RELIEF GOODS HINOHOLDAP! -Amihan Sabillo Nabahiran ng - TopicsExpress



          

RELIEF GOODS HINOHOLDAP! -Amihan Sabillo Nabahiran ng panibagong dagok at kalbaryo ang mga biktima ng bagyong ‘Yolanda’ nang mapaulat na lantaran na ang nagaganap na nakawan at panghoholdap sa Tacloban matapos na lumusob ang mga organisadong grupo mula sa Western Visayas. “Na-monitor natin (AFP) itong grupo ng mga Waray mula sa Western Samar. ‘Di ito naapektuhan ng bagyong ‘Yolanda’, sila ‘yung mga armado na sumugod sa Tacloban at ibang area ng Leyte para magnakaw sa mga villages, at bahay ng mga mayayaman na bahagyang nasira,” pahayag ng isa sa mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Abante. Kanila umanong na-monitor na sumakay sa mga pumpboats ang Waray group nang magtungo sa siyudad ng Tacloban bago naghiwa-hiwalay. “‘Yong iba target ang mga bahay ng mayayaman, ang iba naman target ang mga relief operation, naghiwa-hiwalay sila,” paglalahad pa ng opisyal. Ayon sa opisyal, bukod sa mahigpit nilang pagpapatupad ng seguridad sa Tacloban, Ormoc, mga karatig bayan at siyudad ay hinigpitan na din nila ang pagbabantay. Sinabi pa nito na, “Awang-awa tayo sa ating mga kababayan, biktima na binibiktima pa, ang ganitong mga gawain ng mga NPA at iba pang rebelde ay patunay lang na mga halang ang kaluluwa. ” Inihayag pa nito na, “Instead na nakatutok na po ang kasundaluhan natin sa pag-secure sa area, pagtulong sa biktima, eto nahahati pa ang atensyon dahil kailangan na bantayan ang Waray group.” Sa panig naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay mas magiging ligtas at maayos na ang pagbibiyahe ng mga relief goods makaraang magpadala kahapon ng dagdag puwersa ng mga sundalo, at pulis sa Leyte at Samar. Sa press briefing sa NDRRMC, sinabi ni Executive Director Eduar­do del Rosario na nagbigay na ng direktiba si PNP Chief Director General Alan Purisima sa kanilang mga tauhan ukol sa agarang ayuda sa mga puwersa ng kapulisan sa parte ng lalawigan ng Leyte, ganundin ang mga sundalo lalo pa’t marami pang lugar ang ‘di pa rin napapasok o nagagalugad ng mga awtoridad. Nauna rito’y walo ang agad na nasawi matapos na gumuho ang warehouse ng National Food Authority (NFA) matapos na pasukin ng daang bilang ng mga survivor nitong Lunes ng gabi. Ayon kay Orlando Calayag, administrator ng NFA, ang warehouse ng NFA sa Alangalang, Leyte ang bumagsak noong Lunes ng gabi. “Panawagan na lang po natin sa mga kababayan na nakakuha ng mga bigas, please share po sa ibang biktima din,” ang pahayag ni Calayag. Sinabi pa ni Calayag na ang NFA warehouse sa bayan ng Alangalang ay isa sa malaking warehouse ng NFA sa Leyte na bahagya lamang naapektuhan ng bagyo. abante.ph/issue/nov1413/news01.htm
Posted on: Wed, 13 Nov 2013 17:30:00 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015