Water concession agreement, kinondena ng PISTON by Jul 12, 2013 - TopicsExpress



          

Water concession agreement, kinondena ng PISTON by Jul 12, 2013 7:31am HKT MARIING kinondena ng PISTON ang Concession Agreeement sa pagitan ng gobyerno at mga kumpanya sa tubig na nagpapahintulot sa huli na ipasa sa mga consumers ang kanilang buwis, kasama ang income tax, travel expenses, gastusin sa outing, entertainment at iba pa. “Ang tubig, hindi lang inilalagay ng mga drayber sa radiator ng kanilang mga pampasaherong jeepney, Higit sa lahat ang tubig ay buhay dahil ito ay iniinom, ipinangluluto, ipinampapaligo, at ipinanglilinis din ito ng aming mga pamilya,” giit ni George San Mateo, pambansang pangulo ng PISTON. “Batayang pangangailangan ito na dapat maibigay ng gobyerno sa abot-kayang halaga. Hindi ganyang pinagtutubuan ng malalaking lokal at dayuhang kapitalista,” dagdag niya. Ayon sa naturang transport leader, kung hindi katanggap-tanggap sa mga drayber ang pagkainutil ng gobyernong Aquino sa isyu ng tumataas sa presyo ng langis, lalong hindi katanggap-tanggap sa amin ang pagkainutil ni Pangulong Aquino sa isyu ng tubig. “Mismong gobyerno ang nag-apruba ng Concession Agreement. Bakit pinayagan nila at patuloy na pinapahintulot ng pamahalaang Aquino ang panloloko ng Maynilad at Manila Water sa mga consumers? Hindi pwedeng manahimik na lamang si Pangulong Aquino sa usaping ito, dahil malinaw na pagkampi iyan sa Maynilad at Manila Water,” ani San Mateo. Ayon pa sa grupo, kitang-kita ang impluwensya ng dalawang kumpanya ng tubig sa gobyernong Aquino. Si Secretary Rogelio Singson ng Department of Public Works and Highways ay dating CEO ng Maynilad. Ngayon, isang attached agency sa DPWH ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS. Si Secretary to the Cabinet Jose Rene Almendras naman ay dating presidente ng Manila Water bago naging Secretary of Energy. “Hindi kataka-taka na tahimik sa isyu ng Concession Agreement ang Malakanyang. Hindi ito nyutral o nakaibabaw sa isyu, kundi mas kumikiling pabor sa Maynilad at Manila Water,” sabi ni San Mateo. Binigyang-diin ni San Mateo na ang ugat ng panloloko ng dalawang pribadong kumpanyang konsesyonaryo sa tubig sa mga consumers ay ang pagka-ganid nito sa supertubo, pakikipagsabwatan dito ng gobyerno at pagpapa-iral ng pribatisasyon sa tubig. ”Dapat ibasura na ang Concession Agreement na iyan at ipawalang-bisa ang pribatisasyon sa Tubig. Ang tubig ay serbisyo at hindi negosyo!” pagdidiin ni San Mateo. Inihayag ni San Mateo na kung ang PISTON ay puspusang lumalaban sa ovepricing at monopolyo sa industriya ng langis, ganundin aniya lalabanan ng mga drayber ang pribatisasyon sa Tubig at ang panloloko sa mga consumers ng sabwatang Pnoy-MWSS-Maynilad-Manila Water. Habang nagpoprograma ay kinalampag ng mga drayber, manggagawa at mga kabataan ang gate ng Maynilad at Manila Water.
Posted on: Fri, 12 Jul 2013 00:24:12 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015