Mas maraming pensiyonadong senior citizen sa OrMin, isinusulong ng - TopicsExpress



          

Mas maraming pensiyonadong senior citizen sa OrMin, isinusulong ng DSWD By Luis T. Cueto LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Agosto 1 (PIA) -- Pinag-aaralan ngayon ng Department of Social Welfare and Development Office-Calapan na mapalawak pa ang listahan ng mga benepisyaryo ng pensyon para sa senior citizens. Bawat benepisyaryo, sa ilalim ng Social Pension for Indigen Senior Citizen, ay tumatanggap ng P1,500 kada quarter bilang suporta sa kanilang mga pang-araw-araw na pangangailangan. Ito ay bilang pagtupad sa Republic Act No. 9994 o mas kilala bilang Expanded Senior Citizens Act of 2010. Nitong nakaraang linggo, may 236 na maralitang senior citizens na may edad 77 pataas ang nakatanggap ng kanilang quarterly social pension. Ang aktibidad ay isinagawa sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng City Government sa pamumuno ni City Mayor Arnan C. Panaligan kasama si City Social Welfare Officer Juvy Bahia. Sa kasalukuyan, patuloy na ipinatutupad ni Mayor Panaligan ang batas hinggil sa pagbibigay ng karampatang diskwento ng mga gamot at bilihin sa mga senior citizen cardholders. Dagdag pa rito ang libreng panonood nina lolo at lolo ng sine sa Neo-Calapan Mall tuwing araw ng Martes. Ang listahan ng mga benepisyaryo ng programa ay base sa isinagawang household survey kamakailan para sa National Household Targeting System for Poverty Reduction ng DSWD at sa mga senior citizen na walang natatanggap na monthly pension mula sa alinmang pribado o pampublikong ahensya. (LBR/LP/LGOCO/LTC/PIA4B/Calapan City)
Posted on: Thu, 01 Aug 2013 01:21:52 +0000

Trending Topics



Recently Viewed Topics




© 2015