Si Propeta Noe Ang Ikalawang Ama ng sankatauhan. Ang Banal na - TopicsExpress



          

Si Propeta Noe Ang Ikalawang Ama ng sankatauhan. Ang Banal na aklat ng Judaismo, Cristianismo at Islam ay nagpapahayag pare-pareho tungkol sa Propetang si Noe at ang tungkol sa malaking baha. Ang Qur`an ay nagpahayag sa atin na siya ay isang sugo na nabuhay sa loob ng 950 taon. Iniukol niya ang kaniyang buong buhay sa pangangaral sa kaniyang mga kababayan ang paniniwala sa Nag-iisang Maykapal, at iwanan ang pagsamba sa mga larawan at imahen at maging maawain sa mahihina at nangangailangan. Ipinangaral niya sa kanila ang tungkol sa tanda ng Kapangyarihan at Kaawaan ng Maykapal at binigyan ng babala tungkol sa darating na kaparusahan sa araw ng Paghuhukom, datapwat silang lahat ay matitigas ang ulo at hindi pinakinggan ang mga babala. Pinarusahan sila ng Allah ng matinding baha at iniligtas lamang ang mga naniniwala na sumunod sa Propeta. May isang kapitulo sa Banal na Qur`an tungkol sa Propetang si Noe. Ang kaniyang kasaysayan ay isaisang isinalaysay sa isang mahabang kapitulo ng Qur`an (HUD 11), ang pagkakasalaysay nito ay sunodsunod tungkol sa baha at ang arko kabilang dito ang mga paksa na; Pinagsabihan niya sila na maglingkod sa Allah at tuparin ang kanilang tungkulin sa Kanya, upang mapatawad ang kanilang mga kasalanan. Pinangaralan niya sila araw at gabi, datapwat kanilang tinakpan ang kanilang tainga ng kanilang darili at ipinilit ang kanilang pagtanggi. Pinagsabihan niya sila na humingi ng patawad sa Mapagpatawad na Panginoon at tutulungan Niya sila sa kabuhayan at mga anak, at pagkakalooban sila ng harden at ilog at isang magandang buhay. Sinabi ng Allah ang Makapangyarihan sa lahat kay Noe, na walang sinuman sa mga ito ang maniniwala maliban sa mga naniwala na, kaya, gumawa ng arko na sinubaybayan at pinatnubayan Niya. Habang ang kaniyang kababayan ay napadaan sa kaniya, kanilang kinutya siya. Nang kaniyang matapos ang arko, inutusan ng Allah si Noe na isakay sa loob nito ang dala-dalawa sa bawat uri ng hayop, isang magkapares (lalaki at babae), ang kanyang buong sambahayan, at ang mga naniwala. At ganito ang ipinahayag: O lupa! Tanggapin mo ang iyong tubig at O kalangitan! pawiin mo ang mga ulap! At ang tubig ay humupa. At ang kautusan ay natupad. At ang arko ay humimpil sa (bundok) ng Al-Judi kasama si Noe at ang mga naniniwala, ang sankatauhan ay binigyan pa ng isang pagkakataon para sa bagong pasimula. SURAH HUD: .................. 25. At katiyakan, ipinadala Namin si Nûh (as) tungo sa kanyang sambayanan at sinabi sa kanila: “Katiyakan, ako ay babala sa inyo mula sa kaparusahan ng Allâh, at naglilinaw sa anumang mensahe na dala-dala ko para sa inyo, na mga ipinag-uutos ng Allâh at Kanyang ipinagbabawal.” 26. “Inuutusan ko kayo na huwag sumamba ng iba kundi sa Allâh lamang, at katotohanan na ako ay nangangamba sa inyo hinggil sa matinding kaparusahan ng Allâh kung hindi ninyo sasambahin ang Allâh nang bukod-tangi.” 27. At sinabi ng mga pinuno ng mga walang pananampalataya mula sa kanyang sambayanan: “Ikaw sa katotohanan ay hindi anghel kundi ikaw ay tao lamang, na kung kaya, paano nangyari na ikaw ay pinagkalooban ng Rebelasyon at hindi kami? At wala kaming nakikita na sumusunod sa iyo kundi ang mga yaong mababang uri mula sa amin at sinunod ka nila nang hindi nila ginagamit ang kanilang pag-iisip, at hindi namin nakikita na nalalamangan ninyo kami sa kabuhayan at kayamanan, noong pinasok ninyo ang ‘Deen’ o Relihiyong ito, sa halip ay naniniwala kami na kayo ay nagsisinungaling sa inyong pag-aangkin.” 28. Sinabi ni Nûh (as): “O aking sambayanan! Sabihin nga ninyo sa akin, kung ako ba ay nagtatangan ng malinaw na katibayan mula sa aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha, sa anumang dala-dala ko sa inyo na mensahe mula sa Kanya na nagpapatunay na ako ay nasa katotohanan, at pinagkalooban Niya ako ng Awa mula sa Kanya, na ito ay ang aking pagiging Propeta at Sugo, subali’t ito ay inilihim sa inyo dahil sa inyong kamangmangan at inyong kayabangan. Maaari kayang pilitin ko kayo na sumunod kahit kayo ay tumatanggi at kinamumuhian ito? Hindi namin ito gagawin bagkus ay ipauubaya namin sa Allâh ang anumang pangyayari hinggil sa inyo hanggang sa magpasiya ang Allâh ng anuman na Kanyang nais para sa inyo.” 29. Sinabi ni Nûh (as) sa kanyang sambayanan: “O aking sambayanan! Hindi ako humihiling sa inyo hinggil sa aking iniaanyaya sa inyo na Kaisahan ng Allâh at sa taos-pusong pagsamba lamang sa Kanya ng anumang kayamanan na ibibigay ninyo sa akin kapag kayo ay naniwala, subali’t ang gantimpala ng aking pagpapayo sa inyo ay sa Allâh lamang nagmumula, at hindi maaaring ipagtabuyan ko ang mga naniwala, dahil katiyakan na makatatagpo nila ang Allâh na kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa Araw ng Muling Pagkabuhay, subali’t ang nakikita ko sa inyo, kayo ay mga tao na mga mangmang; dahil sa pag-uutos ninyo sa akin na ipagtabuyan ang mga taong malalapit sa Allâh at ilayo ko sila sa akin.” 30. “O aking sambayanan! Sino ang tutulong sa akin sa Allâh kapag pinarusahan Niya ako dahil sa aking pagtataboy sa mga mananampalataya? Hindi ba ninyo sinusuri-suri ang mga bagay-bagay upang gawin ninyo ang anumang kapaki-pakinabang at nakabubuti sa inyo? 31. “At hindi ko sinasabi sa inyo na ako ay may kapangyarihan na panghimasukan ang mga Kabuhayan na nagmumula sa Allâh, ni sinasabing ako ay may kaalaman hinggil sa ‘Ghayb’ o mga bagay na lihim; ni sinasabing ako ay nagmula sa mga anghel, at hindi ko rin sinasabi sa kanila na inyong mga minamaliit na tinatawag ninyong mahihinang mananampalataya na: kailanman ay hindi kayo pagkakalooban ng Allâh ng gantimpala sa inyong mga gawain, dahil ang Allâh ay Bukod-Tangi na Ganap na Nakaaalam sa anuman na nasa kanilang mga kalooban at mga puso, at kapag ito ay aking ginawa, samakatuwid, magiging kabilang ako sa kanila na mga masasama na ipinahamak ang kanilang mga sarili at ipinahamak nila ang iba.” 32. Sinabi nila: “O Nûh! Sa katunayan, ikaw ay nakipagtalo sa amin at labis na ang iyong pagkikipagtalo, na kung kaya, dalhin mo na rito ang ipinapangako mong kaparusahan kung ikaw ay totoo sa iyong pag-aangkin.” 33. Sinabi ni Nûh sa kanyang sambayanan: “Katiyakan, ang Allâh, Siya lamang ang Bukod-Tanging magpaparating ng kaparusahan sa inyo kung ito ay Kanyang nanaisin, at hindi kayo makatatakas kapag ninais Niya ang pagpaparusa sa inyo; dahil Siya lamang, sa katotohanan ang hindi mapipigilan sa anumang Kanyang kagustuhan dito sa kalupaan at ganoon din sa kalangitan.” 34. “At hindi magiging kapaki-pakinabang sa inyo ang aking pagpapayo at ang aking pagsusumikap na pag-aanyaya sa inyo tungo sa paniniwala kapag ninais ng Allâh na kayo ay iligaw at ipahamak, dahil Siya lamang ang Nagmamay-ari sa inyo at sa Kanya lamang kayo ibabalik sa Kabilang-Buhay para sa Paghuhukom at Pagbabayad.” 35. O di kaya ay sinasabi ba ng mga walang pananampalataya mula sa sambayanan ni Nûh: “Inimbento ni Nuh ang salitang ito?” Sabihin mo sa kanila: “Kung ito ay aking inimbento laban sa Allâh ay sa akin lamang ang pagkakasala nito – ako ang mananagot nito, subali’t kung ako ay totoo at inosente sa lahat ng inyong mga ibinibintang ay kayo naman ang ituturing na masasama at mga makasalanan, at ako ay ligtas sa ginawa ninyong pagtanggi, pagpapasinungaling at pagiging masama.” 36. At ipinahayag ng Allâh kay Nûh noong napatunayan, na ang kanyang sambayanan ay karapat-dapat sa parusa: “Katiyakan, wala nang sinuman ang maniniwala sa Allâh mula sa kanila maliban sa sinumang naniwala noon, na kung kaya, huwag kang malungkot, O Nûh, sa anuman na kanilang ginagawa.” 37. “Gawin mo ang Arka sa pamamagitan ng Aming Pagmamasid at ayon sa Aming Rebelasyon, at huwag mo nang hilingin pa sa Akin na iantala Ko ang kaparusahan sa kanila na mga masasama mula sa iyong sambayanan dahil sa kanilang pagtanggi, walang pag-aalinlangan, sila ay malulunod sa pamamagitan ng delubyo o dakilang baha.” [Dito sa ‘Âyah’ o talatang ito, ang patunay na ang Allâh ay mayroong paningin ayon sa Kanyang Kamaharlikaan, na walang kahalintulad na alinman]. 38. At habang ginagawa niya ang Arka, sa tuwing dumaraan sa kanya ang grupo ng mga matataas na tao mula sa kanyang sambayanan ay kanila siyang kinukutya, na sinabi naman ni Nûh sa kanila: “Kung kinukutya ninyo kami ngayon dahil sa hindi ninyo alam ang katotohanan hinggil sa pangako ng Allâh, walang pag-aalinlangan ay kukutyain din namin kayo pagdating ng inyong pagkalunod na katulad ng pangungutya ninyo sa amin.” 39. “At walang pang-alinlangang malalaman ninyo kapag dumating ang pasiya ng Allâh; kung kanino ipararanas ang parusa ng Allâh dito sa daigdig na pagpapahamak, at magaganap sa kanya ang walang hanggang masidhing kaparusahan sa Kabilang-Buhay.” 40. Na kung kaya, nagpatuloy sa ganoong kahibangan hanggang sa dumating ang Aming kautusan na puksain sila na katulad ng ipinangako Namin kay Nûh, at bumulwak ang malakas na tubig mula sa ‘Tannur’ (lugar na pagawaan ng tinapay) bilang tanda ng pagdating ng kaparusahan hanggang kumalat sa kalupaan, at sinabi Namin kay Nûh: “Dalhin mo sa Arka mula sa bawa’t uri ng hayop ang dalawang magkaparis at isama mo rin doon ang iyong pamilya – maliban sa kanya na nauna na ang pasiya dahil sa hindi siya naniwala sa Allâh, na katulad ng kanyang isang anak at saka ang kanyang asawa – at isama mo rin doon sa Arka ang sinumang naniwala sa iyo mula sa iyong sambayanan. At walang sinuman ang naniwala sa kanya kundi kakaunti lamang, kahit na ganoon pa katagal ang pananatili ni Nûh sa kanila.” 41. At sinabi ni Nûh sa sinumang naniwala sa kanya: “Sumakay kayo sa Arka: sa Ngalan ng Allâh ito ay lulutang sa tubig at sa Ngalan ng Allâh ito ay dadaong at titigil sa paglayag nito. Katiyakan, ang aking ‘Rabb’ na Tagapaglikha, Siya ay ‘Ghafour’ – Ganap na Mapagpatawad sa kasalanan ng sinumang nagsisi at nagbalik-loob sa Kanya mula sa Kanyang mga alipin, na ‘Raheem’ – Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal sa kanila na hindi sila pinarurusahan pagkatapos ng kanilang pagsisisi.” 42. At inilalayag sila nito mula sa kalagitnaan ng mga naglalakihang alon na kasing-taas ng mga bundok, at tinawag ni Nûh ang kanyang anak na inilayo nito ang kanyang sarili mula sa mga mananampalataya, at sinabi sa kanya: “O aking anak, sumakay ka na sa Arka kasama sa amin at huwag kang sumama sa mga walang pananampatalaya dahil malulunod ka.” 43. Sinabi ng anak ni Nûh: “Ililigtas ko ang aking sarili sa pamamagitan ng pagpunta roon sa bundok upang ako ay mapalayo sa tubig, at mailigtas mula sa pagkalunod.” Tinugunan siya ni Nûh: “Walang sinuman na maliligtas mula sa kagustuhan ng Allâh at Kanyang pagpasiya na mangyari ang pagkalunod at pagkawasak sa Kanyang mga nilikha maliban sa sinuman ang kinaawaan ng Allâh, na kung kaya, maniwala ka na at sumakay ka na sa Arka na kasama namin.” At humarang na pagkatapos nito sa pagitan ng mag-ama ang matataas na alon at napasama na siya sa mga nalunod at namatay. 44. At sinabi ng Allâh sa kalupaan, pagkawasak ng sambayanan ni Nûh: “O kalupaan! Sipsipin mo ang tubig mo, at O kalangitan! Itigil mo ang ulan.” At humupa ang tubig, at naganap ang itinakda ng Allâh na pagkawasak sa sambayanan ni Nûh at dumaong ang Arka sa bundok ng ‘Al-Jûdi,’ at sinabi: “Kapahamakan at sumpa sa mga taong masasama na lumabag sa batas ng Allâh at hindi naniwala.” 45. At nanawagan si Nûh sa kanyang ‘Rabb’ na Tagapaglikha at sinabi: “O aking ‘Rabb!’ Katiyakang ipinangako Mo sa akin na ililigtas Mo ako at ang aking pamilya mula sa pagkalunod at pagkawasak, at katotohanan na ang aking anak ay kabilang sa aking pamilya, at tunay na ang Iyong pangako ay totoo, at Ikaw ay ‘Ahkamul Hâkimeen’ – Pinakamatarungan sa lahat ng makatarungan.” 46. Sinabi ng Allâh: “O Nûh, ang anak mo na namatay ay di-kabilang sa pamilya na ipinangako Ko sa iyo na Aking ililigtas; dahil sa siya ay lumabag sa Allâh at ang kanyang gawain ay kawalang-katarungan (masama), at katiyakan na pinagba-bawalan kita na hilingin sa Akin ang bagay na wala kang kaalaman, katiyakang pinapayuhan kita upang hindi ka mapabilang sa mga mangmang sa paghiling mo sa Akin hinggil diyan.” 47. Sinabi ni Nûh: “O aking ‘Rabb!’ Hinihingi ko ang kalinga Mo at ang Iyong pangangalaga mula sa hiniling ko sa Iyo na wala akong kaalaman, at kapag hindi Mo pinatawad ang aking pagkakasala, at hindi Mo ako pagka-kalooban ng Awa ay mapapabilang ako sa mga talunan at hinamak ang kanilang mga sarili.” 48. Sinabi ng Allâh: “O Nûh! Bumaba ka mula sa Arka tungo sa kalupaan na nasa kaligtasan at kapayapaan mula sa Amin, at ang mga biyaya ay sumaiyo at sa mga tao na kasama mo. Subali’t mayroong mga tao at mga grupo na mula sa mga talunan na pagkakalooban (din) Namin sila ng kasiyahan ng buhay dito sa daigdig, hanggang sa marating nila ang dulo ng kanilang buhay, pagkatapos ay ipalalasap Namin sa kanila ang matinding kaparusahan mula sa Amin sa Araw ng Muling Pagkabuhay.”
Posted on: Wed, 07 Aug 2013 12:15:15 +0000

Trending Topics



e="margin-left:0px; min-height:30px;"> On the dark streets of Small Heath, I remember, remember the 21st
Via la seconda rata IMU. Ma solo in parte Approvato il decreto
Since we werent able to eat meat for good friday its going to have
Indoor Wall Panel Directional Antenna with 10dB N-Female head for
Feliz dia dos bloqueados mete tmbm a tua lista Usuários

Recently Viewed Topics




© 2015