Sinulat ko ito noong 2012 at nakasama sa aking unang aklat.. Kung - TopicsExpress



          

Sinulat ko ito noong 2012 at nakasama sa aking unang aklat.. Kung alam lang sana ng mga nakaupo sa pamahalaan ang paghihirap ng mga mamamayang Pilipino, wala sigurong napupunta sa bulsa nila. Paano kaya nila nasisikmura ang mga pagkaing masasarap na galing sa nakaw? Paano kaya sila nakatutulog sa malalambot na kama gayong ang mga taong mas nangangailangan ng tulong ay namamatay sa gutom sa lansangan.. Ang kakapal ng mukha ng magnanakaw sa gobyerno at ang mga taong patuloy na bumuboto sa kanila ay hindi pa rin natututo.. _____________________ Hamon ng OFW sa Gobyerno “Hirap na hirap na ako dito sa abroad pero wala ako magawa dahil walang makain ang pamilya ko sa Pinas. Gusto ko na sana umuwi upang makasama at mayakap sila kaso wala naman trabaho sa atin kaya nagtitiis na lang akong malayo sa kanila basta matustusan ko ang aming mga pangangailangan”. Isang daing ng OFW at nakakasigurado ako na minsan ay namutawi na sa bibig ng sinumang nagtatrabaho sa abroad. Kung daing lang ang pag-uusapan, winner kaming OFW dahil kami ay hindi nauunawaan ng karamihan tulad ng ilang kapamilya, ilang kamag-anak, ilang kaibigan at ng ilang namamahala sa ating bansa. Habang isinusulat ko ito, bumabalik sa akin ang buhay ko bago pa ako nakarating ng ibang bansa. Ipinangako ko sa aking sarili noon na kapag nakatapos ako ng kolehiyo ay pagsisilbihan ko ang bansang Pilipinas. Isa akong lisensyadong guro at nakapagturo lamang ng limang buwan sa isang pribadong paaralan bago ako nakarating sa abroad. Kinain ko ang mga salitang binitawan ko noon at inapakan ko ang pagiging makabayan ko at piniling makarating ng ibang bansa kahit mapalayo sa pamilya. Dalaga ako pero ang sweldong pitong libo sa isang buwan ay hindi sapat. Nadagdagan lamang ang kinikita ko noon dahil may ilang load ako sa college at may bata akong tinuturuan pagkatapos ng klase. Pagkatapos ng limang taon, nandito ako sa bansang pinapangarap ng karamihan- ang Canada..Unang napadpad ako sa Middle East at nagtrabaho doon ng mahigit sa tatlong taon. Ngayon ay magdadalawang taon na ako dito bilang caregiver/nanny. Trabahong malayo sa aking natapos. Pag nabuo ko na ang dalawang taon, pwede na ako mag-apply bilang residente. May magandang buhay na naghihintay, ika nga. Masaya dapat ako dahil marami ang nagnanais na makarating dito pero hindi ako lubusang masaya dahil marami ang kulang. Ang pamilya ko na matagal ko na hindi nakasama. Mga kaibigan ko na matagal ko na di nakikita. Buong pagkatao ko ay hindi kumpleto dahil hanggang ngayon, nananaig pa rin sa akin ang hangarin kong makapaglingkod sa mga kababayan ko at makabalik sa Pilipinas upang magturo. Katulad ng ibang kakilala ko dito, nagtitiis din ako dahil kapag naging residente o citizen ako dito, maraming benefits ang makukuha ko mula sa gobyerno. Benefits na di ko makakamtan kung tumigil ako sa bansang aking pinanggalingan. Blah blah blah blah. Dami kong reklamo!!! Pambihirang buhay kasi meron tayo sa sarili nating bansa kung doon lang tayo titigil. Ang mahihirap ay lalong naghihirap at ang mayayaman ay lalong yumayaman!! Salamat, nag-abroad ako. Nakabili kami ng kaunting ari arian pero ano ang resulta? Maswerte ako dahil wala pa akong asawa at anak. Pero ang ilang kapwa ko OFW, nawasak ang pamilya nang dahil sa pag-aabroad nila. Di na rin sila kilala ng kanilang mga anak dahil matagal sila nawalay dito. Sino ang sisisihin? Asawa na walang pagpapahalaga sa paghihirap mo sa abroad? Kahirapan? Pamahalaan? Pag nasa ganitong sitwasyon ka marahil, di mo alam kung sino ba ang tunay na may kasalanan. Kung sino pa ang pagbuntunan mo ng galit. Sasabihin mo nalang, “that’s OFW’s life”. Kailangan mong tanggapin na iyan ang naging tadhana mo sa buhay. Sino ang sisisihin sa laganap na kahirapan sa bansa? Kasalanan mo bang ipinanganak kang mahirap? Baka mga magulang mo ang may kasalanan kasi di sila nagsikap?! Pero kung nagsikap sila at wala pa ring nangyari, aba, hindi nila kasalanan yun!! Hindi mo daw kasalanan na ipinanganak kang mahirap pero kasalanan mo daw na mamatay kang mahirap pa rin. Pangunahing dahilan ng mga nangingibang bansa ang makaahon sa kahirapan. Ano nga ba ang mapapala mo kapag naghintay ka ng grasya sa Pilipinas? Sa mga kumpanya, hinahanap ang diploma mo na ikaw ay nakatapos. O kaya naman, graduate ka sa isang kilalang eskwelahan at with pleasing personality pa. Maliban pa dyan, daan daan kayong aplikante na naghihintay na matanggap upang magkaroon ng sahod na kung minsan ay wala pa sa minimum. Pamasahe mo papasok sa opisina, pagkain mo araw araw at taxes pa na babayaran kapag araw ng sweldo. Kawawang Pilipino, hindi na nga minimum ang sahod, halos kalahati nalang ang natatanggap. Kulang pa sa upa ng bahay, bayad ng tubig, kuryente at kung anu ano pang pangangailangan ng pamilya. Kung pamilyado ka, kahit diapers at gatas ni baby ay di mo mabili. Kung di ka graduate ng college o kung high school lang natapos mo, manicurista, janitress o kaya naman ay nagtatrabaho ka sa loob ng bahay na ang sahod ay tatlong libo o mas maliit pa. Trabahong sa isang araw ay kumikita ng isandaan o minsan wala pa. Ito ang ibubuhay mo sa iyong lumalaking pamilya. Dahil din sa kahirapan, marami ang hindi nabibigyan ng tamang edukasyon. Maraming mahihirap ang nagkakaroon ng maraming anak dahil sa paniniwalang isa sa isang dosenang anak ang aahon sa kanila sa kahirapan. Sino ang magtuturo sa mga taong ito kung hindi nabibigyan ng pagkakataon na makapag-aral ang lahat? Kung meron man, nagsisisiksikan sa public schools at di nabibigyan ng tamang pagtuturo. Ang iba, hihinto nalang dahil kulang din sa panggastos araw araw. Ang ibang magagaling na guro, pinili rin na mangibang bansa dahil magkano lang naman ang kikitain kapag tumigil sa Pilipinas? Samantalang sa ibang bansa ilang daan o libong dolyares ang kanilang magiging sweldo. Yung mga nakatapos ng ibang kurso, nasaan sila ngayon? Ilang libo ang graduates tuwing Marso pero sampu o daan lang ang bakanteng trabahong naghihintay sa kanila. Ilang nurses ba ang nababakante? At kung gusto nila makapag-abroad, sila pa ang magbabayad sa hospitals para sa kanilang volunteer experiences. Huh? Volunteer ka na nga, ikaw pa magbabayad? Ilang degree holders pa ba ang magtatrabaho na hindi naman nila linya ng kanilang ginagawa? Mabuti na lang, nagsulputan at nauso ang call centers at marami ang nailigtas sa unemployed population ng bansa. At mabuti nalang, may backer ka. Pasok agad sa trabaho kahit di ka naman karapat-dapat. It’s not what you knew! It’s who you knew, sabi nga nila! Tsk tsk! Hindi ko maiwasan sisisihin ang pamahalaang meron tayo. Ang ilang pulitiko ay walang ipinagkaiba sa mga manliligaw. Magaling silang manligaw tuwing eleksyon pero kapag nakaupo na, katulad ng ibang lalaki, nawawala na ang mga pangakong kanilang binitawan. At katulad ng mga naloko pagdating sa pag-ibig, marami sa atin ang nagiging tanga pagdating sa pamamahala ng ilang nakaupo sa gobyerno. Niloloko na tayo, di pa natin alam. Ibinubulsa na pala ang para sa atin, wala tayong kamuwang muwang. Wala akong kilalang pulitiko na kurakot dahil hindi naman natin sila makikilala kaagad maliban na lamang kung sasabihin nilang “Hoy, binubulsa ko ang ibinabayad ninyong buwis na sana ay gagamitin namin para sa inyong mamamayan”. Wala nga ako kilalang kurakot pero wala din ako nakikitang pagbabago sa pamamahala sa bansa natin. Dalawang beses na ako umuwi ng Pinas pero parang kahapon lamang ako umalis dahil kung ano ang hitsura nito noong umalis ako, ganun pa rin noong nagbakasyon ako. Isa pa, dalawa sa ating nakaraang presidente ang pasok sa top 10 corrupt leaders of the world. Patunay na talamak ang pangungurakot sa ating bansa. Kaming mga OFW, nagbabayad ng Philhealth at OWWA at nagpapadala ng remittances buwan buwan. Malaking tulong ang mga iyan sa ekonomiya ng ating bansa. Pero kapag nangailangan kami ng tulong, bakit hindi kaagad agad naaaksyunan? Ni hindi nga napapakinabangan ng karamihan sa amin ang OWWA at PhilHealth e. Yung mga nagtatrabaho sa Philippine Embassies, nabibigyan ba ng magagandang serbisyo ang mga OFW kapag lumapit sa kanila? Sana man lamang, pahalagahan din kami dahil nagbayad naman kami ng tama at nararapat noong umalis kami ng Pilipinas. Sana manindigan ang ating pamahalaan sa pagpapatupad ng 400$ minimum na sahod ng DH dahil marami pa rin sa ngayon ang tumatanggap ng halos 250$ lang. Baka sa ganitong paraan, mababawasan ang mga kasambahay na inaabuso ng mga amo. Maging mapagmatyag sana sa mga agencies na talamak sa panggagantso o recruiter na manloloko. Sana, mabigyan ng assistance ang distress OFWs.. Sana.. Sana.. Sana.. Sana, makauwi na kami at makasama ang pamilya namin.. Sana, may trabahong naghihintay sa amin sa Pilipinas pag-uwi namin.. Sana sana sana.. Napakaraming “sana” pero iilan ba ang pwedeng matupad dyan? Kung meron man, salamat pero kung wala, kailangang tanggapin. Kelan pa titigil ang mga Filipino sa pangingibang bansa? Kelan pa dadayo sa ibang bansa ang mga may matatas na pinag-aralan upang magtrabaho bilang domestic helpers? Kelan pa matatapos ang paglayo ng mga magulang sa kanilang mga anak o kapamilya na nakikipagsapalaran sa ibayong dagat upang matustusan ang pangangailangan ng lumalaking pamilya? Kelan pa mabibigyan ng katarungan ang mga OFW na napapahamak sa kamay ng kanilang mga amo? Kelan pa matatapos ang paghihirap ng isang OFW? Habambuhay na yata ito mangyayari. HINDI TITIGIL ANG LAHAT NG ITO DAHIL LAGANAP ANG KAHIRAPAN SA ATING BANSA. ANG PANGUNAHING DAHILAN NITO AY MAY KURAKOT NA NAKAUPO SA NAMAMAHALA SA ATING GOBYERNO. AT DAHIL LUGMOK ANG MGA PILIPINO SA KAHIRAPAN, WALANG TIGIL DIN ANG MGA NAKIKIPAGSAPALARAN SA ABROAD. Nagsisimula daw sa sarili ang pagbabago ayun sa karamihan. Ako at ang kapwa ko OFW, nagbago kami ng pananaw sa buhay na kung sa Pilipinas lamang kami, hindi kami aahon sa kahirapan. Nagsisimula kami sa aming sarili at tinutulungan namin ang aming pamilya. Kaya ang hamon ko sa mga pickpocketers sa pamahalaan, SIMULAN NYO NA RIN KAYA ANG SERBISYONG TOTOO? YUNG WALANG NAPUPUNTA SA MGA BULSA NYO? OH MANHID NA TALAGA KAYO? ____________________________ Note: Maganda man ang kapalarang naghihintay sa akin dito, ang Pilipinas pa rin ang bansang aking babalikan. Naniniwala akong may pag-asa pang umunlad ang ating bayan kung magtutulung tulong tayong mga mamamayan at ang ating pamahalaan. Sana dumating ang araw na yun. Hindi man makikita ng ating henerasyon, mararanasan naman sana ng ating mga anak at apo LINK TO THIS BLOG: definitelyfilipino/blog/2012/02/29/hamon-ng-ofw-sa-gobyerno/
Posted on: Mon, 16 Sep 2013 18:17:59 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015