SALPUKAN SA SONA: 21 PULIS, 41 RALLYISTA SUGATAN Nina Joselito - TopicsExpress



          

SALPUKAN SA SONA: 21 PULIS, 41 RALLYISTA SUGATAN Nina Joselito Perez at JB Salarzon Dahil sa pagdaluhong ng mahigit 20,000 na rallyista sa Commonwealth Avenue malapit sa Batasan Pambansa Complex sa Quezon City ilang oras bago ang ika-4 na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III, umabot sa 41 rallyista at 21 pulis ang pawang nasugatan sa naganap na salpukan ng magkabilang panig. Kinumpirma ni Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. Richard Albano ang 21 pulis na nasugatan nang depensahan ng mga ito ang kanilang barikada para hindi masawata ng mga rallyista. Aniya’y 7 sa mga demonstrador ang nasugatan, pero batay sa monitoring ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP), umaabot sa 41 rallyista ang nasugatan at ilan sa kanila ay isinugod sa East Avenue Medical Center para malapatan ng lunas pero sinundan sila ng mga pulis at doon ay inaresto. Umaabot umano sa 10 sa mga sugatang rallyista ang inaresto at dinala sa Camp Karingal sa Quezon City para sa “interogasyon”. Sinabi ng CEGP, sa kasama sa mga nasu­gatan ay dalawa ang senior citizen kabilang dito ang lider ng magsasaka na si Tonying Flores. Ayon sa QCPD, mahigit na 6,000 pulis ang dineploy sa Commonwealth Avenue at paligid ng Batasan Pambansa Complex para sa seguridad ng SONA. Isa umano sa mga ina­resto ay si Ronel Madrigal ng Sinagbayan na tinamaan ng palo ng yantok ng pulis. “Blood oozing down his face,” anang CEGP. “Camera ni Kenneth Guda ng Pinoy Weekly, i­nasinta at pinalo ng pulis, filter basag,” dagdag nito. Ayon naman kay Police Director Marcelo Garbo Jr., hepe ng National Capital Regional Police Office (NCRPO), nagsi­mula ang kumprontasyon na nauwi sa tulakan, paluan at batuhan nang biglang sugurin ng mga rallyista ang barikada ng mga pulis. Mula sa kaguluhan, umalpas ang isang pulis na hawak ang ulo at dumadaloy ang dugo sa kanyang mukha. Sumunod na bumaklas sa kaguluhan ang 3 pang pulis na sugatan. “Dismayado kami sa kawalan ng disiplina ng mga rallyista. Kapayapaan ang hi­ling namin sa kanila pero hindi nila ito nirespeto,” ani Garbo. Napawi lamang ang kaguluhan nang magsalubong ang lamig ng ulo ng mga lider ng mga rallyista at pulis at nag-usap na iwasan ang sakitan. “Sa pag-uusap, puma­yag ang bawat panig na bumalik ng mapayapa sa kani-kanilang puwesto,” ani Garbo.
Posted on: Tue, 23 Jul 2013 12:09:11 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015