa mga lugar na ito ay maaaring ina o ama, asawa o kapatid at anak ng mga mamamayang nasa Metro Manila o Luzon, iba pang bahagi ng bansang pinalad na hindi napuruhan ni ‘Yolanda’ o nasa abroad. Tunay na ang kalamidad na ito ay isang national tragedy. Isang napakalaking kurot sa puso ng bawat Filipino saan mang dako ng mundo. ««« Admin VOI_SERVANT »»»
Posted on: Tue, 12 Nov 2013 09:49:29 +0000

Trending Topics




© 2015