PUSO Ang mahalagang sangkap ng katawan na ang pangunahing gawain - TopicsExpress



          

PUSO Ang mahalagang sangkap ng katawan na ang pangunahing gawain ay magbomba ng dugo upang matustusan ang mga selula ng katawan.—Lev 17:14. Ang puso ay napakadalas na lumilitaw sa Kasulatan, anupat binabanggit ito nang mga isang libong ulit sa iba’t ibang paraan. Ang mga salitang Hebreo (lev, le·vav′) at Griego (kar·di′a) para sa “puso” ay ginagamit ng mga manunulat ng Bibliya kapuwa sa literal at sa makasagisag na mga paraan. Ang Literal na Puso. Ilang ulit lamang tinukoy ng mga manunulat ng Bibliya ang literal na puso. Halimbawa, nang panain ni Jehu si Jehoram “sa pagitan ng mga bisig . . . ang palaso ay lumabas sa kaniyang puso.”—2Ha 9:24; tingnan din ang Exo 28:30. Ang Makasagisag na Puso. Sa karamihan ng mga paglitaw nito sa Kasulatan, ang salitang “puso” ay ginagamit sa makasagisag na paraan. Sinasabing sumasagisag ito sa “sentrong bahagi sa pangkalahatan, ang nasa loob, at sa gayon ay sa panloob na pagkatao ng isa na makikilala sa lahat ng kaniyang iba’t ibang gawain, sa kaniyang mga pagnanasa, mga naisin, mga emosyon, mga pita, mga layunin, sa kaniyang mga kaisipan, mga pagkaunawa, mga imahinasyon, sa kaniyang karunungan, kaalaman, kasanayan, sa kaniyang mga paniniwala at sa kaniyang mga pangangatuwiran, sa kaniyang alaala at sa kaniyang kamalayan.”—Journal of the Society of Biblical Literature and Exegesis, 1882, p. 67. Kaya naman sa Kasulatan, ang makasagisag na puso ay hindi lamang tumutukoy sa sentro ng damdamin at motibo, ni limitado man ito sa talino. “Sa mga Semita . . . ang lahat ng bagay na natatangi sa tao, sa kategorya ng mga damdamin at gayundin ng talino at kalooban, ay itinuturing na sa puso nagmumula.” Ito ang “kabuuan ng panloob na pagkatao bilang kabaligtaran ng laman, na siyang panlabas na pagkatao na nahihipo.”—The Metaphorical Use of the Names of Parts of the Body in Hebrew and in Akkadian, ni E. Dhorme, Paris, 1963, p. 113, 114, 128 (sa Pranses). Para sa Diyos na tagasuri ng mga puso, hindi ang panlabas na kaanyuan ang mahalaga kundi kung ano talaga ang panloob na pagkatao ng isa. (Kaw 17:3; 24:12; Aw 17:3; 1Sa 16:7) Kaya naman ipinapayo ng Kasulatan: “Higit sa lahat na dapat bantayan, ingatan mo ang iyong puso [ang buong panloob na pagkatao], sapagkat nagmumula rito ang mga bukal ng buhay.” (Kaw 4:23) At hinihimok ang mga Kristiyanong asawang babae na huwag bigyan ng pangunahing pansin ang panlabas na kagayakan, kundi ang “lihim na pagkatao ng puso sa walang-kasiraang kasuutan ng tahimik at mahinahong espiritu, na malaki ang halaga sa paningin ng Diyos.”—1Pe 3:3, 4. Sa ilang paglitaw ng terminong “puso” sa Bibliya, maliwanag na ang pangunahing tinutukoy ay ang mga kakayahan sa pag-iisip, ngunit hindi naman sa diwa na ibinubukod ang gayong mga kakayahan mula sa iba pang mga bagay na bumubuo sa panloob na pagkatao. Hinimok ni Moises ang mga Israelita, “Alalahanin mo sa iyong puso [“alalahanin mo sa iyong isip,” tlb sa Rbi8] na si Jehova ang tunay na Diyos.” At nang maglaon ay sinabi niya sa kanila, “Hindi kayo binigyan ni Jehova ng isang pusong [“pag-iisip,” tlb sa Rbi8] makakakilala.” (Deu 4:39; 29:4) Kung minsan, gaya ng pagtukoy rito kapuwa sa Hebreong Kasulatan at sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, kalakip sa puso ang talino, halimbawa ay kapag iniuugnay ito sa ‘pag-iisip’ (Mat 9:4), ‘pangangatuwiran’ (Mar 2:6), ‘unawa’ (1Ha 3:12; Mar 6:52), at “kaalaman” (Kaw 15:14). Ang motibo, ang nag-uudyok na puwersa na sanhi ng ating paggawi, ay isa pang mahalagang aspekto ng panloob na pagkatao, na kinakatawanan ng “puso.” Kaya naman yaong mga nag-abuloy para sa pagtatayo ng tabernakulo ay ‘lumapit, ang bawat isang naudyukan ng kaniyang puso.’ (Exo 35:21, 26, 29; 36:2) Ang balakyot na si Haman ay “naglakas-loob” (sa literal, napuno siya may kinalaman sa kaniyang puso) na magpakana laban sa mga Judio. (Es 7:5, tlb sa Rbi8; Gaw 5:3) Ipinaliliwanag ng Hebreo 4:12 na ang salita ng pangako ng Diyos, tulad ng isang tabak na matalas, ay may-kakayahang “umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” Sinabi rin ni Jesus na sa puso nagmumula ang nag-uudyok na puwersa na sanhi ng ating paggawi, mabuti man ito o masama. (Mat 15:19; Luc 6:45) Upang malinang natin ang tamang mga motibo, pinapayuhan tayo ng Bibliya na huwag nating pahintulutan na mabahiran ng pagnanasa sa makasariling pakinabang ang ating pakikitungo sa iba (Jud 16) ni pahintulutan man natin na pag-ibig sa salapi, o paghahangad sa kayamanan, ang makaimpluwensiya sa landasin ng ating buhay. (1Ti 6:9, 10; Kaw 23:4, 5) Sa halip, pinasisigla tayo nito na linangin ang tunay na pag-ibig sa Diyos bilang saligan ng ating paglilingkod sa kaniya (1Ju 5:3; Deu 11:13) at ang mapagsakripisyo-sa-sariling pag-ibig bilang pamantayan sa pakikitungo sa mga kapananampalataya (Ju 15:12, 13); pinasisigla rin tayo nito na ugaliing ibigin ang iba pang mga tao gaya ng pag-ibig natin sa ating sarili (Luc 10:27-37; Gal 6:10). Maliwanag, kasangkot ang kakayahan sa pag-iisip sa paglinang ng gayong mga motibo.—Aw 119:2, 24, 111. Nakikita ang kalagayan ng ating makasagisag na puso sa ating disposisyon, sa ating saloobin, kung tayo ay mapagmapuri o mapagpakumbaba. (Kaw 16:5; Mat 11:29) Bahagi rin ng panloob na pagkataong ito ang ating mga damdamin at mga emosyon. Kasama sa mga ito ang pag-ibig (Deu 6:5; 1Pe 1:22), kagalakan (Deu 28:47; Ju 16:22), kirot at pamimighati (Ne 2:2; Ro 9:2), poot (Lev 19:17). Kaya naman ang puso ay maaaring ‘mabalisa’ (Isa 35:4), ‘maulos’ ng kapighatian (Aw 109:22), “matunaw” dahil sa takot sa mga kabagabagan (Deu 20:8). Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, kapag binabanggit ang pag-iisip kasama ng puso, ang “pag-iisip” ay tumutukoy sa talino samantalang ang “puso” naman ay tumutukoy sa mga emosyon, mga pagnanasa, at mga damdamin ng panloob na pagkatao. Halimbawa, sinabi ni Jesus: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.” (Mat 22:37) Sa gayon ay ipinakita niya na dapat ipamalas ng mga pagnanasa, mga damdamin, at mga emosyon ng isang tao ang kaniyang pag-ibig sa Diyos, ngunit dapat din niyang ipamalas ang pag-ibig na iyon sa paraan ng paggamit niya sa kaniyang mental na mga kakayahan, gaya ng pagkuha ng kaalaman tungkol sa Diyos at kay Kristo.—Ju 17:3. Ang lahat ng gayong mga gawain, kakayahan, emosyon, at katangian ay iniuugnay, hindi sa literal na puso, kundi sa makasagisag na puso na kumakatawan sa buong panloob na personalidad. Ang Puso ay Maaaring Maging “Mapandaya.” Bagaman sakdal si Adan, hinayaan niyang matukso ang kaniyang puso. Itinakwil niya ang katotohanan at tinalikuran ang Diyos. (Tingnan ang San 1:14, 15.) Dahil dito, lahat ng tao, na mga supling ng nagkasalang si Adan, ay ipinaglihi sa kasalanan at iniluwal sa kamalian. (Aw 51:5) Pagkatapos ng Baha, sinabi ng Diyos may kinalaman sa makasalanang sangkatauhan sa pangkalahatan: “Ang hilig ng puso ng tao ay masama magmula sa kaniyang pagkabata.”—Gen 8:21. Sinabi ng Diyos sa mapaghimagsik na bansang Juda: “Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib.” (Jer 17:9) Ipinahihiwatig ng seryosong babalang ito na dapat bigyang-pansin niyaong mga nagnanais na paluguran ang Diyos hindi lamang yaong nakikita ng ibang tao kundi kung anong uri talaga sila ng tao, ang panloob na pagkatao. Baka maraming taon nang namumuhay ang isang tao bilang Kristiyano, malawak ang kaniyang kaalaman sa Bibliya, at nagtitiwala siyang matagumpay niyang mahaharap ang anumang situwasyon na maaaring bumangon. Gayunman, kahit alam na alam niya na ang isang gawa ay mali at espesipikong hinahatulan ng kautusan ng Diyos, ang mga kaisipan at mga pagnanasa na palihim niyang binubulay-bulay ay maaaring umakit sa kaniya na gumawa ng kasalanan. Dahil dito, bagaman alam ng isang Kristiyano ang katotohanan at itinuturing niyang may-gulang na siya, dapat niyang tandaan na maaaring maging mapandaya ang kaniyang puso kung kaya dapat niyang pakaingatan na huwag siyang mahantad sa tukso.—Mat 6:13; 1Co 10:8-12. Paglilingkod Taglay ang “Sakdal na Puso.” Kailangang buo ang literal na puso upang gumana ito nang normal, ngunit ang makasagisag na puso ay maaaring mabahagi. Nanalangin si David: “Pagkaisahin mo ang aking puso na matakot sa iyong pangalan,” anupat nagpapahiwatig na maaaring mabahagi ang puso ng isang tao may kinalaman sa mga kinalulugdan at mga kinatatakutan nito. (Aw 86:11) Ang gayong tao ay maaaring “may pusong hati”—malahininga sa pagsamba sa Diyos. (Aw 119:113; Apo 3:16) Ang isang indibiduwal ay maaari ring may ‘salawahang puso’ (sa literal, may isang puso at isang puso), anupat nagsisikap na maglingkod sa dalawang panginoon, o mapanlinlang na nagsasabi ng isang bagay gayong iba naman ang nasa isip. (1Cr 12:33; Aw 12:2, tlb sa Rbi8) Mariing tinuligsa ni Jesus ang gayong pagpapaimbabaw ng salawahang puso.—Mat 15:7, 8. Kung nais ng isa na paluguran ang Diyos, hindi siya dapat magkaroon ng pusong hati ni ng salawahang puso kundi dapat niyang paglingkuran ang Diyos taglay ang isang sakdal na puso. (1Cr 28:9) Nangangailangan ito ng marubdob na pagsisikap dahil ang puso ay mapanganib at nakahilig sa kasamaan. (Jer 17:9, 10; Gen 8:21) Makatutulong sa pagpapanatili ng isang sakdal na puso ang mga sumusunod: taos-pusong pananalangin (Aw 119:145; Pan 3:41), regular na pag-aaral ng Salita ng Diyos (Ezr 7:10; Kaw 15:28), masigasig na pakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita (ihambing ang Jer 20:9), at pakikisama sa iba na ang mga puso ay sakdal kay Jehova.—Ihambing ang 2Ha 10:15, 16. Ano ang kahulugan ng pagiging “kapos ang puso”? Maraming ulit na binabanggit sa Kasulatan ang pagiging “kapos ang puso” ng isang tao. Sinasabi ng Lexicon in Veteris Testamenti Libros (nina Koehler at Baumgartner, Leiden, 1958, p. 470) na nangangahulugan ito ng “kawalang-katalinuhan.” Sinasabi naman ng A Hebrew and English Lexicon of the Old Testament ni William Gesenius (isinalin ni E. Robinson, 1836, p. 517) na ang gayong tao ay “salat sa unawa.” Ang pagiging “kapos ang puso” ay makikita sa isang tao na kulang sa mabuting pagpapasiya o kaunawaan. Kaya naman ang ‘kakapusan ng puso’ ay ipinakikitang naiiba sa “unawa” (Kaw 10:13) at “kaunawaan.” (Kaw 11:12; 15:21) Sa ibang mga teksto, ang isa na “kapos ang puso” ay inilalarawan bilang “walang-karanasan,” “mangmang,” anupat kulang sa karunungan. (Kaw 7:7; 9:1-9, 16; 10:21) Sa paggamit ng terminong “puso,” ipinakikita ng mga kasulatang ito na salat sa positibong mga katangian ang buong panloob na pagkatao ng isa. Makikita mula sa konteksto ng Kasulatan kung saan ginamit ang pananalitang “kapos ang puso” na ito ay nagsasangkot ng ideya ng pagiging kulang sa mabuting pagpapasiya o kaunawaan. Sa Kawikaan 6:32, sinasabi ng taong marunong na ang isa na nangangalunya ay “kapos ang puso.” Ang ibang mga salin dito ay kababasahan: “salat sa katinuan” (Ro), “walang katinuan” (RS, JB), “kulang sa mahusay na pagpapasiya” (NIV), “isang hangal na mangmang” (NE). Ang nangangalunya ay “isang hangal na mangmang” dahil mapait ang bunga ng gayong seksuwal na imoralidad. (Kaw 1:2-4; 6:23-35; 7:7, 21-27) Sa panlabas ay maaari siyang magtinging isang taong kagalang-galang, ngunit ang kaniyang panloob na pagkatao ay hindi sumusulong sa tamang paraan. Isa pang kawikaan ang nagsasabi: “Ang taong kapos ang puso [“salat sa katinuan,” Ro] ay nakikipagkamay [isang pagkilos na ginagawa kapag nagtitibay ng isang kasunduan], na lubusang nananagot sa harap ng kaniyang kapuwa.” (Kaw 17:18) Palibhasa’y naiimpluwensiyahan marahil ng sentimyento, pinapasok ng gayong tao ang isang kasunduan na malamang na maging dahilan ng pagkaubos ng kaniyang salapi at ng malubhang kahirapan sa kabuhayan. Bagaman maaaring mabuti ang layunin niya at kapuri-puri ang kaniyang mga motibo, makikitang kulang siya sa mabuting pagpapasiya. Kabaligtaran naman ng pagiging “kapos ang puso,” binabanggit din ng mga kawikaan ang isang tao na “nagtatamo ng puso.” Gaya ng sinasabi ng Kawikaan 19:8: “Siyang nagtatamo ng puso ay umiibig sa kaniyang sariling kaluluwa. Siyang nag-iingat ng kaunawaan ay makasusumpong ng mabuti.” Isa siyang tao na seryosong nagbibigay-pansin sa kaniyang tunay na panloob na pagkatao. Ginagamit niya ang kaniyang pag-iisip upang magtamo ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos at sa Kaniyang mga daan. Binubulay-bulay niya ang mga bagay na ito at sinisikap niyang ikapit ang mga ito. Maingat niyang hinuhubog ang kaniyang mga pagnanasa, mga naisin, mga emosyon, at mga tunguhin sa buhay kasuwato ng natatanto niya na sasang-ayunan ng Diyos. Sa paggawa nito, nakikinabang siya, anupat ipinakikitang ‘iniibig niya ang kaniyang sariling kaluluwa.’ Sa pamamagitan ng pagpapatibay niya sa kaniyang panloob na pagkatao sa gayong paraan, ‘iniingatan niya ang kaunawaan,’ sapagkat pinalalakas niya sa kaayaayang mga paraan yaong mga salik na makatutulong sa kaniya nang malaki upang makapag-isip nang malinaw at makakilos nang may karunungan. Ang Puso ng Diyos. Isinisiwalat ni Jehova na siya ay may mga damdamin at mga emosyon, anupat inilalarawan ng Bibliya na mayroon siyang “puso.” Noong panahon ng Baha, “siya ay nasaktan sa kaniyang puso,” sapagkat ikinalungkot niya na itinakwil ng mga tao ang kaniyang matuwid na pamamahala, anupat kinailangan niyang magbago ng papel mula sa pagiging kanilang tagapagpala tungo sa pagiging kanilang tagapuksa. (Gen 6:6) Sa kabaligtaran naman, ang “puso” ng Diyos ay ‘sumasaya’ kapag nananatiling tapat ang kaniyang mga lingkod. (Kaw 27:11) Ang may-kalupitang paghahandog ng mga tao bilang mga haing sinusunog, na isinagawa ng ilan sa mga Israelitang lumihis ng landas, ay hindi kailanman pumasok sa puso ng Diyos, anupat nagpapakita rin na hindi siya isang Diyos ng walang-hanggang pagpapahirap.—Jer 7:31; 19:5. Ang Sentro, o Gitna, ng Isang Bagay. Dahil ang literal na puso ay isang sangkap na nasa bandang gitna ng katawan, kung minsan ay ikinakapit ang terminong “puso” sa sentro, o gitna, ng isang bagay, gaya ng “mapapasapuso ng lupa” (Mat 12:40), “kalagitnaan [sa literal, puso] ng dagat” (Exo 15:8; Jon 2:3), at “gitna [sa literal, puso] ng malaking punungkahoy” (2Sa 18:14). Sa Deuteronomio 4:11, ang pananalitang “kalagitnaan ng langit” ay literal na nangangahulugang “puso ng langit.”—Tingnan ang tlb sa Rbi8. Makahula. Lumilitaw ang makasagisag na paggamit ng “puso” sa isang makahulang paraan sa Daniel 7:4, kung saan ang tulad-leong hayop na kumakatawan sa kaharian ng Babilonya ay pinatindig sa dalawang paa at binigyan ng “puso ng tao,” samakatuwid nga, hindi na nito taglay ang may-lakas ng loob na “puso ng leon.” (2Sa 17:10) Pagkatapos ay tinalo ito ng makasagisag na “oso,” ang Medo-Persia.—Dan 7:5; tingnan ang HAYOP, MAKASAGISAG NA MGA. Pagtulad sa Diyos ng Katotohanan “Maging mga tagatulad kayo sa Diyos, bilang mga anak na minamahal.”—EFESO 5:1. “ANO ang katotohanan?” (Juan 18:38) Ang tanong na iyan, na mapang-uyam na iniharap ni Poncio Pilato halos 2,000 taon na ang nakalilipas, ay nagpapahiwatig na napakailap hanapin ng katotohanan. Marami sa ngayon ang sasang-ayon dito. Ang mismong katotohanan ay sinasalakay. Baka narinig mo nang sinabi na ang bawat isa ang nagpapasiya kung ano ang katotohanan, o na ang katotohanan ay may pasubali, o na ang katotohanan ay laging nagbabago. Ang gayong pangangatuwiran ay mali. Ang mismong tunguhin ng pagsasaliksik at edukasyon ay ang matutuhan ang katotohanan tungkol sa daigdig na kinabubuhayan natin. Ang katotohanan ay hindi nakasalig sa personal na opinyon. Halimbawa, alinman sa ang kaluluwa ng tao ay imortal o hindi. Alinman sa si Satanas ay umiiral o hindi. Alinman sa may layunin ang buhay o wala. Sa bawat isa sa mga ito, may isang tamang sagot lamang. Isa ang tama, at isa naman ang mali; hindi maaaring parehong maging tama. 2 Sa nakaraang artikulo, natalakay natin na si Jehova ang Diyos ng katotohanan. Nalalaman niya ang katotohanan sa lahat ng bagay. Ibang-iba sa kaniyang mapanlinlang na kaaway na si Satanas na Diyablo, si Jehova ay laging tapat. Bukod dito, saganang isinisiwalat ni Jehova ang katotohanan sa iba. Hinimok ni apostol Pablo ang mga kapuwa Kristiyano: “Maging mga tagatulad kayo sa Diyos, bilang mga anak na minamahal.” (Efeso 5:1) Bilang mga Saksi ni Jehova, paano natin siya matutularan sa pagsasalita at pamumuhay ayon sa katotohanan? Bakit mahalagang gawin ito? At anong katiyakan ang taglay natin na sinasang-ayunan ni Jehova ang mga nagtataguyod ng landasin ng pagkamatapat? Tingnan natin. 3 Tayo ay nabubuhay sa panahong laganap ang kabulaanan sa relihiyon. Gaya ng inihula ni apostol Pablo sa ilalim ng pagkasi ng Diyos, maraming tao sa “mga huling araw” na ito ang may anyo ng makadiyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito. Ang ilan ay lumalaban sa katotohanan, palibhasa’y “lubusang napasamâ ang pag-iisip.” Karagdagan pa, ‘ang mga taong balakyot at mga impostor . . . ay nagpapatuloy mula sa masama tungo sa lalong masama, nanlíligaw at naililigaw.’ Bagaman ang gayong mga tao ay laging nag-aaral, hindi sila kailanman sumasapit sa “tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—2 Timoteo 3:1, 5, 7, 8, 13. 4 Kinasihan din si apostol Pedro na sumulat tungkol sa mga huling araw. Kagaya ng kaniyang inihula, hindi lamang tinatanggihan ng mga tao ang katotohanan kundi tinutuya rin nila ang Salita ng Diyos at yaong mga naghahayag ng katotohanan nito. “Ayon sa kanilang naisin,” ipinagwawalang-bahala ng gayong mga manunuya ang katotohanan na ang sanlibutan noong panahon ni Noe ay inapawan ng tubig, na nagsisilbing isang halimbawa para sa araw ng paghuhukom sa hinaharap. Ang kanilang pangarap ay mangangahulugan ng kapahamakan para sa kanila kapag sumapit na ang oras ng Diyos upang puksain ang mga di-makadiyos.—2 Pedro 3:3-7. Alam ng mga Lingkod ni Jehova ang Katotohanan 5 Sa isang paglalarawan sa “panahon ng kawakasan,” inihula ni propeta Daniel ang isang naiibang pangyayari sa bayan ng Diyos—isang pagpapanumbalik ng relihiyosong katotohanan. Siya ay sumulat: “Marami ang magpaparoo’t parito, at ang tunay na kaalaman ay sasagana.” (Daniel 12:4) Ang bayan ni Jehova ay hindi nalilito o nabubulag ng pangunahing Manlilinlang. Dahil sa pagpaparoo’t parito sa mga pahina ng Bibliya, sila ay nagtamo ng tunay na kaalaman. Noong unang siglo, si Jesus ay nagbigay ng kaliwanagan sa kaniyang mga alagad. “Lubusan niyang binuksan ang kanilang mga pag-iisip upang maintindihan ang kahulugan ng Kasulatan.” (Lucas 24:45) Sa ating panahon, si Jehova ay kumilos din sa katulad na paraan. Sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ng kaniyang espiritu, at ng kaniyang organisasyon, pinangyari niyang maunawaan ng milyun-milyon sa buong lupa kung ano ang alam niya—ang katotohanan. 6 Bilang bayan ng Diyos, nauunawaan natin ang maraming bagay na hindi sana natin nalaman. Alam natin ang mga sagot sa mga tanong na pinagsisikapang malaman ng matatalinong tao sa sanlibutan sa loob ng libu-libong taon. Halimbawa, alam natin kung bakit may pagdurusa, kung bakit namamatay ang mga tao, at kung bakit hindi matamo ng mga tao ang kapayapaan at pagkakaisa sa buong lupa. Binigyan din tayo ng isang pangitain kung ano ang maaasahan sa hinaharap—ang Kaharian ng Diyos, paraisong lupa, at walang-katapusang buhay sa kasakdalan. Nakilala natin si Jehova, ang Kadaki-dakilaan. Natutuhan natin ang tungkol sa kaniyang kaakit-akit na personalidad lakip na kung ano ang dapat nating gawin upang tanggapin ang kaniyang pagpapala. Ang pagkaalam ng katotohanan ay nagpapangyari na mabatid natin kung ano ang hindi totoo. Ang pagkakapit sa katotohanan ay nagsasanggalang sa atin mula sa walang-katuturang mga gawain, nagpapangyari na matamo natin ang pinakamabuti sa buhay, at nagbibigay sa atin ng kamangha-manghang pag-asa sa hinaharap. 7 Nauunawaan mo ba ang katotohanan sa Bibliya? Kung oo, sagana kang pinagpala. Kapag ang isang awtor ay sumusulat ng aklat, kadalasan ay ginagawa niya ito sa paraang makaaakit sa isang espesipikong grupo ng mga tao. Ang ilang aklat ay isinulat para sa mga may mataas na pinag-aralan, ang iba ay para sa mga bata, at ang iba naman ay para sa mga nasa pantanging mga larangan. Bagaman ang Bibliya ay madaling makuha ng lahat, ito ay nilayong maunawaan at mapahalagahan ng isang partikular na grupo ng mga tao. Dinisenyo ito ni Jehova para sa mga mapagpakumbaba, sa maaamong tao sa lupa. Maiintindihan ng gayong mga tao ang diwa ng Bibliya, anuman ang kanilang edukasyon, kultura, kalagayan sa buhay, o etnikong grupo. (1 Timoteo 2:3, 4) Sa kabilang panig, ipinagkait ang kaunawaan sa katotohanan sa Bibliya sa mga hindi wastong nakaayon, gaano man sila katalino o kaedukado. Ang palalo, ang mapagmapuri, ay hindi makaiintindi sa mahahalagang katotohanan ng Salita ng Diyos. (Mateo 13:11-15; Lucas 10:21; Gawa 13:48) Ang Diyos lamang ang makagagawa ng gayong aklat. Ang mga Lingkod ni Jehova ay Tapat 8 Tulad ni Jehova, ang kaniyang mga Saksi ay tapat. Ang katotohanan ay pinagtibay ni Jesu-Kristo, ang pangunahing Saksi ni Jehova, sa pamamagitan ng mga bagay na itinuro niya at sa paraan ng kaniyang pamumuhay at kamatayan. Itinaguyod niya ang katotohanan ng salita at mga pangako ni Jehova. Dahil dito, si Jesus ang pinakalarawan ng katotohanan, tulad ng mismong sinabi niya.—Juan 14:6; Apocalipsis 3:14; 19:10. 9 Si Jesus ay ‘puspos ng di-sana-nararapat na kabaitan at katotohanan’ at “walang panlilinlang sa kaniyang bibig.” (Juan 1:14; Isaias 53:9) Sinusunod ng tunay na mga Kristiyano ang halimbawa ni Jesus sa pagiging tapat sa iba. Pinayuhan ni Pablo ang mga kapananampalataya niya: “Magsalita ang bawat isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa, sapagkat tayo ay mga sangkap na nauukol sa isa’t isa.” (Efeso 4:25) Mas maaga rito, si propeta Zacarias ay sumulat: “Magsalita kayo ng katotohanan sa isa’t isa.” (Zacarias 8:16) Ang mga Kristiyano ay tapat dahil gusto nilang paluguran ang Diyos. Si Jehova ay tapat at nalalaman niya ang pinsalang idinudulot ng kabulaanan. Kaya, makatuwirang asahan niya na ang kaniyang mga lingkod ay magsasabi ng katotohanan. 10 Para sa marami, ang pagsisinungaling ay waring isang maalwang paraan upang magtamo ng ilang kapakinabangan. Nagsisinungaling ang mga tao upang makaiwas sa kaparusahan, upang makinabang sa ilang kaparaanan, o upang matamo ang papuri ng iba. Subalit ang nakaugaliang pagsisinungaling ay isang bisyo. Bukod dito, ang isang sinungaling ay hindi magtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos. (Apocalipsis 21:8, 27; 22:15) Kapag tayo ay kilalá bilang tapat, ang iba ay naniniwala sa ating sinasabi; nagtitiwala sila sa atin. Gayunman, kapag tayo ay nahuling nagsasabi ng kahit isang kasinungalingan, maaaring magduda ang iba kung talagang totoo nga ang anumang sasabihin natin sa hinaharap. Isang kawikaan sa Aprika ang nagsasabi: “Ang isang kabulaanan ay sumisira sa isang libong katotohanan.” Isa pang kawikaan ang nagsasabi: “Ang isang sinungaling ay hindi paniniwalaan, kahit na siya’y nagsasalita ng katotohanan.” 11 Ang pagkamatapat ay nangangahulugan ng higit pa sa pagsasabi lamang ng katotohanan. Ito ay isang paraan ng pamumuhay. Ipinakikita nito kung sino tayo. Ipinababatid natin ang katotohanan sa iba hindi lamang sa pamamagitan ng ating sinasabi kundi sa pamamagitan din ng ating ginagawa. “Ikaw ba, na nagtuturo sa iba, ay hindi nagtuturo sa iyong sarili?” ang tanong ni Pablo. “Ikaw, na nangangaral na ‘Huwag magnanakaw,’ nagnanakaw ka ba? Ikaw, na nagsasabing ‘Huwag mangalunya,’ nangangalunya ka ba?” (Roma 2:21, 22) Upang maibahagi natin sa iba ang katotohanan, dapat tayong maging tapat sa lahat ng ating daan. Ang ating reputasyon sa pagkamatapat at pagiging totoo ay may matinding epekto sa pagtugon ng mga tao sa ating itinuturo. 12 Ang mga kabataang kabilang sa mga lingkod ni Jehova ay nakauunawa rin sa kahalagahan ng pagiging tapat. Sa isang sanaysay sa paaralan, si Jenny na 13 taóng gulang noon ay sumulat: “Ang pagiging matapat ay isang bagay na tunay ngang pinahahalagahan ko. Nakalulungkot, kakaunti lamang ang mga tao na lubos na matapat sa ngayon. Nangako ako sa aking sarili na lagi akong magiging matapat sa buong buhay ko. Ako rin ay magiging matapat kahit na ang pagsasabi ng katotohanan ay hindi kaagad magdudulot ng kapakinabangan sa akin o sa aking mga kaibigan. Titiyakin ko na ang aking mga kaibigan ay yaong mga nagsasabi ng katotohanan at matatapat na tao.” 13 Sa pagkokomento sa sanaysay na ito, ganito ang sabi ng guro ni Jenny: “Kahit na napakabata mo pa ay nagkaroon ka na ng ganiyang katibay na moral at etikong pamantayan. Alam ko na patuloy mong itataguyod ang iyong pamantayan sapagkat ikaw ay may matibay na moral.” Ano ang naging dahilan upang magkaroon ng matibay na moral ang mág-aarál na batang babaing ito? Sa pambungad ng kaniyang sanaysay, binanggit ni Jenny na ang kaniyang relihiyon ang “nagtatakda ng mga pamantayan para sa [kaniyang] buhay.” Pitong taon na ang nakalilipas mula nang isulat ni Jenny ang sanaysay na iyon. Gaya ng hinuha ng kaniyang guro, si Jenny ay nagpapatuloy sa pagpapamalas ng mataas na pamantayang moral sa kaniyang buhay bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Isinisiwalat ng mga Lingkod ni Jehova ang Katotohanan 14 Mangyari pa, ang iba pa bukod sa mga Saksi ni Jehova ay maaaring magsabi rin ng katotohanan at magsikap na maging matapat. Gayunman, bilang mga lingkod ng Diyos, tayo ay may lalo nang malaking pananagutan na itaguyod kung ano ang totoo. Ipinagkatiwala sa atin ang mga katotohanan sa Bibliya—mga katotohanan na maaaring umakay sa isa sa buhay na walang hanggan. Kaya, mayroon tayong obligasyon na ibahagi ang kaalamang iyan sa iba. “Bawat isa na binigyan ng marami,” sabi ni Jesus, “marami ang hihingin sa kaniya.” (Lucas 12:48) Tiyak na ‘marami ang hinihingi’ sa mga pinagkalooban ng mahalagang kaalaman sa Diyos. 15 May kaligayahan sa pagsasabi sa iba ng katotohanan sa Bibliya. Kagaya ng unang-siglong mga alagad ni Jesus, ating ipinahahayag ang mabuting balita—isang nakaaaliw na mensahe ng pag-asa—sa mga “nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol” at sa mga binulag at nilito ng “mga turo ng mga demonyo.” (Mateo 9:36; 1 Timoteo 4:1) Si apostol Juan ay sumulat: “Wala na akong mas dakilang dahilan sa pagpapasalamat kaysa sa mga bagay na ito, na marinig ko na ang aking mga anak ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.” (3 Juan 4) Ang katapatan ng “mga anak” ni Juan—marahil yaong mga naakay niya sa katotohanan—ay nagdulot sa kaniya ng malaking kagalakan. Nagagalak tayo kapag nakikita nating tumutugon nang may pagpapahalaga ang mga tao sa Salita ng Diyos. 16 Totoo, hindi lahat ay tatanggap ng katotohanan. Si Jesus ay nagsalita ng katotohanan tungkol sa Diyos, kahit na di-popular na gawin iyon. Sa mga sumasalansang na Judio ay sinabi niya: “Bakit nga hindi kayo naniniwala sa akin? Siya na mula sa Diyos ay nakikinig sa mga pananalita ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit hindi kayo nakikinig, sapagkat kayo ay hindi mula sa Diyos.”—Juan 8:46, 47. 17 Tayo, gaya ni Jesus, ay hindi nag-aatubiling magsabi ng mahalagang katotohanan tungkol kay Jehova. Hindi natin inaasahan na tatanggapin ng lahat ang ating sinasabi sa kanila, sapagkat hindi lahat ay tumanggap sa sinabi ni Jesus. Gayunman, taglay natin ang kagalakan ng pagkaalam na ginagawa natin ang tama. Dahil sa kaniyang maibiging-kabaitan, nais ni Jehova na maisiwalat ang katotohanan sa mga tao. Bilang mga nagtataglay ng katotohanan, ang mga Kristiyano ay naging mga tagapagdala ng liwanag sa isang madilim na sanlibutan. Kung hahayaan nating suminag ang liwanag ng katotohanan sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa, matutulungan natin ang iba na magbigay ng kaluwalhatian sa ating makalangit na Ama. (Mateo 5:14, 16) Hayagan nating ipinababatid na tinatanggihan natin ang huwad na bersiyon ng katotohanan ni Satanas at itinataguyod ang dalisay at di-nabantuang Salita ng Diyos. Ang katotohanan na ating alam at ibinabahagi ay maaaring magbigay ng tunay na kalayaan sa mga tatanggap nito.—Juan 8:32. Itaguyod ang Landasin ng Pagkamatapat 18 Inibig at sinalita ni Jesus ang katotohanan. Noong panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa, ipinakita niya ang pagsang-ayon sa mga tapat. Tungkol kay Natanael, sinabi ni Jesus: “Tingnan ninyo, isang tunay na Israelita, na sa kaniya ay walang panlilinlang.” (Juan 1:47) Pagkatapos, si Natanael, na malamang na tinawag ding Bartolome, ay pinili bilang isa sa 12 apostol. (Mateo 10:2-4) Anong laking karangalan! 19 Isang buong kabanata sa aklat ng Juan sa Bibliya ang naglalahad ng ulat hinggil sa isang matapat na tao na pinagpala ni Jesus. Hindi natin alam ang kaniyang pangalan. Ang alam lang natin ay pulubi at bulag ang lalaki mula sa kaniyang pagsilang. Namangha ang mga tao nang ibalik ni Jesus ang kaniyang paningin. Ang balita ng makahimalang pagpapagaling na ito ay nakaabot sa pandinig ng ilang Pariseo, mga napopoot sa katotohanan, na nagsabuwatan na ang sinumang sasampalataya kay Jesus ay itataboy mula sa sinagoga. Palibhasa’y alam ang kanilang maitim na balak, ang nahihintakutang mga magulang ng dating bulag na lalaki ay nagsinungaling sa mga Pariseo, na sinasabing hindi nila alam kung paanong ang kanilang anak ay nakakakita na ngayon o kung sino ang nagpangyari nito.—Juan 9:1-23. 20 Ang pinagaling na lalaki ay muling ipinatawag sa harapan ng mga Pariseo. May-katapangan niyang sinabi ang katotohanan, anupat ipinagwalang-bahala ang anumang maaaring mangyari. Ipinaliwanag niya kung paano siya gumaling at na si Jesus ang gumawa niyaon. Palibhasa’y namangha nang lubha dahil ang kilala at edukadong mga lalaking ito ay hindi naniwala na si Jesus ay mula sa Diyos, ang pinagaling na lalaki ay walang-takot na humimok sa kanila na tanggapin ang isang di-mapag-aalinlanganang bagay: “Kung ang taong ito ay hindi mula sa Diyos, wala siyang magagawang anuman.” Dahil wala na silang maipangatuwiran, ang lalaki ay pinaratangan ng mga Pariseo ng kawalang-pakundangan at pinalayas siya.—Juan 9:24-34. 21 Nang malaman ito ni Jesus, maibiging gumugol siya ng panahon upang hanapin ang lalaki. Nang masumpungan niya ito, higit pa niyang pinatibay ang pananampalatayang ipinakita ng dating bulag na lalaki. Hayagang ipinakilala ni Jesus ang kaniyang sarili bilang ang Mesiyas. Tunay na pinagpala ang lalaking iyon sa pagsasabi ng katotohanan! Tiyak na ang pagsang-ayon ng Diyos ay nasa mga taong nagsasalita ng katotohanan.—Juan 9:35-37. 22 Ang pamumuhay ayon sa katotohanan ay isang tunguhin na dapat nating dibdibin. Mahalagang bagay ito sa pagkakaroon at pagpapanatili ng mabuting kaugnayan sa mga tao at sa Diyos. Ang pagiging tapat ay ang pagiging totoo, tunay, madaling lapitan, at mapagkakatiwalaan, at nagdudulot ito ng pagsang-ayon ni Jehova. (Awit 15:1, 2) Ang pagiging di-tapat ay nangangahulugan ng pagiging mapandaya, di-maaasahan, at huwad, at nag-aalis ito ng pagsang-ayon ni Jehova. (Kawikaan 6:16-19) Kaya, maging determinado na itaguyod ang landasin ng pagkamatapat. Sa katunayan, upang matularan ang Diyos ng katotohanan, kailangang alam natin ang katotohanan, nagsasalita tayo ng katotohanan, at namumuhay ayon sa katotohanan. Hanapin ang Diyos sa Pamamagitan ng Iyong Puso at Isip Ang tunay na Kristiyanismo ay nagpapasigla sa paggamit ng puso at isip upang malinang ang pananampalataya na nakalulugod sa Diyos. SA KATUNAYAN, ang tagapagtatag ng Kristiyanismo, si Jesus Kristo, ay nagturo sa atin na ibigin ang Diyos nang “buong pag-iisip” o talino natin, bukod pa sa “buong puso” at “buong kaluluwa” natin. (Mateo 22:37) Oo, ang mga kakayahan ng ating isipan ay dapat gumanap ng isang mahalagang papel sa ating pagsamba. Kapag inaanyayahan ang kaniyang mga tagapakinig na pag-isipan ang kaniyang turo, kadalasang sinasabi ni Jesus: “Ano sa palagay mo?” (Mateo 17:25; 18:12; 21:28; 22:42) Sa ganito ring paraan, si apostol Pedro ay sumulat sa mga kapananampalataya upang ‘gisingin ang kanilang malinaw na kakayahan ng pag-iisip.’ (2 Pedro 3:1) Ang unang misyonero na may pinakamalawak na nalakbay, si apostol Pablo, ay nagpayo sa mga Kristiyano na gamitin ang kanilang “kakayahan sa pangangatuwiran” at upang “mapatunayan [nila] sa [kanilang] sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Roma 12:1, 2) Sa pamamagitan lamang ng gayong lubusan at maingat na pagsasaalang-alang ng kanilang mga paniniwala, malilinang ng mga Kristiyano ang pananampalataya na kalugud-lugod sa Diyos at nakatutulong upang mapagtagumpayan ang mga pagsubok na babangon sa buhay.—Hebreo 11:1, 6. Upang matulungan ang iba na malinang ang gayong pananampalataya, ang unang mga Kristiyanong ebanghelisador ay ‘nangatuwiran sa kanila mula sa Kasulatan, na ipinaliliwanag at pinatutunayan sa pamamagitan ng mga reperensiya’ ang mga bagay na itinuro. (Gawa 17:1-3) Ang gayong makatuwirang paglapit ay umaakay sa isang mainam na pagtugon mula sa tapat-pusong mga tao. Halimbawa, may ilang tao sa lunsod ng Berea sa Macedonia ang ‘tumanggap sa salita [ng Diyos] nang may buong pananabik ng kaisipan, na maingat na sinusuri ang Kasulatan sa araw-araw kung totoo nga ang mga bagay na [ipinaliwanag ni Pablo at ng kaniyang mga kasamahan].’ (Gawa 17:11) Dalawang bagay ang marapat pansinin dito. Una, ang mga taga-Berea ay may pananabik na nakinig sa Salita ng Diyos; ikalawa, hindi nila basta na lamang itinuring na tama ang kanilang napakinggan, kundi muli nilang sinuri ang Kasulatan. May paggalang na pinapurihan ng misyonerong Kristiyano na si Lucas ang mga taga-Berea dahil dito, anupat tinawag sila na “mararangal ang pag-iisip.” Ipinamamalas mo ba ang gayong marangal na pag-iisip sa iyong pagsasaalang-alang ng espirituwal na mga bagay? Nagtutulungan ang Isip at Puso Gaya ng nabanggit kanina, nasasangkot ang isip at puso sa tunay na pagsamba. (Marcos 12:30) Alalahanin ang ilustrasyon sa naunang artikulo hinggil sa isang upahang pintor na gumamit ng maling mga kulay sa pagpipinta ng isang bahay. Kung siya ay maingat na nakinig sa mga tagubilin ng umupa sa kaniya, maaaring buong puso at kaluluwa siyang nakapagtrabaho at nagkaroon ng pagtitiwala na ang kaniyang gawa ay maaaring sang-ayunan ng may-ari. Ito ay kumakapit din sa ating pagsamba. “Sasambahin ng mga tunay na mananamba,” wika ni Jesus, “ang Ama sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:23) Kaya, sumulat si apostol Pablo: “Iyan din ang dahilan kung bakit kami . . . ay hindi tumitigil sa pananalangin para sa inyo at sa paghiling na mapuspos kayo ng tumpak na kaalaman sa kaniyang kalooban na may buong karunungan at espirituwal na pagkaunawa, sa layuning lumakad nang karapat-dapat kay Jehova upang palugdan siya nang lubos.” (Colosas 1:9, 10) Ang gayong “tumpak na kaalaman” ay nagpapangyari sa taimtim na mga indibiduwal na maging buong puso at kaluluwa sa kanilang pagsamba taglay ang lubos na pagtitiwala sapagkat sila ay ‘sumasamba sa kanilang nakikilala.’—Juan 4:22. Dahilan dito, hindi binabautismuhan ng mga Saksi ni Jehova ang mga sanggol o ang bagong interesadong mga tao na hindi pa maingat na nakapag-aaral sa Kasulatan. Inatasan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod: “Gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, . . . na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Pagkatapos lamang na magtamo ng tumpak na kaalaman sa kalooban ng Diyos, maaaring makagawa ng tumpak na pagpapasiya ang taimtim na mga estudyante sa Bibliya hinggil sa pagsamba. Ikaw ba ay nagsisikap na magtamo ng gayong tumpak na kaalaman? Pag-unawa sa Panalangin ng Panginoon Upang makita ang pagkakaiba ng pagkakaroon ng tumpak na kaalaman sa Bibliya at pagkakaroon ng limitadong kaalaman sa sinasabi nito, isaalang-alang natin ang karaniwang tinatawag na Ama Namin, o ang Panalangin ng Panginoon, na nakaulat sa Mateo 6:9-13. Milyun-milyon ang regular na umuusal ng modelong panalangin ni Jesus sa simbahan. Subalit gaano karami ang naturuan hinggil sa kahulugan nito, lalo na sa unang bahagi ng panalangin na tumutukoy sa pangalan at Kaharian ng Diyos? Ang mga paksang ito ay napakahalaga anupat inuna ni Jesus ang mga ito sa panalangin. Ito’y nagsisimula nang ganito: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan,” na nangangahulugang sambahin, o gawing banal. Pansinin na sinabi ni Jesus na ipanalangin na pakabanalin ang pangalan ng Diyos. Para sa maraming tao, ito ay nagbabangon ng di-kukulangin sa dalawang tanong. Una, ano ang pangalan ng Diyos? At ikalawa, bakit kailangan itong pakabanalin? Ang sagot sa unang tanong ay maaaring masumpungan sa mahigit na 7,000 lugar sa Bibliya sa orihinal na mga wika nito. Ang isa ay nasa Awit 83:18: “Upang malaman ng mga tao na ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” Hinggil sa banal na pangalang Jehova, ang Exodo 3:15 ay nagsasabi: “Ito ang aking pangalan hanggang sa panahong walang takda, at ito ang pinakaalaala sa akin sa sali’t salinlahi.”* Ngunit bakit ang pangalan ng Diyos na siya mismong pinakadiwa ng kadalisayan at kabanalan ay kailangang pakabanalin? Sapagkat ito ay inupasala at siniraang-puri buhat pa sa mismong pasimula ng kasaysayan ng tao. Sa Eden, sinabi ng Diyos kina Adan at Eva na sila ay mamamatay kapag kinain nila ang ipinagbabawal na bunga. (Genesis 2:17) Buong-kapangahasang sinalungat ni Satanas ang Diyos, anupat sinabi niya kay Eva: “Tiyak na hindi kayo mamamatay.” Kaya, pinaratangan ni Satanas ang Diyos ng pagsisinungaling. Subalit hindi siya huminto roon. Higit pa niyang inupasala ang pangalan ng Diyos, na sinasabi kay Eva na ang Diyos diumano ay hindi makatuwirang nagkakait sa kaniya ng mahalagang kaalaman. “Sapagkat nalalaman ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo mula [sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama] ay madidilat nga ang inyong mga mata at kayo nga ay magiging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” Isa ngang paninirang-puri!—Genesis 3:4, 5. Sa pamamagitan ng pagkain sa ipinagbabawal na bunga, sina Adan at Eva ay nanindigan sa panig ni Satanas. Ang karamihan sa mga tao mula noon, nalalaman man nila o hindi, ay nakaragdag sa orihinal na pag-upasalang iyon sa pamamagitan ng pagtatakwil sa matutuwid na pamantayan ng Diyos. (1 Juan 5:19) Patuloy na sinisiraang-puri ng mga tao ang Diyos sa pamamagitan ng paninisi sa kaniya dahil sa kanilang pagdurusa—bagaman maaaring ito ay dahil sa kanilang masasamang lakad. “Ang kamangmangan ng tao ang sumisira sa kaniyang buhay, at pagkatapos siya ay nagagalit laban sa Diyos,” wika ng Kawikaan 19:3. (The New English Bible) Nauunawaan ba ninyo kung bakit si Jesus, na tunay na umiibig sa kaniyang Ama, ay nanalangin na pakabanalin ang Kaniyang pangalan? “Dumating Nawa ang Iyong Kaharian” Pagkatapos ipanalangin na pakabanalin ang pangalan ng Diyos, sinabi ni Jesus: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Hinggil sa tekstong iyan, maaari nating itanong: ‘Ano ang Kaharian ng Diyos? At ano ang kaugnayan ng pagdating nito sa pagsasagawa ng kalooban ng Diyos sa lupa?’ Sa Bibliya, ang salitang “kaharian” ay karaniwang nangangahulugang “pamamahala ng isang hari.” Makatuwiran kung gayon na ang Kaharian ng Diyos ay tutukoy sa isang pamamahala, o gobyerno, ng Diyos, na may isang hari na pinili niya. Ang Haring ito ay walang iba kundi ang binuhay-muling si Jesu-Kristo—ang “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.” (Apocalipsis 19:16; Daniel 7:13, 14) Hinggil sa Mesiyanikong Kaharian ng Diyos sa mga kamay ni Jesu-Kristo, ang propetang si Daniel ay sumulat: “Sa mga araw ng mga haring iyon [mga gobyerno ng tao na ngayo’y namamahala] ay magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda,” na nangangahulugang magpakailanman.—Daniel 2:44. Oo, ang Kaharian ng Diyos ay magkakaroon ng lubusang kontrol sa lupa, na pinapawi ang lahat ng kabalakyutan at mamamahala “hanggang sa panahong walang takda,” na nangangahulugang, walang hanggan. Sa ganitong paraan, ang Kaharian ng Diyos ang siyang paraan upang pakabanalin ni Jehova ang kaniyang pangalan, na pinapawi ang bulaang pag-upasala ni Satanas at ng balakyot na mga tao.—Ezekiel 36:23. Tulad ng lahat ng pamahalaan, may mga sakop ang Kaharian ng Diyos. Sino ang mga ito? Ang Bibliya ay sumasagot: “Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:11) Gayundin naman, sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang mamanahin nila ang lupa.” Sabihin pa, taglay ng mga ito ang tumpak na kaalaman ng Diyos, na isang kahilingan ukol sa buhay.—Mateo 5:5; Juan 17:3. Maguguniguni mo ba na ang buong lupa ay punô ng maaamo, mahinahong-loob na mga tao na tunay na umiibig sa Diyos at umiibig sa isa’t isa? (1 Juan 4:7, 8) Ito ang ipinanalangin ni Jesus nang sabihin niya: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” Nauunawaan mo ba kung bakit tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na manalangin sa gayong paraan? Higit na mahalaga, nakikita mo ba kung paano makaaapekto sa iyo nang personal ang katuparan ng panalanging iyan? Milyun-milyon Na Ngayon ang Nangangatuwiran Salig sa Kasulatan Inihula ni Jesus ang isang pangglobong kampanya ng espirituwal na edukasyon na maghahayag sa dumarating na Kaharian ng Diyos. Sinabi niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; kung magkagayon ay darating ang wakas [ng kasalukuyang sanlibutan, o sistema].”—Mateo 24:14. Sa palibot ng daigdig, ibinabahagi ng mga anim na milyong Saksi ni Jehova ang mabuting balitang iyan sa kanilang kapuwa. Ikaw ay inaanyayahan nila na matuto pa nang higit hinggil sa Diyos at sa kaniyang Kaharian sa pamamagitan ng ‘maingat na pagsusuri sa Kasulatan,’ na ginagamit ang iyong kakayahan sa pangangatuwiran. Ang paggawa nito ay magpapatibay sa iyong pananampalataya at magpapakislap sa iyong mga mata taglay ang pag-asang buhay sa isang paraisong lupa, na “mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.”—Isaias 11:6-9. [Talababa] Mas gustong gamitin ng ilang iskolar ang saling “Yahweh” kaysa “Jehova.” Gayunman, inalis ng karamihang tagapagsalin ng Bibliya ang anumang anyo ng pangalan ng Diyos sa kanilang mga bersiyon, anupat pinalitan ito ng pangkalahatang titulo na “Panginoon” o “Diyos.” Para sa malalim na pagtalakay hinggil sa pangalan ng Diyos, pakisuyong tingnan ang brosyur na Ang Banal na Pangalan na Mananatili Magpakailanman, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. [Kahon/Larawan sa pahina 8] TULARAN ANG DAKILANG GURO Si Jesus ay kadalasang nagtuturo sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin sa espesipikong mga paksa sa Bibliya. Halimbawa, pagkatapos na siya’y mabuhay-muli, ipinaliwanag niya ang kaniyang papel sa layunin ng Diyos sa dalawang alagad niya na nagugulumihanan hinggil sa kaniyang kamatayan. Ang Lucas 24:27 ay nagsasabi: “Pasimula kay Moises at sa lahat ng mga Propeta ay binigyang-kahulugan niya sa kanila ang mga bagay na may kinalaman sa kaniyang sarili sa lahat ng Kasulatan.” Pansinin na si Jesus ay pumili ng isang espesipikong paksa—ang “kaniyang sarili,” ang Mesiyas—at na siya’y sumipi mula sa “lahat ng Kasulatan” sa kaniyang pagtalakay. Sa diwa, pinagsama-sama ni Jesus ang mahahalagang teksto tulad ng mga piraso ng isang palaisipan upang makita ng kaniyang mga alagad ang malinaw na parisan ng espirituwal na katotohanan. (2 Timoteo 1:13) Bilang resulta, hindi lamang sila naliwanagan kundi lubhang naantig. Ang ulat ay nagsasabi sa atin: “Sinabi nila sa isa’t isa: ‘Hindi ba nagniningas ang ating mga puso habang nagsasalita siya sa atin sa daan, habang lubusan niyang binubuksan ang Kasulatan sa atin?’”—Lucas 24:32. Pinagsisikapan ng mga Saksi ni Jehova na tularan ang mga paraan ni Jesus sa kanilang ministeryo. Ang kanilang pangunahing mga pantulong sa pag-aaral ay ang brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? at ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Dose-dosena ang tinatalakay nitong kapana-panabik na mga paksa sa Bibliya, tulad ng: “Sino ang Diyos?,” “Bakit Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa?,” “Paano Mo Masusumpungan ang Tunay na Relihiyon?,” “Ito Na ang mga Huling Araw!,” at “Pagtatayo ng Isang Pamilya na Nagpaparangal sa Diyos.” Bawat aralin ay naglalaman ng maraming kasulatan. Inaanyayahan kang makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong komunidad o sumulat sa direksiyong nasa pahina 2 ng magasing ito para sa walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya tungkol sa mga ito at sa iba pang mga paksa Abutin ang puso ng iyong estudyante sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin sa espesipikong mga paksa sa Bibliya Nauunawaan mo ba ang kahulugan ng modelong panalangin ni Jesus? “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan . . .” “Dumating nawa ang iyong [Mesiyanikong] kaharian . . .” “Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa”
Posted on: Sun, 21 Jul 2013 02:05:12 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015