Si Mang Ponso at ang Bruha ( by: gielex ) “Huwag na kayong - TopicsExpress



          

Si Mang Ponso at ang Bruha ( by: gielex ) “Huwag na kayong pupunta sa may gulod, may lumalabas na Bruha at Kapre doon” tinig iyon ni Mang Ponso. Siya ay kilalang albularyo sa aming Lugar.Isa siya sa mga makapangyarihan, siya ang tanungan ng nawawalang kalabaw, nakapanghuhula rin siya at nakapagpapaalis daw ng kulam. Pinagbabawalan niya kami na pumunta sa gulod. Ang lugar kasi na iyon ang paborito naming tambayan. Doon kami naglalaro ng taguan. Dose anyos lang yata ako noon. Napakalaki ng aming panghihinayang dahil ang tamis ng sampalok na nakukuha namin doon. Mayroon ding mga puno ng bayabas at kasoy.Mayroon ding mababaw na sapa na pinaglalanguyan namin. Pero talagang kakila-kilabot ang pagbabanta ni Mang Ponso, kahit ako ay natakot din. Mabilis ngayong naging balita sa Baryo namin ang tungkol sa Kapre, ngayon ay nadagdagan pa ng mga Lamang-lupa. Minsan ay may nabalita na ring nawawalang mga baboy at manok; naniniwala ang mga taga Baryo na nilapa ng mga nilalang na iyon ang kanilang mga hayop. Parang lumiit ngayon ang aming mundo. Hindi na kami maaaring maglaro sa gabi; masaya pa namang maglaro kapag maliwanag ang buwan. Natigil na rin ang mga harana, halos buong baryo yata ay nabalot ng takot. Ngunit minsan ay nakita namin na naglalakad si Mang Ponso patungo sa gulod; patingin-tingin pa ito sa paligid at sa kaniyang likuran. Sa wari namin ay pinakikiramdaman ni Mang Ponso kung may sumusunod sa kaniya. Ipinagpatuloy na lamang namin ang aming paglalaro. Kinagabihan na namin nakitang bumalik si Mang Ponso. Nadaanan niya kaming naglalaro, mukhang masaya siya at sumisipol-sipol pa. Nagkatinginan na lamang kaming magkakaibigan. Hanggang sa paulit-ulit na naming nakikita si Mang Ponso na pumupunta sa gulod; lalo na at pahapon na. Unti-unti na kami ngayong nag-isip, mukhang may ginagawang kababalaghan si Mang Ponso. Ipinasya naming magkakaibigan na siya ay sundan. Anim kaming magkakaibigan na nagkasundo na subukan kung ano ang ginagawa ni Mang Ponso sa may gulod. Nakita nga namin siya isang hapon, papunta na naman ito sa may gulod. May nakasukbit pa siyang itak sa kaniyang tagiliran. Dahan-dahan namin siyang sinundan. Patago-tago kami sa mga puno, nakararamdam na rin ako ng takot. Paano kung may kapre at isa-isa kaming lapain? Pero pinilit kong alisin ang kaba, kailangang magpakalalaki ako, tutal maaga pa naman’alas dos pa lang yata ng hapon. Nakita naming tumigil si Mang Ponso sa tapat ng punong sampalok. Nanabik kami kung ano ang kaniyang gagawin; pamaya-maya’y narinig namin na sumipol ito. Nagulat kami mula sa makakapal na damo ay lumabas ang isang babae. Si Sabel iyon na kilalang harot sa aming Baryo. Tinamaan nang magaling nakakita kami ng libreng sine. Isang lihim na kabitan ang nabunyag sa aming mga panigin. Pakiramdam ko ay lumuwa ang aking mga mata sa nakita ko. Subalit hindi lamang pala kami ang doo’y nagmamasid. Nakupo! Naroon din pala si Aling Bebang ang asawa ni Mang Ponso. Narinig ko na lamang ang isang malakas na sigaw. “Ponso, ikaw pala ang Kapre at ang babae palang iyan ang Bruha. Sinugod sila ni Aling Bebang na may dalang itak. Naku ang matapang na si Mang Ponso kumaripas ng takbo, nagkataon na hindi pa pala nakatali ang karsonsilyo. Kaya siya ay nagtatakbong hubo. Gayon din si Sabel, tumakbo rin ito na kasimbilis ng hangin. Sampung taon na ngayon ang nakalilipas subalit hindi ko mapigilan na matawa sa tuwing maaalala si Mang Ponso at ang Bruha. *_* gielex *_*
Posted on: Sun, 23 Jun 2013 11:21:44 +0000

Trending Topics



/div>

Recently Viewed Topics




© 2015