Pangarap at Panaginip by Bro. Lito Mendoza Velasco, MDG Marso - TopicsExpress



          

Pangarap at Panaginip by Bro. Lito Mendoza Velasco, MDG Marso 2001, isa sa kasamahan kong seminarista ang nakatalagang makakatanggap ng ordinasyon. Isa ako sa mga seminaristang mag-aasiste para sa Banal na Misa sa espesyal na selebrasyong iyon. Sa ganitong pagkakataon, sabik ang lahat ng mga dumadalo upang masaksihan ang ganitong okasyon sa buhay ng isang nagnanais mag-pari. At syempre, mas inaasahan ang pagkasabik ng mismong tatanggap ng ordinasyon. Ngunit, tila yata kakaiba ang nagaganap ng oras na iyon. Dahil, handang-handa na ang lahat; nainip na rin ang Obispo, eh hindi pa dumarating ang kandidato para sa ordinasyon. Nagdesisyon ang Obispo. Sinimulan ang seremonya kahit wala pa ang seminarista. Ipagdasal na lamang daw ang kaligtasan, saan man siya naroroon. Umawit ang Bayan sa pamumuno ng Seminary Choir. Eh ano pa nga ba, may tension sa pagitan ng lahat. May katanungan sa isip ng bawat-isa. Nasaan na ang deakono? Kanya-kanya nang hinala at haka-haka. Halos mapahiya na sa kahihiyan ang mga magulang, kapatid, at mga kamag-anak nito. Nanghihinayang kung hindi na matutuloy sa pagpapari. Dyarannn! Biglang may bumulaga sa amin mula sa entrance ng Cathedral. Oo nga, dumating na ang aming hinihintay. Huh, laking pasasalamat ng lahat! Pinapasok siya ng Obispo upang tuluyan ng ganapin ang ordinasyon. At siya ay naging ganap na pari. Pagkatapos ng Ordinasyon. Binigyan siya ng pagkakataon na magdaos ng Misa ng Pasasalamat (Thanksgiving Mass). Ang nilalaman ng kanyang Sermon o Homiliya Bayan ng Diyos, mga minamahal kong kapatid kay Kristo Hesus, magandang hapon sa inyong lahat! Salamat sa pagdalo at pakikibahagi sa isa sa pinaka-mahalagang yugto ng aking buhay. Kanina lamang ay muntik na kayong himatayin dahil sa pag-aakalang ako ay tuluyan ng nagtaksil sa aking Pangarap—Pangarap na maging isang ganap na pari. Ipagpaumanhin ninyo ang aking pagkaantala. Ganito po yon. Dahil nga alam ko na ordinasyon ko kaninang umaga, nagpasiya akong kausapin ang aking sarili at usisain kong handa na nga ba ako sa uri ng buhay na aking haharapin. Kung kaya nga, minarapat kong mapag-isa. Lingid sa kaalaman ng aking pamilya, umupa ako kagabi ng isang kuwarto sa Hotel na malapit sa aming bahay at doon nga ay nagnilay. Madaling araw na ng ako’y dalawin ng antok. Dahil nga sa sobrang pananabik; naghalo na ang nerbiyos at ligaya sa aking mga puso. Lupaypay ang aking katawan at tuluyang nakatulog. Di umano ay dinalaw ako ng isang nakakapagod na Panaginip. Parang pelikula. Naglalakbay ako patungo sa tuktok ng mataas na bundok. Nahirapan ako sa paglalakbay na iyon. Lakad at takbo, umulan at umaraw, duguan ang mga parte ng aking katawan; subalit hindi ako huminto sa paglalakbay. Dyarannn! Naabot ko rin ang aking Pangarap. Ang makarating sa tuktok ng bundok. Magpapasalamat na sana ako sa Panginoon dahil sa tagumpay na aking natamo. Subalit, bigla akong nagalit sa kanya. Ikinagalit ko ng husto ng makita ko ang aking dinaanan. Tanaw na tanaw ko mula sa tuktok ng bundok na halos katabi lamang pala ng aking tinahak ay ang napaka-ganda at malinis na daan. May mga anghel na nag-aawitan at may mga palamuti o dekorasyon sa tabing-daan. Ito ang aking isinigaw sa Panginoon: “Lord, meron naman palang mas magandang daan, eh bakit ninais mo akong maghirap ng husto sa aking paglalakbay? Ikaw ba ay Diyos na makatarungan, mapagmahal, at maawain? Di ba, alam mo naman ang nararapat at wasto para sa akin?” Umiiyak ako ng pagkakataong iyon dahil sa galit at awa sa sarili. Walang anu-ano, nakarinig ako ng tinig mula sa itaas at sinabi: “Anak, tama ka. Alam ko kung ano ang nararapat at wasto para sa’yo. Ako nga ang Diyos na makatarungan, mapagmahal, at maawain. Naglingkod din muna ako at gumawa ng mga himala bago bumalik sa kaharian ng Ama. Alam ko na magiging isa ka sa maglilingkod upang magbalik-loob ang mga makasalanan. Hindi lamang iyon, kailangan mo ring mahikayat na manampalataya ang mga hindi na naniniwala sa Akin. Di ba ang itatawag nila sa’yo ay Alter Christus (Another Christ)? Hindi mo ba nakita ang naganap sa akin? Ang pagtampalasan, pangungutya at paghampas nila sa aking buong katawan; ang pagpapako sa krus at ang aking kamatayan (Passion and Death)? Hindi ba napakahirap noon? At ngayon nga, sinasabi ko sa’yo. Napatunayan mo sa akin kung gaano ka katotoo sa iyong Pangarap at Pangako na tutuparin ang Kalooban ng nagsugo sa’yo. Salamat sa Kooperasyon mo sa plano ng Ama. Nalampasan mo ang pagsubok ng tawirin mo ang daan paakyat sa kinalalagyan mo ngayon. Datapuwa’t hindi ka rin mamamalagi sa bundok na ito mahal kong kapatid. Bumalik ka sa paanan ng bundok. Balikan mo ang iyong Misyon at ngayon ay papahintulutan na kitang gamitin ang nakikita mong landas o daan. Samyuin mo ang halimuyak ng mga bulaklak at nawa’y ang awit ng mga anghel ang siyang sa’yo ay aaliw habang ikaw ay naglalakbay. Naniniwala ako, na anuman ngayon ang hirap na iyong sasalubungin dahil sa paglilingkod, bale wala na sa’yo dahil hinubog ka na sa hirap, pagti-tiyaga, at kababaang-loob. Ang iyong determinasyong magising mula sa iyong panaginip ang nagdala sa’yo upang maabot ang iyong pangarap.” At, pagkatapos na pagkatapos ko ngang marinig ang tinig at mensaheng iyon, ako ay kaagad na nagising. Dali-dali akong nagtungo sa Cathedral upang tanggapin ang regalo ng ordinasyon. Nasagot na ang aking mga katanungan. Handa na akong maging isang Lingkod sa Bayan ng Diyos dito sa paanan ng bundok. Handa na ako upang kayo ay paglingkuran. Ang Mensahe: Edukasyon, Relihiyon, Bisnis, at Pulitika 1. Kapag may tiyaga, may nilaga. 2. Kapag may hirap, may ginhawa. 3. Maglilingkod; hindi paglilingkuran. 4. Koopersayon; hindi kumpetisyon. Sino nga po ba ang umasenso na hindi dumaan sa hirap at pagsisikap? Marahil ay alam natin na karamihan sa atin ay nakakaalam na ang mahabang panahon na ginugol natin sa pag-aaral; ang mga barya-baryang matagal na panahon nating tinipon; lahat ng mga karanasan ng pagtatagumpay na maaari nating ibahagi sa iba, ay bunga ng ating mga paghihirap at sakripisyo. May relasyon din yata ito sa darating na eleksyon. Nakikita ko kung gaano nagpakahirap ang mga kandidato. Umulan man at umaraw, walang hinto sa pagkatok sa mga tahanan. Ipinapaliwanag ang tutunguhin ng kanilang Ward sa oras na sila ay manalo sa halalan. Nakikiusap na mailagay ang kanilang mga lawn signs at posters. At, syempre napapahiya at kinukutya din naman. Ang mas masaklap, may mga Ward, kapwa-Filipino ay magkalaban. Ayaw magbigayan. Well, pareho naman daw silang may tuktok ng bundok na gustong maabot. Filipino, kalian ka ba talaga gigising? Hala ka, baka ka bangungutin! Pangarap na nakaayon sa kalooban ng Lumikha at ng Bayan, nagiging bukal at simula ng tunay na damayan! Hindi na ito isang panaginip. Isa itong katotohanan! Ito ang isang tunay na pangarap! Relax and read mode muna pag may time...:)
Posted on: Mon, 16 Sep 2013 07:44:38 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015