ANG MANDIRIGMANG TAUSUG By: Arlyn Dela Cruz Inquirer and Bandera - TopicsExpress



          

ANG MANDIRIGMANG TAUSUG By: Arlyn Dela Cruz Inquirer and Bandera Newspaper ANG Tausug ang isa sa pinakamatatapang na grupo ng mga ethnikong Filipino na nakasalamuha ko, masasabi ko rin sila ang may pinakamaalab ang puso alang-alang sa kapayapaan. Kilala nila ang karahasan sa kung paaanong kilala nila ang kapayapaan. Kilala nila ang kaguluhan sa kung paanong kilala nila ang katahimikan Hindi maniniwala ang marami at maaaring sabihing propaganda ang mga balitang ang tulad ng isang Haber Malik ay handa nang magsagawa ng tinatawag na Shaheed, isang mataas na uri ng pagtingin nila ng kamatayan alang-alang sa kanilang pinaniniwalaan. Last stand ang sabi, hanggang kamatayan, ang sabi. Mahirap paniwalaan na may gagawa ng ganito, ngunit sa isang mandirigmang Tausug, hindi na pinaguusapan pa kung nasa tama o nasa mali siyang panig, ito ay isang katotohanan. Iyon ang hindi nakita sa katotohanan nito kaya’t tumagal ang krisis sa Zamboanga City. Hindi pinaniwalaan na iyon ay pagkilos na handa sa kamatayan. Maaaring hindi sa panig ng mga pinangakuan umano ng armas at P10,000 kada isa, ngunit hindi para sa mga namuno, hindi sa tulad ni Haber Malik. Hindi ko alam kung paaano sila nakumbinsi ni Misuari na sumuong sa labanang tiyak ang kanilang kamatayan habang si Misuari, ayun, nasa ligtas at malayong lugar, malayo sa labanan, malayo sa anino ng kamatayan. Ang alam ko, marami sa mga Tausug na may armas, kasapi man siya ng Moro National Liberation Front o ng iba pang grupong nasa mga lalawigang may mga komunidad ng Tausug, may mga kuwento sa nakaraan na paulit-ulit na isinasaysay, ipinapasa, hindi pinapayagang malimutan. Nakita ko noon ito sa cellphone ng mga kalalakihang dumukot sa akin, mga kasapi sila ng MNLF Renegade Forces na tapat kay Misuari. Nakalagay doon, “Remember Pata Massacre.” Kuwento ito ng isang marahas na yugto noong 1980s na ang karamihan sa mga biktima ay mga mamamayang Tausug sa islang ang pangalan ay Pata. Ito ang kuwentong nakagisnan ng mga kabataan noon, mga kuwentong naiwan sa isipan at puso ng marami sa mga nahikayat ni Misuari na sumamang muli sa kanya sa pinaniniwalaan niyang pagpapatuloy ng kanyang labang sinimulan noong dekada 70 pa. bandera.inquirer.net/32159/mandirigmang-tausug
Posted on: Fri, 27 Sep 2013 13:18:25 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015