WHEN WILL MEDIA KILLINGS STOP? NANAWAGAN kahapon ang media group - TopicsExpress



          

WHEN WILL MEDIA KILLINGS STOP? NANAWAGAN kahapon ang media group na Alab ng Mamamahayag (ALAM) sa gobyerno at sa lahat ng mga Filipino na magtulungan upang mabigyan ng hustisya ang mga mamamahayag na pinatay dahil sa pagtupad sa kanilang tungkulin. Noong Martes, dalawa na namang mamamahayag na kinilalang sina Richard Kho at Bonifacio Loreto, ang walang awang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng riding-in-tandem habang nasa isang tindahan sa Pilot Drive, Brgy. Holy Spirit, Quezon City. Ayon kay ALAM Chairman Jerry Yap, kahit paulit-ulit na mangako ang mga otoridad na bubusisiin nilang mabuti ang insidente, ay nawawalan na ng pag-asa ang mga mamamahayag na mabibigyan ng hustisya ang mga nasawi. “Kung ang mga biktima ng Maguindanao Massacre, hanggang ngayon, wala pang linaw ang paglilitis, ano pa kaya sina Kho at Loreto?” ani Yap. “Nagtayo nga sila ng kung anu-anong task force (PNP-task force USIG at DOJ-task force 211) pero wala pa ring kaso ng media killings ang naresolba. Mula nang maupo si PNoy (Pres. Benigno Simeon Aquino III) noong 2010, ilan na ba ang pinatay at inasaltong journalists?” Matatandaang sa 2010 state of the nation address (SONA) ni Aquino, idineklara nitong pananagutin ang mga taong may kinalaman sa pagpatay ng mga mamamahayag. Matapos ang apat na SONA, sinabi ni Yap na nganga o wala pa ring hustisyang nakakamit ang karamihan na mga biktima ng media killings. “Hindi nareresolba at hindi napaparusahan ang mga pumapatay,nananakit at mastermind sa pagpatay sa mga media men sa loob ng ilang taon, kaya nga pangatlo pa rin tayo sa magkakasunud na apat na taon bilang pinakadelikadong bansa para sa mga mamamahayag sa buong mundo,” ani Yap. “Kung nanguna man ang Iraq at pumangalawa ang Somalia, hindi questionable yon dahil may giyera sa kanila, pero sa Pilipinas, wala namang ganoon.” Binigyang diin ni Yap na ang kawalan ng proteksyon ng gobyerno sa mga mamamahayag ang dahilan kaya lalong lumalakas ang loob ng mga pumapatay sa kanila. Binanggit din ni Yap ang kontrobersyal na pagpatay noong 2011 kay Palawan-based radio broadcaster Gerry Ortega kung saan napawalang sala ng Court of Appeals noong Marso lamang si dating gobernador Joel Reyes na itinuturong mastermind sa pagpatay. Sa pagkamatay nina Kho at Loreto, pumapalo na sa halos 20 ang napapatay na mamamahayag sa panahon ng panunungkulan ni Pnoy, hindi pa kasama ang mga maliliit na provincial reporters na hindi miyembro ng National Press Club at ALAM na hindi na naibabalita. Hindi rin kasama sa bilang ang mga pinagtangkaang patayin ngunit himalang nakaligtas. “Sa nakalipas na 10 taon, 58 journalist na ang napapatay sa kabila ng pangako ni PNoy na tatapusin na niya ito,” dagdag pa ni Yap. Hindi rin kinalimutang ipaalala ni Yap ang malagim na Ampatuan Massacre noong November 23, 2009 na kumitil sa buhay ng 58 katao kung saan 32 ang mga journalist at media workers. Bukod sa mga pagpatay, hindi rin mabilang ang mga mamamahayag na nakatatanggap ng death threats o kaya naman ay idinedemanda ng kasong libel sa munting dahilan lamang. “Sina Kho at Loreto ang latest case ng media killing, pero siguradong may susunod pa sa kanila, hindi nga lamang natin alam kung sino at kailan,” ani Yap. “Magpapatuloy ‘yan habang walang seryosong programang ginagawa ang gobyerno para maparusahan ang mga may media killers.” -- nlv
Posted on: Thu, 01 Aug 2013 06:53:40 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015