Pinakamataas na Pagsaludo sa mga Rebolusyonaryong Martir na sina - TopicsExpress



          

Pinakamataas na Pagsaludo sa mga Rebolusyonaryong Martir na sina Gregorio “Ka Greg” Baňares, Ka Nel, Ka Rey, Ka Nene, Ka Kevin, Ka Jay, Ka Miloy at Ka Gary Romulo Jallores Command NPA-Bicol 5 Hulyo 2013 Binibigyan ng pinakamataas na pagrespeto at pagsaludo ng Romulo Jallores Command NPA-Bicol ang walong rebolusyonaryong martir na sina Frankie Joe Soriano na mas kilala bilang si Ka Greg Baňares, tagapagsalita ng NDF-Bicol; Christine “Ka Nel” Puche; David “Ka Rey” Llunar; Romero “Ka Nene” Aňonuevo; Ailyn “Ka Kevin” Calma; William “Ka Jay” Valenzuela; Pehing “Ka Miloy” Hipa at Ted “Ka Gary” Palacio. Ang walong magigiting na rebolusyonaryong nabanggit ay namartir sa isang atake ng pasistang tropa ng 31st Infantry Battalion, nitong Hulyo 4, sa Brgy Calmayon, bayan ng Juban, sa prubinsya ng Sorsogon. Wala nang kakayahang lumaban at walang hawak na mga baril sina Ka Gary, Ka Nel at Ka Greg. Subalit malapitang binaril ang kanilang mga ulo ng mga elemento ng pasistang tropa ng 31st IB. Higit sa kanilang kamatayan, nais ng RJC na kilalanin at pagpugayan ang magiting na naging ambag ng walong bayani ng rebolusyong Pilipino habang sila ay nabubuhay pa, upang bigyang katuparan ang mithiin ng sambayanang Pilipino na magkaroon ng tunay na kalayaan at demokrasya. Si Ka Greg ang naging boses ng karaniwang Bikolano, na madalas ay hindi naririnig at pinakikinggan. Nagmula siya sa hanay ng mga aktibistang estudyante ng Ateneo de Naga University noon pang dekada ’90. Sa pamamagitan ni Ka Greg, bilang tagapagsalita ng NDF-Bicol, nagkaroon ng puwang upang maisiwalat sa midya ang katotohanan ng paglabag sa mga karapatan ng taumbayan, pagsasamantala, at pang-aapi sa kanila, na madalas ay tinatabunan ng mga kasinungalingan at baluktot na mga pahayag ng mga may sala na naka-upo sa poder at ng kanilang pasistang utusan na AFP, laluna ang 9th ID PA. Si Ka Greg din ang naging tinig upang maipaabot sa mas malawak na Bikolano ang mga layunin ng kasalukuyang rebolusyon at ang mga programa nito. Sa kanyang simple at direkta-sa-puntong mga paglilinaw at pagsagot sa mga katanungan ng midya at taumbayan, naipundar niya ang malalim na pagrespeto sa kredibilidad ng rebolusyonaryong kilusan sa pagsisiwalat ng katotohanan. Ang pagpanig sa taumbayan ay ang pagpanig sa katotohanan. Ito ang tatak ng mga opinyon at pahayag ni Ka Greg. Sa kabila ng matinding panganib na dala ng kanyang katungkulan, hindi tumatahimik si Ka Greg laluna sa mga isyung may epekto sa buhay ng masang api sa Bikol. Tanging kamatayan lamang ang nagpatahimik sa boses ng tagapagsalita ng rebolusyonaryong namamanwaan kan Bikol. Si Ka Nel ay isang mahusay na rebolusyonaryong manunulat at mamamahayag. Dating estudyante ng kursong Journalism sa University of the Philippines-Diliman, pinili niyang ialay ang kanyang talento upang maging bahagi ng Public Information Bureau ng NDF-Bicol. Naging bahagi rin siya ng regional propaganda staff ng Silyab, ang rebolusyonaryong pangmasang pahayagan ng Bicol; ng Dagundong ng Bikol, ang rebolusyonaryong programa sa radyo ng Bicol; ng Isnayp, ang rebolusyonaryong midya ng Bicol; at ng Punla at Ang Gerilya, mga rebolusyonaryong babasahin na naglalaman ng mga kwento at iba pang mga likhang sining hinggil sa rebolusyonaryong pakikibaka sa Kabikolan. Isang matalas at dedikadong mamamahayag ng sambayanan, katambal niya ang asawang si Ka Greg sa pagsisiwalat ng katotohanan at pagbibigay-tinig sa opinyon ng taumbayang lumalaban. Sa kabila ng mahinang pangangatawan at paningin, kasabay pa ang pagtitimbang sa kanyang responsibilidad bilang ina at asawa, hindi napigilan si Ka Nel upang abutin ang malalayong lugar at tuklasin ang tunay na mga kwento ng buhay ng masang anakpawis. Kahit sa gitna ng mga sakyada ng militar, hindi nahadlangan ang mabilis, epektibo at malinaw na mga press release, na tinitiyak ni Ka Nel na makarating sa midya at malawak na mamamayang Bikolano, upang ituwid ang mga kasinungalingan laban sa rebolusyonaryong namamanwaan at kilusan. Si Ka Gary ay dating estudyante at naging guro ng Ateneo de Naga University. Eksperto sa kompyuter at iba pang elektronikong kagamitan, inilaan niya ang kanyang husay upang pagsilbihin ang teknolohiya sa tunguhin ng rebolusyonaryong kilusan. Buong tiyaga na ibinahagi niya ang kanyang kaalaman, laluna ang paggamit sa kompyuter, sa iba pang mga kasamang magsasaka na hindi kasing palad niyang nagkaroon ng mataas na edukasyon. Itinuro ni Ka Gary na ang talino at talento ng isang tao ay hindi lamang nasusukat sa pagtuntong sa loob ng silid-aralan. Si Ka Gary ay isang mahusay din na manunulat, gitarista at mang-aawit ng mga rebolusyonaryong kanta, na mas lalong nagpalapit sa kanya sa puso ng mga bata at mga magurang na nagkupkop sa mga tulad niyang rebolusyonaryong edukador at serbidor kan namamanwaan. Si Ka Kevin ay panganay na babae sa kanilang magkakapatid. Galing sa bayan ng Bulan, prubinsya ng Sorsogon, pagtuntong niya sa edad na 18 ay agad na siyang sumampa bilang mandirigma ng NPA-Sorsogon. Kahit sa panahong nasa piling siya ng mga kasama, hindi niya kinalimutan kung paano imulat at ilapit sa rebolusyon ang kanyang buong pamilya. Sa murang edad natutunan na niyang maging responsable, hindi lang sa mga nakababata niyang kapatid, kundi pati na sa napakaraming anak ng taumbaryo na nakakasalamuha at minamahal siya. Siya si “Ate Kevin” ng lahat - pasensyosa, tahimik, mapagmahal at mahusay na instruktor ng mga rebolusyonaryong pag-aaral sa hanay ng masang Sorsoganon. Sina Ka Nene, Ka Rey at Ka Jay, ay pawang mga iskwad lider ng NPA-Sorsogon. Si Ka Nene ay tubong Irosin. Tahimik ngunit pursigido sa gawain, nagsimula siya bilang timlider ng grupo ng kabataan sa kanilang baryo sa ilalim ng Kabataang Makabayan. Mula sa pagiging myembro ng rebolusyonaryong organisasyon ng kabataan, hindi na humiwalay ang kanyang landas sa rebolusyon. Namulat sa mga propaganda at pag-aaral sa kilusan, dito na nagsimula si Ka Nene upang tuluy-tuloy na maglingkod sa bayan bilang isang matapang at disiplinadong mandirigma ng NPA. Si Ka Rey naman ay nagmula rin sa bayan ng Irosin. Dati nang kumikilos bilang myembro ng rebolusyonaryong organisasyong masa, nagpasya si Ka Rey na magpultaym sa NPA kahit may katandaan na. Tulad ng mga kauri niyang magsasaka na sanay at batak ang katawan sa trabaho, hindi man lamang nakitaan si Ka Rey ng kahinaan sa kanyang pangangatawan. Bagkus pursigido niyang ginampanan ang lahat ng gawaing iniatas sa kanya. Hindi naging hadlang ang mahigit 50 na niyang edad upang matutunan kung paano maging magiting na iskwad lider at giyang pampulitika. Si Ka Jay ay mula sa bayan ng Pasacao, prubinsya ng Camarines Sur at nadestino sa prubinsya ng Sorsogon. Galing din sa hanay ng mga rebolusyonaryong kabataan sa kanilang baryo, maagang namulat si Ka Jay at natuto sa mga pag-aaral sa loob ng kilusan. Hindi nakapagtatakang napagpasyahan din niyang mag-pultaym sa NPA. Kahit nailipat sa malayo, at bibihira na lang makatuntong sa sariling lugar, hindi naging sagabal iyon kay Ka Jay upang mahusay pa ring gampanan ang kanyang mga gawain bilang isa sa magigiting na mandirigma ng Celso Minguez Command sa Sorsogon. Si Ka Miloy ay isa sa matatapang na kumander at pinunong pampulitika sa ilalim ng Celso Minguez Command. Nagmula sa uring magsasaka, humigit-kumulang dalawang dekada siyang nagsilbi bilang mandirigma at kumander ng NPA. Magiliw na kasama at pursigido sa lahat ng larangan ng gawain, hinding hindi mabubura ang alaala ni Ka Miloy sa puso at isip ng masang Sorsoganon na matagal niyang pinaglingkuran at pinag-alayan ng buhay. Ang Romulo Jallores Command, at ang lahat ng pulang kumander at mandirigma sa rehiyong Bicol na nasa ilalim nito, ay nagpupugay sa inyong kagitingan at inialay na panahon, lakas, talino, talento at buhay para sa taumbayang inaapi at pinagsasamantalahan. Dakilang inspirasyon ang iniwan ninyo, mga kasama, na lagi naming tatanganan at dadakilain sa pagsusulong ng rebolusyong Pilipino hanggang sa lubos na tagumpay nito. Pagpupugay sa mga bayani ng rebolusyong Pilipino! Mabuhay ang namamanwaang Bikolnon! Jose Buenaobra Tagapagsalita Romulo Jallores Command – NPA Bicol
Posted on: Mon, 08 Jul 2013 01:39:11 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015